Kabanata 20

240 39 29
                                    

WALANG paglagyan ang saya ko nang magkatotoo nga ang sinabi ni Xander. Nagkaayos nga ang dalawa ni Tristan at Bianca. Bonus pa na unti-unti na nilang nabubuksan ang tungkol sa nararamdaman nila.

"Hanga ka na sa 'kin?" mayabang na ani Xander kinabukasan pagkatapos niyang kausapin ang dalawa.

"Oo na. Ikaw na, Master." Yumukod pa ako. Natatawa niya akong niyakap.

"Tulak pala gusto ninyo. Kung alam ko lang na gano'n lang kailangan ninyo isinubsob ko na kayo sa isa't isa," ani Erika.

"Torpe nito ni Tristan. Panay pa-baby, eh," hirit din ni Troy.

"Hanggang kailan kaya na kami ang makikita ninyo?" masungit na ani Bianca.

"Until next year."

Hinambaan ng suntok ni Bianca si Erika kaya natatawa niyang itinaas ang nakakuyom na mga kamay.

Bumalik na ang ingay ng tambayan. Bumalik ang pagiging aso't pusa nila Tristan. At bumalik na rin ang kapayapaan sa isip ko.

Next week na ang death anniversary ni daddy. Nagbabalak na ako na luluwas ng Manila para roon. Nagsabi pa nga si Gerald na pwedeng doon ako magpalipas ng gabi sa kanila.

"Pasensya na, hija, kung hindi ka namin masasamahan. Tambak ang trabaho ng Tito Ethan mo," malungkot na ani Tita Agnes nang magsabi ako rito ng tungkol sa balak na pagluwas.

"Okay lang naman po ako, Tita. Nakausap ko na rin si Gerald at sasamahan niya ako."

"Bakit hindi ka magpasama kay Erika?"

"Busy po iyon. Huwag ninyo na lang din po sanang banggitin."

"Naku, magtatampo iyon sa'yo. Panigurado."

"Madali naman pong suyuin 'yon," natatawa ko pang sabi.

Napailing si Tita. "Oh, s'ya, ikaw ang bahala. Mag-iingat ka roon, ha? Tumawag ka kapag may kailangan ka."

"Yes, Tita. Salamat po."

Hindi nagtanong sa akin si Erika tungkol sa pagluwas ko kaya alam kong hindi niya nga nakarating sa kanya ang tungkol doon. Siguradong kapag nalaman no'n ay hindi iyon papayag na hindi siya sasama. Kaya nga ingat na ingat akong huwag mabanggit sa kanya. Abalang abala pa kasi iyon sa school.

Alas kwarto pa lamang ng umaga ay gumayak na ako. Alas singko ang first trip ng bus at gusto kong habulin iyon. Kapag maaga akong nakaalis dito ay maaga akong makakarating sa Manila at hindi na aabutin ng traffic. Kagabi pa lang naman ay nagsabi na ako kina Tita na ganitong oras akong aalis kaya okay lang kahit hindi na ako makapagpaalam ngayon.

Bumaba na ako dala ang itim kong backpack na naglalaman ng damit na maisusuot kung sakaling hindi ako makakauwi mamaya. Dumaan pa muna ako ng kitchen at gumawa ng kape. Isinalin ko iyon sa tumbler. Habang naglalakad palabas ng kusina ay isinilid ko na iyon sa bag.

Nangaligkig ako sa lamig ng hangin na humampas sa katawan ko pagkalabas ng bahay. Nagtuloy na ako sa gate, yakap ang sarili. Para akong nakakita ng multo nang mabuksan iyon. Napanganga ako at hindi makapaniwala sa nakikita. Mabilis na nangilid ang luha ko dahil muli na naman nila akong ginulat.

Nakaparada sa harapan ko ang isang itim na mpv. Kina Troy iyon. Iyon din 'yong ginamit namin noong ihatid namin si Gerald sa Manila Nakabukas ang pinto niyon sa passenger's seat at sa driver's seat. Nakaupo sa likod si Tristan, Bianca at Erika. Nakasubsob si Bianca sa kandungan ni Erika at ito naman ang nakasubsob sa likod niya. Samantalang nasa harapan si Troy at si Xander, parehong gising at nag-uusap.

Sabay na lumingon sa akin ang dalawa nang magkaroon ng tunog ang paglapat ng gate. Mabilis na bumaba ng driver's seat si Xander at lumapit sa akin. Napansin ko agad ang hindi magandang pinta ng mukha nito. Seryoso ito at salubong ang mga kilay. Alam ko na naman kung para saan iyon.

Shattered Hearts (Hearts Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon