"MAG-INGAT ka roon, ha. Kumain ka sa tamang oras. Tumawag ka lang 'pag kailangan mo ng kausap. At kapag ayaw mo na roon o kung nalulungkot ka ro'n bumalik ka rito. Bukas ang bahay namin para sa'yo, Sam."
Pigil ang ngiti ko habang pinapakinggan si Gerald. Ngayong araw ang pagpunta ko sa Santa Clara. Nagpresinta siyang ihahatid ako rito sa terminal. Kahit ilang beses kong sinabi na kaya ko naman na mag-isa ay nagpumilit pa rin siya.
"Huwag kang tumawa. Seryoso ako," seryosong aniya pa na parang nagbabanta.
Mahina akong natawa at napapailing. Ilang araw na 'tong parang napaparanoid sa pagpunta ko sa Santa Clara. Maya't maya na lang akong pinapaalalahan ng ganoon. Naiiling na nga lang ako minsan sa mga pinagsasabi niya. Pati sa akin ay ginagamit ang pagiging kuya niya. Pero aaminin kong mamimiss ko siya at ang ganitong ugali niya.
Nang magresign ako last week sa coffee shop ay sa school at boarding house na lang ako naglalagi. Pagkakatapos naman ng shift ni Gerald ay pupunta pa siya sa boarding house at dadalhan ako ng kung anu-anong pagkain at sasamahan ako saglit. Madalas ay tumatambay lang kami sa labas ng gate dahil bawal ang lalaki sa loob.
Sa dalawang buwan na lumipas pagkatapos mawala ni daddy ay pinilit kong magpakatatag. Ginising ng mga sinabi ni Gerald noong gabing iyon ang isip ko.
Sa una ay napakahirap pero nagpatuloy ako. At sa bawat araw na dumadaan ay naghahanap ako ng dahilan para maging matatag. Hindi na lang para sa akin, kung 'di para na rin sa mga taong nagmamalasakit sa akin. Sa ngayon ay isa si Gerald sa mga dahilan kong iyon.
Hanggang ngayon nakatatak pa rin sa isip ko kung paano ko siya naging kaibigan two years ago. Pumasok ako sa coffee shop na mugto ang mga mata at nagbreaktime din na umiiyak dahil akala ko'y kukunin na si daddy sa akin noong araw na iyon. Naabutan niya akong ngumangalngal habang mag-isa sa locker. Napagkamalan pa nga ako nitong iniwan ng boyfriend.
"Broken hearted? Tsk! Kaya ayokong ma-inlove, eh!" Luhaang akong napatingin sa gilid ko nang may narinig na nagsalita at nakita siya. Umupo ito sa tabi ko. "Huwag mong iyakan 'yon. Gusto mo resbakan natin?"
"H-Hindi ako broken hearted."
"Ay, ganun? Akala ko broken hearted ka, eh. Daig mo pa namatayan, eh. Namatayan ng puso." Humagalpak siya ng tawa pagkasabi niyon.
Napatitig ako sa kanya at muling lumakas ang iyak dahil sa salitang sinabi niya. Natigilan naman siya at gulat akong tiningnan.
"Hala hoy! Nagbibiro lang ako! Ito naman! 'Wag ka ng umiyak! Baka sabihin ng makakakita sa 'tin na ako ang may gawa sa 'yo!" Natataranta niyang hinagod ang likod ko. "A-ano ba kasing nangyari sa 'yo? Kinakabahan ako, eh!"
Ikinwento ko sa kanya ang sitwasyon ni daddy noong araw na 'yon. Hindi pa kami close noong mga panahong iyon pero nagawa kong sabihin sa kanya ang problema ko. Pakiramdam ko kasi ay sasabog ang puso ko kung hindi ko mailalabas ang nararamdamang sakit.
Noong araw na iyon ay nalaman ko rin ang tungkol sa kanya. Third year college siya at simula noong magkolehiyo ay siya na ang nagpaaral sa kanyang sarili at dalawang kapatid na babae na ang isa ay kolehiyo na rin at ang isa ay nasa high school. Labandera ang nanay niya at wala na raw siyang tatay.
Nakasundo ko siya at naging kaibigan. Siya ang tipo ng lalaki na gugustuhin mong maging kaibigan. Handang makinig at handa ang balikat kung gusto mong umiyak. Alam niya kung kailan dapat magsalita at kung kailan hindi. Nirerespeto niya ako bilang kaibigan at bilang babae kaya panatag akong kasama siya. Likas siyang kalog at matulungin. Sobrang maalaga rin. At ngayon ngang mapapalayo sa kanya ay sobra akong nalulungkot.
"Mag-iingat ka roon," muli niya pang paalala.
"Mag-ingat ka rin dito."
Mas lumapit siya at yumakap sa akin. Ramdam ko ang dahan-dahan niyang paghaplos sa likod ng aking ulo. Ipinulupot ko ang mga braso ko sa kanyang bewang habang nakasubsob ang mukha sa kanyang dibdib. Nararamdam ko ang pag-iinit ng mga mata ko. Ngayon ko naramdaman ang lungkot dahil sa gagawing pag-alis... Sa paglayo sa kanya.
BINABASA MO ANG
Shattered Hearts (Hearts Series #1)
Ficção Geral❀ Wattys 2021 Shortlist ❀ Featured in Wattpad RomancePH's Teen Feels reading list Hearts Series #1 Sa loob ng walong taon ay namuhay si Samantha Alison Cruz na puno ng lungkot at sakit dahil sa malaking responsibilidad na nakapatong sa kanyang mga...