"WHAT the hell, Xander?!"
Mabilis akong hinila ni Erika palayo kay Xander. Hindi ko naalis ang tingin ko sa nakangising mukha nito. Parang nawala sa pandinig ko ang ingay sa bar bumibingi sa akin. Ngayon ay tanging ang mga sinabi niya ang paulit-ulit kong naririnig.
Punong-puno ng pagkalito at tanong ang puso't isip ko, pero nawala ang lahat ng iyon ng biglang tumumba si Xander. Sabay-sabay kaming napasigaw at mabilis na lumapit sa kanya. Mabilis ko siyang dinaluhan at umupo ako sa may ulonan niya para alalayan iyon.
"Babe," nag-aalang tawag ko habang hinahaplos ang pisngi niya.
"Hindi naman 'yan basta-basta nalalasing, ah?! Ano bang ipinainom mo riyan?! Bakit mo kasi nilasing?!" asik ni Erika kay Marcus.
"Aba! Gusto niya raw malasing, eh! At hindi ako, ha! Siya mismo ang maya't maya kung umorder!"
"Huwag nang magsisihan," mahinahong ani Troy. "Marcus, Tan, tulungan ninyo ako. Buhatin natin si Xander."
Lumuhod si Troy at tumalikod kay Xander. Tinulungan ng magkapatid na isakay si Xander sa likod niya. Nakaalalay naman sila sa likod nito habang naglalakad. Nang makarating sa parking lot ay isinakay nila ito sa passenger seat ng kotse ni Troy.
"May dala kaya 'tong kotse?" tanong ni Troy kay Marcus.
"Oo yata."
"Balikan na lang bukas," ani Tristan.
Sumakay na kaming lahat at umalis na. Tumabi ako kay Xander. Tinitigan ko ito habang hinahaplos ang pisngi niya. Hindi mawala sa isip ko ang sinabi niya kanina.
Where's your fucking father, huh?! My Mom's fucking lover!
Mariin akong napapikit at marahas na napabuga ng hangin. Ano bang sinasabi niya! Ang Daddy ko at ang Mommy niya?!
"Sam."
Napaangat ang ulo ko. Tipid na ngumiti si Erika.
"Huwag mong isipin ang sinabi niya. Lasing lang siya."
Hindi ko siya sinagot. Alam kong nag-aalala lang siya pero masyadong mahirap ang ipinapagawa niya. Dahil kahit anong taboy ko roon, dahil ayaw paniwalaan, ay nanatili na iyon sa utak ko.
Sa tambayan kami dumiretso. Pinagtulungan muli ni Troy at ng magkapatid na buhatin si Xander papasok sa tambayan. Dinala nila ito sa kwarto. Sumunod ako sa mga ito.
"Thank you," mahinang sabi ko sa mga ito nang maihiga nila si Xander sa kama.
Mahinang tinapik ni Tristan ang balikat ko bago sila lumabas. Nang makita ang pagsara ng pinto ay doon pa lang ako umupo sa tabi ni Xander. Inayos ko ang pagkakahiga nito at inalis ang suot niyang sapatos.
Pinakatitigan ko ang kanyang itsura. Namumula pa rin ang kanyang mukha, leeg at magkabilang tenga. Amoy na amoy ang alak. Iba na ang suot niya ngayon sa suot niya noong ihatid ako kagabi. Ibig sabihin ay nakauwi pa siya.
Muli kong naramdaman ang sakit sa aking likod nang maaalala ang ginawa niya kanina. Hindi ko lubos maisip na magiging marahas siya nang ganoon sa akin.
Gusto kong isipin na lasing nga lang siya kaya niya nasabi ang tungkol kay daddy at sa mommy niya. Pero hindi ko magawang iwaksi sa isip ko ang naging trato niya sa akin kanina. Kung lasing lang siya ay bakit ganoon na lang ang galit niya? Kaya rin ba ganoon ang ikinikilos niya simula noong Sabado? Ito ba ang problemang hindi niya masabi-sabi sa 'kin? Ang hindi niay matanggap?
Pero bakit? Paano nangyari iyon? Natatakot ako sa sinabi niyang iyon. Natatakot ako na baka totoo iyon. Dahil kung totoo man iyon, alam kong pati ang relasyon namin ay maaapektuhan. Dahil ngayon pa nga lang na hindi pa ako sigurado roon ay ramdam ko na ang paglayo niya. Ang unti-unti niyang paglayo.
BINABASA MO ANG
Shattered Hearts (Hearts Series #1)
General Fiction❀ Wattys 2021 Shortlist ❀ Featured in Wattpad RomancePH's Teen Feels reading list Hearts Series #1 Sa loob ng walong taon ay namuhay si Samantha Alison Cruz na puno ng lungkot at sakit dahil sa malaking responsibilidad na nakapatong sa kanyang mga...