eighteen

5.5K 321 43
                                    

N’UNG sumunod na mga linggo, madalas akong tumambay sa opisina ng mga Sarreal para isa-isa kong mabitag—este, makilala—‘yung mga pinsan ni Charlotte.

Okay naman silang lahat talaga. Wala namang suplado o masungit, walang mayabang o masama ang ugali, at wala namang nagbibigay sa ‘kin ng evil anime eyes n’ung nalaman nilang nanliligaw na talaga ako kay Charlotte.

Si Kuya Nick na yata ang pinaka-busy pero hindi n’un nakakaligtaan mag-alok ng kape o magtanong kung kumusta na ako o kung kumain na ba ako. 

Si Kuya Ulrich naman, hindi nagbago ‘yung pakikitungo niya sa ‘kin kahit pa alam kong may masamang balak siya sa ate ko. Hindi naman siya nagpumilit na makipag-close o na naging mas mabait sa ‘kin. Kung paano siya n’ung una, gan’un pa rin siya sa ‘kin. Di bale nang sa loob ng kulang-kulang dalawang linggo eh apat na beses ko na siyang naaabutan sa bahay, nakikipaglapit daw sa ahas na aampunin niya. ‘Yun na lang ang pinaniniwalaan ko kaysa isipin kong ahas niya ‘yung inilalapit niya sa ate ko.

Hindi pa kami natutuloy sa balak naming pagbili ng supplies kasi naging busy din sila Charlotte d’un sa tinatrabaho nilang kaso pero may court date na raw sila.

Si Kuya Emmett, ayun, number one fan ko pa rin.

‘Yung iba namang mga Sarreal, nadala sa pagkain at sa common interest kasi magkaka-edad o malalapit ‘yung mga edad namin kaya may mga hilig kami na pare-pareho.

Sa palagay ko, okay naman na talaga ako sa kanila.

Ang medyo kinabahan lang akong makilala eh si Reinhardt. Nakababata siyang kapatid ni Kuya Emmett. Ngayon ko lang siya nakilala kasi naglagi pala siya sa America para samahan ‘yung bunso nila kasi may kaso rin daw na tinrabaho d’un.

Si Reinhardt ‘yung lalaking version ni Charlotte. Silang dalawa rin daw ‘yung pinaka-close sa isa’t-isa kasi magka-edad, magka-ugali, at magka-mukhang-magkamukha silang dalawa. Ang pagkaka-iba lang eh puwedeng gawing keychain si Charlotte. Si Reinhardt, hindi. Pero nasa 5’8” lang siguro siya kaya kumpara sa mga dambuhala niyang pinsan at sa mukhang body builder niyang kuya, baka puwede rin siyang isabit sa zipper ng bag ano?

N’ung tinanong niya ako kung puwede ba kaming mag-usap, parang mas kinabahan pa ako kaysa d’un kay Kuya Ulrich na may evil anime eyes.

Seryoso siya, medyo soft-spoken, kalmado.

Hindi siya kasing intimidating ng mga kuya niya pero pakiramdam ko n’ung kausap niya ako eh gan’un din ako huhusgahan ni San Pedro habang nakatayo ako sa Pearly Gates of Heaven kapag mamatay ako. (Kung d’un ang punta ko.)

Hindi naman siya masungit. Wala siyang evil anime eyes. Pero n’ung tapos na kami mag-usap, alam kong sarili ko muna ang sasaktan ko ng ilang libong beses bago ko maisip na saktan si Charlotte, hindi dahil takot ako sa mga pinsan niya pero dahil maging sila, ayokong ma-disappoint sa ‘kin.

N’ung nabasa na ni Reinhardt ‘yung kaluluwa ko at nasiguro na niyang hindi ako gago at hindi ko sasaktan si Charlotte, ngumiti na siya sa ‘kin, sinuntok ako sa balikat (pabiro lang pero langya, para akong nahagip ng nag-stampede na hippopotamus sa biro niya ah!), saka niya ako inalok ng merienda.

Kinuwentuhan niya rin ako tungkol sa kabataan nila nina Charlotte habang nagkakape kami. Ang naisip ko na kung sa barkada namin, ang naaalala ko sa kanya eh si Lester. Parang mabait kasi ‘tapos parang kailangan mong protektahan kapag may suntukan, pero kapag ikaw ‘yung sinuntok niya mga tatlong oras kang walang malay kasi ang lakas. Hindi halata kasi pareho silang payat ni Lester, pero gan’un na nga. Malakas.

At ayun na nga. Mukhang okay din naman ako sa kanya. Hindi pa nila ako aayaing sumama sa family reunion pero mukhang hindi naman nila ako i-ba-ban sa pagpunta-punta sa opisina nila.

Sagot na lang talaga ni Charlotte ang kulang puwede na kami pakasal.

Ay, saka pala basbas ng mga magulang niya ano? Sila ang hindi ko pa nakikilala kasi hindi ko sila naaabutan sa opisina. Bihira na lang daw kasi pumunta d’un. Buti na lang.

Anyway…

Nasa parking garage kami ng building ng Balajadia Industries para sa surprise despedida ng kompanya para kay Ash. Sinundo ko si Charlotte sa UP ‘tapos makikikain lang kami bago ko siya ihahatid ulit. Driver na driver lang ano? Pero ayoko naman kasing mag-commute pa siya kung mahahatid-sundo ko naman siya.

“Tahimik ka,” puna niya habang naglalakad kami papasok ng building para maka-akyat sa floor kung nasaan ‘yung pantry.

“Hmm?” Nilingon ko siya.

“Kanina pang parang ang lalim ng iniisip mo eh.” Siya na ‘yung pumindot ng call button ng elevator.

“Malalim ba?”

Actually, oo, medyo. Last day na kasi ni Ash sa Balajadia Industries. Bukas, sa AMC na siya papasok. COO na ang gago. Akalain mo ‘yun?

Sa lahat ng tao sa mundong ibabaw, wala nang mas masaya at mas proud kay Ash kaysa sa ‘kin. Huwag kang maniwala kay Mere kapag sabihin niyang siya ‘yun dahil hindi. Ako talaga. Pero aaminin kong na-i-inggit ako.

Hindi ‘yung masamang inggit na ayokong nangyayari ang mga ‘to sa buhay ni Ash ah, pero ‘yung inggit na may halong inspirasyon na kumilos kasi gusto ko rin ng mga gan’ung pagbabago sa buhay ko.

Kuha mo ‘yun? Kasi sa ‘kin hindi naman masamang mainggit eh. Ang masama eh kung hilahin mo pababa ‘yung taong kinakainggitan mo para pantay kayo ulit. Gusto mong ikaw din nand’un? Eh di umakyat ka! Problema ba ‘yun? Tutal gagamit ka rin ng energy at effort para hilahin siya pababa eh. Gamitin mo na lang ‘yung effort na ‘yun para hilahin ‘yung sarili mo pataas. 

“Naisip ko lang na bukas, COO na si Ash,” simula ko. “Kelan lang wala kaming ginawa kundi mag-inom at maghanap ng bab—” Babae talaga ang sasabihin ko pero nilingon ako n’ung nag-iisa na lang na babaeng gusto ko na baka di pa mapunta sa ‘kin kapag malamang hobby ko ang mambabae n’ung mas bata pa ako. “—ooooy… na inihaw… sa mga barbecue-han,” patuloy ko. “Alam mo na. Para masarap ang pulutan.” Nagpigil siya ng ngiti. Nagkibit-balikat ako. “‘Tapos ngayon COO na siya! ‘Tapos ikakasal na rin!”

Inabot niya ‘yung kamay ko saka niya ako binigyan ng masayahing ngiti na nagsasabing naiintindihan niya kung ano ‘yung nararamdaman ko. Psych grad nga pala ‘to at dating naging school councelor.

“Proud na proud ako sa kanya pero may inggit na rin,” amin ko kasi alam ko namang hindi niya ako huhusgahan.

“It’s okay, you know,” tahimik niyang saad. “Okay lang namang mainggit. Saka alam ko namang hindi ‘yung nakakasirang klase ng inggit ang nararamdaman mo eh. But don’t be too hard on yourself. Narating naman ‘to ni Ash dahil sa mga choices niya. You have your own choices to make to get where you want to go. Hindi naman kailangan na nand’un ka rin kung nasaan si Ash. Ang mahalaga, nand’un ka sa lugar kung saan mo gustong puntahan talaga.”

Pabiro akong ngumiti sa kanya. “Eh okay na pala ako kasi nandito na ako sa tabi mo eh.”

Nasundot ako sa tagiliran.

“Paka-corny n’yo talagang magkakaibigan!” tawa niya.

“Aba, corny kami pero honest!” sabi ko. “Saka kinikilig naman kayo sa ‘min ah. Huwag n’yo nang itanggi!”

“Ewan ko sa ‘yo!” Pero nakangiti naman siya. 

Sayang lang kasi hinila na niya ‘yung kamay niya kasi dumating na ‘yung elevator at siya na rin ang pumindot ng buton para sa floor ng pantry.

Pero tama siya. Suwerte ako kasi di gaya ng iba, puwede akong mamili kung ano ang gagawin ko. May mas malaki akong tsansa na makarating sa gusto kong puntahan. Hindi lahat ng tao puwedeng magpalit ng trabaho nang gan’un-gan’un lang. Hindi lahat ng tao puwedeng hindi gamitin ‘yung natapos nila dahil lang gusto nilang mang-gago ng tatay. Hindi lahat ng tao sigurado na may ibang mga oportunidad na dadating.

Saka alam ko naman na ang gagawin ko. Sinimulan ko na di ba? Kaka-approve lang kahapon n’ung client ng huli kong freelance project bilang graphic artist. Mula kahapon, libre na akong maging si Architect Marlon Paredes kung gusto ko, kung may lakas ako ng loob, at kung may tatanggap sa ‘kin kasi ilang taon akong hindi nag-practice ng architecture.

At sana, ang tumanggap sa ‘kin na ‘yun ay si Kuya Lex…

Lumabas kami ng elevator at naglakad papunta sa mga pinto ng pantry. Itinulak ko ‘yun pabukas para kay Charlotte at nang pumasok kami, nagulat kaming dalawa dahil may malakas na sumigaw ng “SURPRISE!”

“Daddy,” hagikgik ng mommy ni Mere sa asawa niya sa gitna ng tawanan ng mga nand’un na. “Hindi pa si Ash ‘yan!”

“Hindi ba ‘yan si Ash?” biro ni Tito Eman na itinuturo ako. “Ano bang itsura n’ung bata na ‘yun kasi?”

Tumatawa na si Charlotte nang humalik siya sa pisngi ng daddy ni Mere na binigyan siya ng mabilis na yakap, saka inabot ‘yung isang palad sa ‘kin para makipagkamay.

“Tito,” bati ko.

“Akala ko si Ash ka na eh,” biro niya.

“Lahat na lang ng pumasok, sinigawan n’yan ng surprise,” tawa ni Tita Marianne. Hinalikan din niya ako sa pisngi saka kami giniya sa mesa kung saan naroon na ang mga kabarkada namin.

Nagbatian kami nina Lester, Alessa, Pia, Hank at Laura na parang sampung taon kaming hindi nagkita, ‘tapos napansin kong nad’un pala si Kuya Lex. Sana hindi niya napansin na nagliwanag ang mukha ko n’ung makita ko siya, na parang nakita ko ‘yung future boss ko. Ahaha

“Kuya!” Ang saya ng bati ko.

“Marlon!” gaya niya sa tono ko saka kami nagkatawanan.

Mas close pa ako kay Kuya Lex kaysa sa sarili kong kuya. ‘Yung tipo na kung kailangan ko ng tulong, mas lalapit pa ako sa kanya kaysa kay Kuya JC. Kung nag-aapoy ang buhok ko, si Kuya Lex ‘yung siguradong magsasaboy sa ‘kin ng tubig para patayin ‘yung apoy. At si Kuya JC? Siya malamang ‘yung nagsindi ng buhok ko.

“Kumusta na?”

“Okay lang po.” Kyah, peng’ trabaho, kyah. “Congrats po, Kuya CEO!”

“Salamat! Puwede na akong magmagaling sa opisina.”

Tumawa kami pero iniisip ko nang sana gamitin niya ‘yung bago niyang powers para tanggapin ako kung mag-apply ako. Nagbukas ako ng bibig para banggitin na sana na gusto kong mag-apply pero inatake ako ng hiya eh. Bihira lang akong mahiya kasi likas akong walangya pero… nahiya talaga ako kaya hindi ako nakapagsalita. 

Lumingon kami n’ung bumukas ulit ‘yung mga pinto ng pantry.

“Surprise!” sigaw na naman ni Tito Eman sa guwardya na sumilip. Nahataw na naman siya ni Tita Marianne at napakamot ng ulo ang guard na natawa rin.

“Nasa elevator na raw po sina Ma’am Meredith at Sir Ash, sir,” sabi niya. 

“Ah, sige. Akala ko ikaw na eh,” sabi ni Tito.

Ang taas ng energy level niya ngayon ano?

Tinawag niya kami para pumunta kami sa table na pinakamalapit sa pinto para pagpasok ni Ash eh mas mabilis naming matambangan, este, mabati.

‘Tapos pagbukas ulit ng mga pinto, sabay-sabay na kaming sumigaw ng “SURPRISE!”

Halata sa gulat sa mukha ni Ash na hindi talaga niya alam na nandito kami lahat ngayon.

“Happy Birthday!” habol ni Tito Eman.

“Daddy!” tumatawang saway ni Tita Marianne.

“Hindi ba niya birthday ngayon? Ba’t tayo nandito?” tanong na naman ni Tito Eman.

Masyado lang talaga siyang masaya ngayon.

Kinatyawan namin si Ash n’ung kami na ang binati nila saka kami nagtulakang magbabarkada papunta sa buffet table. N’ung napansin ni Ash na may kausap pa si Mere, pinauna na niya kami kumain.

Tsk, hindi na mapakali kapag hindi bumubuntot sa girlfriend? Anong klase ‘yun?, isip ko saka ako bumntot kay Charlotte sa pila sa buffet. Pagkakuha ng pagkain, sumunod ako ulit sa kanya pabalik sa mesa at naupo kami sa magkatabing mga upuan. Nasa kanan ko si Kuya Lex at nagkukuwentuhan kami habang kumakain pero hindi talaga ako makahanap ng magandang opening para itanong kung puwede ako mag-apply sa kanila.

Ayoko rin namang kay Ash banggitin kasi best friend ko siya. Baka kahit walang opening, eh ipilit niya akong ipasok sa kompanya. Buti na ‘yung dumaan ako kay Kuya Lex.  

“You okay?” tanong ni Charlotte sa ‘kin habang kumukuha kami ng dessert.

Napatingin ako sa kanya. “Oo. Bakit?”

“Tahimik ka pa rin kasi. Iniisip mo pa rin ba ‘yung napag-usapan natin kanina?”

Naglagay ako ng chocolate mousse cup sa hawak niyang platito. “Hindi. Hindi na ‘yun.” Napa-isip ako. “Okay, so medyo ‘yun pa rin.”

Ako ‘yung klase ng tao na hindi nagsasabi sa iba ng mga plano ko hanggang sa sigurado ko nang matutupad ko ‘yung plano ko na ‘yun. Pero dahil tungkol sa future ko ‘to at sana eh kasama ko si Charlotte sa future na ‘yun, naisip kong sabihin ko na sa kanya.

Huminga ako nang malalim. “Gusto ko kasi mag-apply kina Kuya Lex,” amin ko. “Seryosohin ko na ‘yung pagiging arkitekto ko.”

Nagliwanag ‘yung ekspresyon niya. “Talaga?”

Bigla tuloy akong lalong na-excite sa gagawin ko.

“Oo. Kanina ko pa sana gusto sabihin kay Kuya kaya lang nahihiya ako eh. Baka tawagan ko na lang siya.”

“Eh di mabuti!” sabi ni Charlotte pero pinag-aralan din niya ako. “Are you sure that’s what you really want?”

Ang totoo eh siya ang gusto ko talaga. Magsisinungaling ako kung sabihin kong wala siyang kinalaman sa pag-apply ko kina Kuya, sa paghahanap ko ng stable na trabaho, at sa pagseryoso ko sa pagiging arkitekto ko. Kasama ang mga ‘yun sa mga gusto kong gawin para na rin maging karapat-dapat ako sa kanya.

Sabihin na nating inspirasyon at motivation ko si Ash… este si Charlotte pala.

Ngumiti ako sa kanya na siyang nag-iisang gusto ko talaga sa kasalukuyan. “Yeah. It’s what I really want.”

She smiled back. “Then go for it.” Inangat niya ‘yung kamay niya at hinawakan ng mga two seconds ‘yung pisngi ko. “I’m proud of you for going after what you want.”

Para akong tinamaan ng kidlat sa sinabi niya. Halos nasa kabilang dulo na siya ng dessert table, hindi pa rin ako kumikilos mula sa kinatatayuan ko. Nakatingin lang ako sa kanya habang namimili siya ng kukuning slice ng pakwan.

Hindi naman ako nagkulang sa mga taong nagsasabing proud sila sa ‘kin pero iba ‘yung marinig ‘yun galing kay Charlotte. Proud siya sa ‘kin. May haplos pa sa pisngi.

Proud siya sa ‘kin.

At ‘yung marinig ‘yun, pakiramdam ko kaya kong mag-design ng isang daang building at isang libong mga bahay.

“Gusto mo ng fruit salad, Jomar?”

Ang gusto ko eh halikan siya pero sige na. Okay na sa fruit salad si Jomar.

---

NAGKAAYAAN ang barkada na tumambay sa bahay nina Ash sa weekend para pag-usapan daw ‘yung mga kailangan pa nilang gawin sa kasal. Bridesmaid at groomsmen kasi kaming lahat. Pagkatapos n’un, nagpaalam na sina Alessa at Pia kasi lunch hour lang nila. Uuwi na rin daw si Lester kasi sumabay lang pala silang tatlo kay Kuya Lex.

Lumapit ako kay Ash. “Sa weekend ah,” sabi niya sa ‘kin n’ung yakapin niya ako at tapikin sa likod.

“Oo. Maaga kami. Congrats ulit, dude.” ‘Tapos naalala ko ‘yung pakiramdam ko kanina n’ung sinabi ni Charlotte sa ‘kin na proud siya sa ‘kin. “I’m proud of you,” sabi ko sa best friend kong gago kasi totoo naman. 

Tumawa siya, ‘yung tawa na puno ng tuwa. “Thank you, dude.” Tinapik niya ako ulit sa likod saka niya ako binitawan at tinanggap ‘yung halik ni Charlotte sa pisngi niya.

“Charlie,” tawag ni Hank. “Saan ka ngayon? Kasi kung sa QC, kahit sa ‘min ni Laura ka na sumabay.”

Tumawa sila nang taasan ko siya ng kamao mula sa likuran ni Charlotte na lumingon sa ‘kin. “Oo nga. Para hindi ka na malayo.”

Nanlaki ang mga butas ng ilong ko sa kanya saka siya naman ang tumawa at tumayo sa tabi ko. “Kay Marlon na pala ako sasabay,” sabi niya sa mga kaibigan namin.

Nang matapos ang mahabang pagpapaalam, sabay-sabay kaming sumakay ng elevator pababa sa parking garage, nagkawayan, huling palitan ng mga beso sa mga babae, huling fistbump sa mga lalaki, ‘tapos naghiwa-hiwalay na kami para pumunta sa sari-sarili naming mga kotse.

---

INIHATID ko lang si Charlotte sa opisina nila. Saglit lang akong nagpakita sa mga pinsan niya na nand’un, ‘tapos umuwi na rin ako. Tinulungan ko si Ate sa isa niyang video hanggang hapon pero sa likod ng isip ko, nagsusulat na ako ng script sa kung paano ako magtatanong kay Kuya Lex kung puwede akong mag-apply sa kanila.

Mga sampung minuto siguro ako palakad-lakad sa kuwarto ko habang nakatingin sa telepono ko, nag-iipon ng lakas ng loob para i-dial ‘yung number ni Kuya. N’ung magsimula nang lumubog ang araw sa labas, naisip kong dapat na akong tumawag kasi baka mamaya may date si Kuya pagkatapos ng trabaho, ma-istorbo ko pa.

Huminga ako nang malalim, pinindot ‘yung call button sa number niya, saka ko inangat ‘yung telepono ko sa tainga ko.

“Hello.”

“Kuya!” bulalas ko.

“Marlon!” bati niya na kapareho ang tono ko, saka siya tumawa. “What’s up? Napatawag ka.”

‘Eto na.

“Eh, Kuya Lex. Ano kasi, gusto ko lang itanong kung may opening pa kayo sa AMC,” hiyang-hiya kong tanong. “Kung meron po kasi, gusto ko sana mag-apply.”

“Ah, oo naman!” tawa ulit ni Kuya Lex. Nakahinga ako nang maluwag kasi parang natuwa siya sa tanong ko. “Punta ka rito sa opisina bukas ng umaga. Sabayan mo na si Ash!”

Sabayan ko na siya magsimula magtrabaho d’yan, Kuya? Ehehe

“Ay, sige po! Anong oras po ako pupunta?”

“Mga alas ocho ng umaga? Okay ka ba n’un? Wala ba kayong gig mamaya?”

“Wala po, Kuya! Sige po! Punta ako bukas.”

“Okay! Sige. Matutuwa si Ash n’yan! I’ll see you tomorrow.”

“Opo, Kuya! Thank you po!”

Sa sobrang excitement ko, hindi ko na naitanong kung ano’ng meron bukas kaya niya ako pinapunta ng alas ocho. Kapal naman ng balbas ko kung isipin kong pinapapasok na niya ako agad! Interview muna siguro ano? Para sigurado, gan’un na lang ang iisipin ko.

Kailangan kong hanapin ‘yung mga long-sleeves ko saka ‘yung mga slacks kong matagal ko nang huling nakita. May ilan din akong kurbata… Okay, joke lang, dalawa lang ‘yun talaga pero nakita ko rin naman sila sa ilalim ng mga medyas ko. Sa likod din ng koleksyon ko ng mga sneakers, may kahon d’un na may isang pares ng leather shoes.

Ayos. May costume na ako bukas.

Naisip kong mag-print na rin ng resume para kompletong props na. N’ung nakita ko ‘yung picture ko d’un na mukhang baby kasi ang iksi ng buhok ko saka bagong-ahit ako, saka ko na-isip na kung hindi ako magpagupit at mag-ahit, pupunta akong AMC bukas na mukhang sangganong naka-kurbata.

Pinakiramdaman ko ‘yung gaspang ng panga ko saka ko idinaan ‘yung mga daliri ko sa buhok ko.

Anong oras na ba? Puwede pa naman siguro akong magpagupit ano?

Pero, shet. Paano na pag magpagupit ako?! Paano na ‘yung she likes my hair?!

Huwag na lang kaya… ako mag-apply?

Tae, pinili talaga ‘yung buhok?!

Para namang naramdaman ni Charlotte na malaki ang problema ko sa buhok ko kasi tumunog ‘yung phone ko dahil may text mula sa kanya na nag-sasabing nag-break siya kaya siya naka-text. 

Ang reply ko ay “pwedeng tumawag?”

Okay. Problem?

Tinawagan ko siya at sinagot niya ‘yung telepono matapos ng dalawang ring.

“Hey!” sabi niya na may malaking ngiti sa screen.

“Hey,” bati ko rin. “May ipapaalam lang ako.”

“Ooookay. Ano ‘yun?”

“P’wede akong magpagupit?”

Mga three seconds siyang na-blanko. “Ah… ano ‘yun?”

“May job interview kasi ako bukas. Parang gusto kong magpagupit para naman malinis ako tingnan.”

Tumawa siya. “Eh, go! ‘To naman! Hindi mo naman kailangang magpaalam.”

“Eh siyempre,” sabi ko. “You like my hair eh. Baka pag sunduin kita sa susunod, ayaw mo nang sumabay kasi wala na akong buhok.”

Bumungisngis siya. “Ano ka ba? Who am I dating: you or your hair?”

Nauna ‘yung gulat, ‘tapos ‘yung ngisi na. Medyo umangat ‘yung mood ko ng mga 200 levels. Ngayon ko lang kasi narinig sa kanya ‘yun. Ngayon nga lang nagkaroon ng label ‘yung ginagawa namin eh. “So dating nga tayo?”

“Eh ano ‘tong ginagawa natin?” tawa niya. “Tambay?”

“Sabi ko nga, dating!” tawa ko. Shet. Puso ko! “Eh ‘yun na nga. We’re dating. ‘Tapos alam kong gusto mo ‘yung buhok ko. Kaya pinapaalam ko kung okay lang pagupit.”

“Teka, teka!” sabat niya na namimilog ang mga mata. “Natabunan na ng usapang buhok! Sabi mo may job interview ka? Nakatawag ka na kay Kuya Lex?”

Bigla akong nahiya. “Oo eh,” sabi ko na may kamot pa ng batok. “Pinapunta ako ni Kuya bukas ng umaga.”

“Wow! Seseryosohin mo na talaga?”

Ang sarap sa pakiramdam na mukhang masaya siya para sa ‘kin.

“Oo eh. Kinakabahan nga ako! Baka di na ako marunong. Nakakahiya naman kay Kuya Lex. Saka kay Ash na rin. Kasi kung matanggap ako, magiging boss ko rin ‘yung gago.”

Napalakas ang tawa ni Charlotte. “Tama si Mere tungkol sa bromance n’yo. Pero I’m sure matatanggap ka d’un. I mean, why the heck not, di ba? And I don’t mean dahil kompanya ‘yun nila Kuya Lex. I mean dahil magaling kang arkitekto.”

Tama na at na-a-arouse na ako.

“‘To naman. Wala ka pa ngang nakikitang gawa ko, bilib ka na agad sa ‘kin!”

“Hindi ko kailangang makakita ng mga bahay na gawa mo para malamang magaling ka,” she told me smugly.

I love you.

“Sige na nga,” tawa ko na rin. “Eh, paano nga? Okay lang na pagupit ako?”

“Jomar naman. Buhok mo naman ‘yan,” sabi niya pero umangat sa buhok ko ‘yung mga mata niya saka siya naningkit. “Sobrang iksi ba?”

Natawa ako sabay biro ng, “gupit kadete ng PMA.”

“ANO?”

Tumawa ako ulit, aliw na aliw lang. “Joke lang. Hindi naman.” Inabot ko ‘yung maikli kong ponytail. “‘Yung kapag pumasok ako sa opisina ninyo eh iisipin ng mga tao na ako ‘yung magsasampa ng kaso imbes na ako ‘yung holdaper na na-demanda.”

“Sobra naman ‘to!” tawa ni Charlotte. “Huwag kang judgmental ah! Saka ang cool kaya ng loob mo. Ilan nga sa mga pinsan ko ‘yung naiinggit kasi puwede ka mag-long hair!”

“Talaga?” bulalas ko na medyo natuwa. Mababaw lang ako eh. Pero ‘yun din, ‘yung malaman na merong may gustong gumaya sa hairstyle ko sa mga pinsan niya… idol lang?

Teka… “Di naman si Kuya Emmett ‘yan ano?”

Tumawa siya ulit. “Hindi! Si Aric actually!”

“Nako, hindi niya magagaya ‘yung buhok ko!”

“Oo nga eh. Kailangan daw muna niyang magpa-perm. Anyway, sige na! Anong oras na? Saan ka ba magpapagupit? Patingin ako kapag tapos na.”

“Guwapo pa rin ako sa ‘yo pagkatapos ah!”

Bumungisngis siya. “Sige na.”

“Hanggang anong oras ka d’yan sa opisina?”

“Hindi ko pa sigurado. May siopao party kami mamaya eh so mag-stay lang ako hanggang makakain.”

“Siopao party?”

Tumawa siya. “Yeah! ‘Yung isang Sentinel, magdadala daw ng siopao.”

“Ah. Okay. Late ka na uuwi?”

“Hindi naman. Saka don’t worry. May maghahatid naman sa ‘kin pauwi so okay lang.”

“All right. Sige.” Tumango-tango ako. “Sige na. Aalis na ako kasi baka magsara na ‘yung pagupitan. Tawag ako ulit kapag tapos na akong kalbuhin sa barberya.”

“Okay! Excited na ako makita.”

“Sige,” tawa ko. “Tatawag ako mamaya.”

Kumaway ako saka namin pinutol ang tawag. ‘Tapos tumayo na ako para magbihis.

---

NAGLAKAD lang ako papunta d’un sa malapit na pagupitan. Iniisip ko kung anong gupit ang gusto ko sinong artista ‘yung gagawin kong model. Hindi ko talaga alam kung anong gupit ang gusto ko eh.

Naikuwento ba ni Ash na minsan kaming nagpakalbo? Trip lang namin. Ako, si Ash at si Lester. ‘Yun, mukha kaming nilagang itlog na tatlo. Ayoko nang ulitin.

Bukas pa naman ‘yung pagupitan n’ung dumating ako. May ilan pa silang customers. May sumalubong naman agad sa ‘kin na kuya, at matapos ang saglit na diskusyon habang naka-upo ako sa harapan ng salamin at bina-brush niya ‘yung buhok ko, nilabas ko na lang ‘yung phone ko, pinakitaan siya ng picture ni Ash, at sinabing “ganito na lang po”.

Wala pang twenty minutes, tapos na. Na-blower na niya at nalagyan ng gel ang buhok ko.

Nagbayad ako, nag-iwan ng tip, ‘tapos naglakad na ako ulit pauwi. Ang gaan ng ulo ko! Ang presko sa batok. Pero maayos lang ‘to ngayon kasi bagong gupit at may hair product. Sana umabot man lang hanggang bukas. Sana pala bumili na ako ng gel ano?

Sinalubong ako ng tili ni Ate Emma ng “SINO KA?!” kasabay ng "Hwaaargh! Nagulat ako sa face mo!" ni Polong pagpasok ko ng bahay.

Ipinaliwanag ko kay Ate na nagpagupit ako kasi may job interview ako kinabukasan. Niyakap niya ako, sinabihan ng good luck, saka ako nagpaalam na tatawagan ko na muna si Charlotte.

Pero bago ko ‘yun gawin para makuha ang approval ni future girlfriend, naisip kong sagarin ko na. Mag-ahit na rin muna ako para makita niya ‘yung full package.

Sana mahimatay siya sa kung gaano ako talaga kaguwapo.

Mabilis akong nag-ahit, saka ako nag-text sa kanya na tapos na ako magpagupit at kung okay nang tumawag.

“SIGE!”

Excited?

Nag-dial ako pero itinutok ko ‘yung camera kay Jarvis na nakatambay sa isang sanga sa halaman sa enclosure niya sa tabi ng kama ko.

Tumawa ako sa impit na tili ni Charlotte mula sa screen n’ung sagutin niya ‘yung tawag, pero n’ung itutok ko ‘yung camera sa ‘kin, siniguro ko munang naka-close up ‘yun at na mata at ilong ko lang ang kita sa screen.

“Kakainis ‘to!”

Tumawa ako. Pero ang totoo, kinakabahan ako kasi baka di niya magustuhan. Ang type kasi niya eh ‘yung Rocker Boy Marlon eh. Ano’ng sasabihin niya sa itsura ni Architect Paredes?

“Patingin na!”

“Kinakabahan ako eh.”

“Ano ba?” tawa niya. “Sige na.”

Huminga ako nang malalim saka ko inilayo ‘yung phone sa mukha ko. Pinanood ko ‘yung mukha ni Charlotte. Mabagal na nawala ‘yung ngiti niya kasabay n’ung paglaki ng mga mata niya hanggang sa nakatingin na lang siya sa ‘kin na nakanganga.

Hindi ko alam kung maganda ‘yun o hindi na natulala na siya sa ‘kin.

“Ayaw mo ano?” tanong ko, nag-aalala.

“NO!” halos sigaw niya bago siya ngumiti at tumawa. “Oh my God, Jomar!”

Nag-relax ako at ngumiti na rin. Ewan kung bakit ang sarap ding marinig na Jomar ang tawag niya sa ‘kin na parang special nickname.

“Mukha pa rin ba akong Jomar? Hindi pa ba mukhang Jose Maria Alonzo?” 

Natawa ako n’ung nagpangalumbaba siya habang nakangiti na para bang nakatingin siya sa picture ng celebrity crush niya.

“Okay lang?” tanong ko ulit. Hangga’t hindi ko naririnig mula sa mga labi niya na okay lang ang itsura ko at na “she still likes my hair’, baka hindi ako makatulog.

“Okay lang. Bagay din siya sa ‘yo.”

“Guwapo pa rin?”

“Oo naman!”

Nakahinga na ako nang maluwag. “Yay!”

Nagkatawanan kami.

“Alin ang mas gusto mo? ‘Yung dati o ito?”

Umiling siya. “Hindi pa ako maka-decide. Gusto ko naman pareho. Hayaan mo na muna ako i-appreciate ang clean-cut Jomar.”

Ngumiti ako ulit. Ewan ko kasi biglang guwapong-guwapo ako sa sarili ko ngayon.

Narinig kong may tumawag kay Charlotte at lumingon siya.

“Sige, wait lang,” sagot niya sa tanong ng kung sino man ang tumawag sa kanya. “May kausap lang ako.”

“Sino ‘yan?” sabi ng tinig ng isang lalaki. Hindi ko agad nakilala ‘yung boses kasi pareho-pareho naman ng boses ‘yung mga pinsan niya eh.

“Si Marlon.”

Itinutok ni Charlotte ‘yung camera kay Reinhardt. “Ah! Hi, Ma—” Kitang-kita kong nagsalubong ‘yung mga kilay niya saka niya inilapit ‘yung mukha niya sa screen para kilatisin ako. “Si Marlon ka?”

Tumawa kami ni Charlotte.

“Ang linis ah!”

“Naligo ako eh,” sagot ko na natatawa sa kanya. Parehong-pareho lang pala talaga sila ni Charlotte kaya hindi ka na magtataka na close sila.

Ilang minuto pa kami nagtawanan at nagtuksuhan, bago nagpaalam si Charlotte kasi nand’un na raw ang siopao at kakain na muna sila.

“Good luck bukas! I’m sure kayang-kaya mo ‘yun!”

Bumuntong-hininga kami ng puso kong masaya. “Thank you. Pero okay lang na hindi kita masusundo?”

“Oo naman. Text mo na lang ako agad pagkatapos ng interview ah. Although baka hindi ako maka-reply agad kasi nasa klase ako.”

“May libreng oras ka ba bukas? Gusto mo magkita sa lunch time?”

“Kailangan kong mag-library nang lunch eh. Pero gusto mong magkita tayo nang dinner?”

“Sige.”

Ang normal na lang ng gan’un sa ‘min. Expected ko nang madalas siyang busy pero lagi rin kasi niya sinisiguro na bigyan ako ng oras. Eh ako naman kahit ‘yung oras lang na biyahe mula UP hanggang sa opisina nila ‘yung oras na meron kami na magkasama, ayos na sa ‘kin, kaya kinikilig ang lahat ng puwede kiligin sa katawan ko kapag na-iisip ko ‘yung effort niya na bigyan ako ng oras.

“Sunduin na lang kita pagkatapos ng klase.”

“Okay. I’ll see you tomorrow.”

“Sandali! Wala ba akong good luck kiss man lang?”

Tumawa siya ulit. “Bye na!”

“Wala talaga?”

“Bye na!”

“Sige na nga. Huwag ka masyado pakapuyat ah!”

“Opo. Bye.”

“Bye.”

Pero hindi pa ako nakakatayo mula sa kama ko pagkababa ng telepono ko sa kutson, tumunog na ulit ‘yun. Nagpadala si Charlotte ng GIF ng isang llama na humahalik sa pisngi ng isa pang llama.

Malakas akong tumawa. ‘Yun lang, pakiramdam ko eh kaya ko nang maging CEO ng sarili kong architectural firm.

Ano pa kaya ‘yung iba kong kakayanin gawin para sa kanya kapag kami na talaga?

Di bale, magkakaalaman naman na. Excited na ako, sa bagong trabaho at sa bagong buhay. Humanda kayo. Paparating na si Architect Paredes.

The Harder I FallTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon