His Shattered Heart
HINDI ko maiwasang kwestiyonin kung bakit hindi patas ang mundo. Mahirap na nga kami ay kinuha pa sa amin ng maaga ang tatay ko. Nagta-trabaho siya bilang construction worker noon at labandera ang nanay ko. Kita ko ang hirap nila para maitaguyod ang bawat araw na dumadaan pero lalo kaming naghirap nang mawala si tatay. Kinailangan kong magtrabaho kasabay ng pag-aaral. Aaminin kong ilang beses ng sumagi sa isip ko na tumigil na sa pag-aaral at magtrabaho na lang. Ilang beses na akong muntik bumitaw sa pangarap ko.
"Walang mangyayari kung susuko ka. Pagsisisi lang ang magiging kapalit niyon. Kahit mahirap ang pinagdadaanan mo ngayon, kapag nakapagtapos ka at naabot mo na ang mga pangarap mo masasabi mo na lang na mabuti na lang pala na hindi ako sumuko. Mabuti na lang nagpatuloy ako."
Pinakatitigan ko si Samantha. Habang nakatingin sa mukha niyang nakangiti pero mababakas pa rin ang sakit na dinaranas roon- ay naiisip ko kung sino ba ako para magreklamo sa buhay. Kumpara sa paghihirap ko ay walang wala iyon sa mga pinagdaraanan niya ngayon. Pero heto siya, matatag pa rin.
Dahil sa sinabing iyon ni Samantha ay nabuhayan ako ng loob. Doon ko naisip na tama nga siya, kapag nakatapos ako at naging ganap na inhinyero ay maiiahon ko na sa kahirapan ang pamilya ko. Iyon lang naman ang gusto ko, ang matigil na ang nanay ko sa pagiging labandera at ang makapagtapos ng pag-aaral ang mga kapatid ko. Sila ang inspirasyon ko sa buhay. Sila ang dahilan kung bakit ako nagpapatuloy.
Pero habang tumatagal hindi na lang pamilya ko ang naging inspirasyon ko. Akala ko ay simpleng paghanga lang ang nararamdaman ko kay Samantha. Akala ko ay humahanga lang ako sa katatagan niya, dahil kahit gaanong kasakit at kabigat ang problemang ipinapatong ng tadhana sa balikat niya ay nanatili siyang lumalaban.
Ilang beses kong inensayo sa harap ng salamin ang pagtatapat na gusto kong gawin, pero tuwing nakikita ko siyang malungkot, hindi ko maituloy ang balak. Hindi pa ito ang tamang oras. Hindi naman mahalaga ang nararamdaman ko. Karamay ang kailangan niya.
Alam ko kung gaano kasakit ang mawalan ng minamahal sa buhay, lalo na kung magulang mo iyon. Kaya noong mawala ang daddy niya gustong gusto kong akuin lahat ng sakit na nararamdaman niya. Kung pwede lang... kung pwede lang ay matagal ko ng ginawa. Sana sa bawat kapit ko sa kanyang kamay at sa bawat yakap ko ay maramdaman niyang hindi siya nag-iisa.
"Hello?"
"Hi! Are you Gerald Lopez?"
Puno ng pagtataka kong tiningnan ang cellphone ko matapos marinig ang sinabi ng nasa kabilang linya. Isang unknown number ang tumawag. Naisip ko pa na baka isa lang iyon sa blockmates ko.
"Ah, oo. Sino po sila?" tanong ko nang muling itinapat ang cellphone sa tenga.
"OMG! I'm Erika Javier, Samantha's cousin."
Napataas ang dalawa kong kilay nang marinig ang sinabi ng nasa kabilang linya. Kung hindi masaya ang tono ng boses niya ay mag-aalala na sana ako dahil sa biglaang pagtawag niya.
"Ano po'ng maitutulong ko?"
"Don't po me," maarteng aniya. Gusto kong matawa at kwestyonin kung pinsan nga ba talaga ito ni Samantha. "Anyway, can you come here next week? Sa Santa Clara?"
Next week? Mukhang alam ko na ang dahilan kung bakit siya tumawag.
"Balak kasi naming surpresahin si Samantha for her birthday. I'm sure na mas magiging masaya siya kung narito ka rin," pagpapatuloy niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/251259922-288-k382493.jpg)
BINABASA MO ANG
Shattered Hearts (Hearts Series #1)
General Fiction❀ Wattys 2021 Shortlist ❀ Featured in Wattpad RomancePH's Teen Feels reading list Hearts Series #1 Sa loob ng walong taon ay namuhay si Samantha Alison Cruz na puno ng lungkot at sakit dahil sa malaking responsibilidad na nakapatong sa kanyang mga...