NAPUNO ng tawanan ang hapag. Pinaliguan pa nila kami ni Xander ng tukso nang malaman ng mga ito na sinagot ko na 'to. Idagdag pa ang walang sawa nitong pag-aasikaso sa akin.
Nanatili kami roon at ipinagpatuloy ang pagsasaya. Hindi na alintana ang oras. Si Doc naman ay umuwi na rin kanina pagkatapos kumain para raw mas ma-enjoy namin ang party.
Malakas na umalingawngaw ang kantang "Party Rock Anthem". Tumayo si Erika at nakataas ang dalawang kamay nang sumigaw, "Let's party!"
Lumapit si Bianca kay Gerald at hinila ito. Wala ng nagawa ang huli at natatawa na lamang na sumunod. Kahit ako ay walang naging palag nang lapitan ni Tristan. Itinaas pa nito ang magkahawak naming mga kamay at pinaikot pa ako.
"Wooooh!" malakas na sigaw ni Tristan. Pare-pareho kaming pumunta sa gitna. Nanatili lang sa lamesa si Xander at Troy, nakangiti kaming pinapanood ng mga ito habang umiinom.
Sabay-sabay naming pasigaw na sinabayan ang kanta, nakapabilog at umiikot sa gitna at saka titigil at gagawa ng mga sarili naming sayaw. Para kaming mga bulate na binudburan ng asin.
Hingal na hingal kami nang matapos ang tugtog. Nakailang party songs pa bago nila naisipang magpahinga. Habang naglalakad pabalik sa lamesa ay feel na feel pa ni Erika ang pagsabay sa kanta ni Miley Cyrus na "Party in the U.S.A."
Umupo ako sa tabi ni Xander. Agad ako nitong inabutan ng isang basong tubig. Hinila niya pa ang silya ko palapit sa kanya na ikinairit ko nang malakas. Ikinawit niya ang kaliwang braso sa bewang ko.
Nag-iinit ang magkabila kong pisngi. Akala ko kapag naging boyfriend ko siya maalis na ang ganitong pakiramdam. 'Yong ilang at hiya kapag kikilos siya ng ganito. Hindi pa rin pala. Para ngang mas lumalala pa. Mukhang malayo pa ako sa kasanayang gusto ko. 'Yong kilig na lang at hindi na naiilang o nahihiya kapag ganito siya.
"Hindi napapagod ang isang 'yon," natatawang ani Bianca habang nakatingin sa pinsan ko at kay Troy. Katabi niya si Gerald at Tristan na nagtatawanan. Baka kung ano'ng kalokohan ang pinag-uusapan.
Sinundan ko ng tingin sila Erika. Nagpunta ang dalawa sa gitna at mabagal na nagsayaw, sinasabayan ang malumanay na kanta.
"Did you enjoy the party?" bulong sa akin ni Xander kaya nabaling muli sa kanya ang atensyon.
Nakangiti akong lumingon sa kanya. "Sobra!"
Humarap ako sa kanya. Hinawakan niya ang baba ko gamit ang hintuturo at dinampian ako ng halik sa labi. Hindi ko 'yon inaasahan kaya nanlaki talaga ang mga mata ko. Natawa naman ito.
"Tuwing nakikita kitang nakangiti, mas lalo akong nahuhulog, Samantha," malumanay na sabi niya. Bumalik ang ngiti ko.
"Pasensya na, Mister, pero baka mas mahulog ka pa sa mga susunod na araw."
Ngumisi ito. "Handa ang puso ko riyan." Tumayo ito at naglahad ng kamay sa akin "Let's dance?"
Nakangiti kong tinanggap ang kamay niya. Nagtungo kami sa gitna, malapit kina Erika at Troy. Seryosong nag-uusap ang dalawa. Mukhang hindi naman nila kami napansin dahil tutok na tutok sa isa't isa.
Hinapit ako ni Xander sa bewang. Hindi niya hinayaang magtira ng espasyo sa pagitan namin. Ikinawit ko naman ang mga braso sa kanyang leeg at pinagsiklop pa ang mga kamay ko sa batok niya. Mabagal kaming nagsasayaw sa saliw ng awitin ng South Border na "Rainbow", isa sa mga paborito kong kanta.
BINABASA MO ANG
Shattered Hearts (Hearts Series #1)
General Fiction❀ Wattys 2021 Shortlist ❀ Featured in Wattpad RomancePH's Teen Feels reading list Hearts Series #1 Sa loob ng walong taon ay namuhay si Samantha Alison Cruz na puno ng lungkot at sakit dahil sa malaking responsibilidad na nakapatong sa kanyang mga...