Kabanata 16

234 44 74
                                    

HINDI pa man ako tuluyang nakakabawi sa pagkabigla dahil sa surpresa nilang ito ay hinila na ako ni Erika at Bianca patungo sa unahan. Pinaupo ako ng mga ito sa isang magara at sopistikadang sofa.

Kung kanina ay gusto kong umiyak dahil sa labis na saya, ngayon ay nasasapawan na iyon ng pananabik lalo pa't dahil sa masayang tugtugin na "Shake It Off" na pumapalahaw sa buong kabahayan.

Nagtungo ang dalawa sa kabilang dulo kung nasaan ang iba pa naming kaibigan. Noon ko naman napagmasdan ang paligid. May iba't ibang kulay ng balloons sa kisame at sa dulo ng tali niyon ay may nakasabit na mga litrato puro mukha ko ang naroon. Mayroon ding dekorasyon ang dingding sa aking likuran. Puno ng pagkain ang pahabang lamesa na naroon. Kahit sa gilid ko ay may pahaba pang lamesa.

Bumalik ang atensyon ko sa mga kaibigan ko nang humina ang tugtugin.
Napatakip ako sa nakanganga kong bibig nang makita ang papalapit na si Erika.
Akala ko'y tapos na nila akong gulatin ngunit hindi pa pala.

Sa kabila ng masiglang ritmo ng tugtugin ay hindi ko napigilan ang pangingilid ng mga luha ko habang nakatingin sa pinsan ko. May suot itong party hat na may numerong eleven sa gitna. Hawak niya sa dalawang kamay ang isang maliit na cake.

"Happy eleventh birthday, my beautiful cousin!" malakas niyang pagbati nang makalapit. Umiindayog pa ito. Sinindihan niya ang kandila na nakatusok sa cake. "Make a wish."

Tuluyang tumulo ang luha ko nang pumikit ako upang bumulong ng isang hiling. Isang hiling na gustong iparating ng aking batang sarili sa kung sino ako ngayon.

"Maging masaya ka, Samantha. Ngayon at sa mga susunod na taon."

Luhaan kong hinipan ang kandila. Malakas na palakpakan naman ang ibinigay nila sa akin. Humalik si Erika sa tuktok ng aking ulo.

"Don't cry, birthday girl. Masisira ang makeup mo." Pinunasan niya ang aking pisngi bago ako iniwan.

Sunod kong nakita ang papalapit na si Bianca. Hindi pa man tuluyang humuhupa ang luha sa mga mata ko ay malakas naman akong natawa nang gumiling-giling pa ito habang naglalakad palapit sa pwesto ko. Tulad ni Erika ay may bitbit itong maliit na cake.

"Maligayang kaarawan, our dear Sammmy!" sigaw niya na nakapagpatawa muli sa akin. "Make a wish and blow your candle."

Mas lumala ang tawa ko nang sumunod sa kanya si Troy na may suot na unicorn headband. On my fifteenth and sixteenth birthday ay si Xander at Tristan na ang may suot niyon. Sabay namang nagdala ng cake si Erika at Bianca sa ika-labing pitong kaarawan ko. Seryoso ang isa, samantalang ang isa ay napapasayaw pa sa kanta ng Westlife na "When You're Looking Like That"

"Happy seventeenth birthday, Sam," seryosong bungad ni Erika. Ibang iba sa mood nilang lahat kanina. "Alam mo ba, akala ko noon ay sapat na ang batiin ka ng happy birthday tuwing kaarawan mo. Hindi ko naisip na kailangan mo rin ng kasama sa mismong araw na iyon."

Muling nangilid ang luha kong nakalimot saglit na sabayan ang pagsasaya namin kanina. Mabilis ko rin naman 'yong napigilan sa pagpatak.

"I'm sorry kung wala ako sa tabi mo noong past birthdays mo but I promise you... na kahit ayaw mo na akong kasama mananatili ako sa tabi mo tuwing kaarawan mo. Kahit pa may asawa ka na... at mga chikiting."

Mahina akong natawa dahil sa mga huling sinabi niya. Dinuggo naman ito ni Bianca.

"Tabi nga! Sabi mo walang drama tapos ikaw naman 'tong nangunguna."

Shattered Hearts (Hearts Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon