LUMIPAS pang muli ang ilang linggo na hindi kami nakakapag-usap ni Xander. Maski ang pagpunta nito sa tambayan ay natigil. Alam kong nagkikita sila ng mga kaibigan ko, minsan sa university at madalas silang uminom ni Troy.
Sinubukan ko siyang intindihin. Sinabi ko na lang sa sarili na... kailangan niya pa ng oras. Nagtiis ako sa pangungulila. Sa mga magdamag na pag-iyak. Kahit saan ako magpunta ay siya ang naalala ko. Ang yakap niya, ang halik niya. Miss na miss ko na siya.
Naiinis na si Erika pero sinasabi ko sa kanyang hayaan na lamang ito. Kaya ko pa naman. Kaya ko pang magtiis.
"Pumunta raw tayo sa tambayan, Sam. Naroon sila Erika."
Tumango ako sa sinabi ni Bianca.
Nanlaki ang mga mata ko nang makarating sa tambayan at ang big bike agad ni Xander ang nakita ko. Hindi ko inaasahang narito siya kaya naman dali-dali akong bumaba ng kotse at masayang tumakbo papasok bitbit ang paper bags na naglalaman ng binili naming pagkain kanina.
Ngunit naroon pa lang sa hagdan ay natigilan na ako at nabura ang ngiti. Malalakas na sigawan ang naririnig ko na nagmumula sa loob. Nakita ko si Troy na nakasandal sa hamba ng pintuan ng kwarto ni Xander. Nakatungo ito at nakapikit habang hinihimas ang sentido. Parang problemado ito sa sigawan ng mga tao na nasa loob ng kwarto.
Naglakad ako palapit roon pero agad ding natigilan nang marinig ang malakas na boses ni Erika.
"Kaya nga bakit hindi mo siya kausapin?! Ginagawa mong tanga ang pinsan ko dahil sa ikinikilos mo!"
"Shut up!" mahina ngunit mariing ani ng isang boses.
Si Xander.
"Kung iyon ang problema bakit hindi mo sabihin sa kanya?! Bakit kailangan mo siyang pakitaan ng ganito?! Bakit kailangan mo siyang saktan ng ganito-"
"Sa palagay mo hindi ako nasasaktan, ha, Erika?!"
Naglakad pa ako palapit sa pinto at nakita silang dalawa sa loob ng kwarto. Pareho silang nakatagilid sa gawing ko. Bakas ang galit sa luhaaang mukha ni Erika habang nakatingala sa kaharap na salubong ang mga kilay at lumalabas na ang litid sa leeg.
"Akala mo madali lang na iwasan siya?! Akala mo balewala lang sa akin ang lungkot at sakit na nakikita ko sa kanya?! Akala mo hindi ako nasasaktan, ha?! Nasasaktan ako, Erika! Sobrang sakit! Sobrang sakit ng nalaman ko at sobrang sakit na kailangang mangyari sa'min 'to!"
Napayuko ako sa malakas na sigaw na iyon ni Xander. Magkakasunod na tumulo ang mga luha ko habang nakatayo roon at pinapakinggan ang tinig niya habang sinasabi ang mga iyon.
"Hirap na hirap na rin ako, Erika," mahinang dagdag ni Xander na lalong dumurog sa puso ko.
Tahimik akong napahagulgol. Naramdaman ko ang paghangod ng kamay sa aking dibdib pero para bang mas pinasasakit lang niyon ang nararamdaman ko.
"Gusto kong kalimutan na lang ang nangyari para sa aming dalawa ni Samantha pero paano? Higit kanino man, ikaw ang nakakaalam kung gaanong sakit ang idinulot sa akin ng ginawang 'yon ni Mommy. Ilang taon akong nagdusa! Ilang taon kong inisip kung anong klaseng tao ang lalaking iyon para iwan kami ng nanay ko! Ilang taon kong inisip kung bakit hindi ako naging sapat para manatili siya sa amin ni Daddy! Ilang taon kong inisip ang halaga ko bilang tao at bilang anak niya!"
"Pero hindi kasalanan ni Sam ang kasalanan ni Tito Samuel, Xander! Wala siyang alam tungkol sa relasyon ng mga magulang ninyo!" mariing ani Erika.
Nag-angat ako ng tingin kay Xander. Nakita ko ang pagtiim-bagang at pag-iling niya. "Hindi niya kasalanan... Pero anong gagawin ko, Erika? Tuwing nakikita ko siya, kasalanan ng ama niya ang naaalala ko."
![](https://img.wattpad.com/cover/251259922-288-k382493.jpg)
BINABASA MO ANG
Shattered Hearts (Hearts Series #1)
Ficción General❀ Wattys 2021 Shortlist ❀ Featured in Wattpad RomancePH's Teen Feels reading list Hearts Series #1 Sa loob ng walong taon ay namuhay si Samantha Alison Cruz na puno ng lungkot at sakit dahil sa malaking responsibilidad na nakapatong sa kanyang mga...