Kabanata 15

250 44 40
                                    

WALANG Erika ang tumambad sa paningin ko ngayong umaga. Nagtungo ako sa kusina. Si Manang lang ang naabutan ko roon. Nasa trabaho na marahil sila Tito.

"Good morning po, Manang!" Umupo ako sa harap niya.

"Good morning, hija. Kumain ka na."

"Si Erika po?" tanong ko habang nagtitimpla ng kape. Naghahain naman siya ng pagkain ko.

"Aba, maagang umalis. Sinundo ni TJ," aniya na si Troy ang tinutukoy. "Mag de-date siguro," pabulong pang aniya na mahina kong ikinatawa.

Kumain na ako habang nakikipagkwentuhan pa kay Manang tungkol sa mga anak niyang nasa ibang bansa na pala lahat. Kung tutuusin ay pwedeng pwede na siyang umalis dito. Aniya ay nasanay na rin siyang kasama sila Tita Agnes at hindi na niya kayang iwan pa ang mga ito. Hanga ako sa kanya dahil malaki ang malasakit niya sa pamilyang ito. Minahal niya ang mga ito na parang sariling kadugo.

Bago pa ako matapos sa pag-aagahan ay nagpaalam na si Manang dahil tatawag ang apo nito. Tinapos ko naman ang pag-kain ko.

Nang matapos ako sa paghuhugas ng pinagkainan ay umakyat na muli ako sa kwarto ko. Tutal ay wala rin namang gagawin at hindi rin ako nakakatanggap ng text message mula sa iba kung patungo sila sa tambayan, inubos ko na lamang ang maghapon sa panonood ng pelikula.

Ramdam ko ang hapdi sa namumugto kong mga mata nang matapos ko ang pangatlong pelikula. Dalawa ba naman sa pinanood ko ay iyakan to the max. Ayan tuloy!

Pinagpahinga ko saglit ang mga mata ko bago ako nagtungo sa banyo. Nang matapos sa paliligo ay tiningnan ko pa ang mga mata sa salamin. Wala na ang pamamamaga at pamumula niyon.

Nang makalabas ako ng banyo ay nakaupo na si Erika sa sofa. Nakatutok ang paningin nito sa cellphone at abala naman ang mga daliri sa pagtitipa roon. Umangat ang kilay ko sa pagtataka nang makita itong gayak na gayak. Naka black square neck dress siya at black platform peep toe stilettos. Napansin ko rin ang isang malaki at isang maliit na gray box sa tabi niya.

"Kumusta ang date?" tanong ko dahilan ng paglingon niya sa akin. Naglakad ako palapit sa closet para kumuha ng maiisuot.

"Okay lang." Nakangiti siyang tumayo. Walang kahirap-hirap niyang binuhat ang mga kahon patungo sa kama.

"Nakipagdate ka ng ganyan ang suot?" nagtataka kong tanong na pinasadahan pa ng nagtatakang tingin ang kabuuan niya.

"Loka! Syempre hindi!" natatawa niyang sagot.

Nagkibit-balikat ako. "Akala ko, eh."

"Wear this," aniya kaya natigilan ako sa paghahanap ng damit at hinarap ito.

Napuno muli ako ng pagtataka habang nakatingin sa mga kahon. Kanina ko pa iniisip kung ano ang mga iyon. Para kasi 'yong regalo dahil may ribbon pang nakatali. "Ano 'yan?"

"Wedding gown," nakangising biro niya na ikinaismid ko.

Umupo ako sa kama at binuksan ang malaking kahon. Napalingon ako sa kanya nang makita ang silver dress roon. Ngumiti lang ito nang pagkalapad-lapad. Itinuon kong muli ang paningin sa dress. Kinuha ko iyon at iniharap sa akin. Isa 'yong sparkling silver sequin backless dress.

"Ito pa," ani Erika.

Natitigan ko ang hawak niyang champagne metallic lace-up heels. Sa sobrang hilig ni Erika sa fashion ay pati ako ay nagkakaroon ng kaalaman tungkol sa mga iyon.

Shattered Hearts (Hearts Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon