WALA na sigurong araw na mas sasablay pa kesa sa araw ng date namin ni Charlotte. Hindi ako nagbibiro.
N'ung umaga ng Biyernes, may dumating na hindi ko inaasahang project para sa isa sa mga freelance jobs ko na kailangan ko tapusin sa loob ng dalawang oras. At dahil inuna ko 'yun, nawala sa isip ko na wala si Ate Emma ngayon kaya walang magbibigay ng pagkain kay Polong. Paglabas ko ng kuwarto, nagkalat na ang walangyang ibon sa kusina kakahanap ng pagkain.
Creature of habit kasi si Polong 'tapos pareho pa silang morning person... morning bird? (Parang ako yata ang may morning bird...) ni Ate Emma kaya alas sais ng umaga, alam na ni Polong na kakain na siya dapat. Kapag hindi pa handa 'yung pagkain niya, siya na ang naghahanap. Nagkalat tuloy sa sahig 'yung mga lalagyan ni Ate ng spices at kung anu-ano dahil nilimas ng walangya.
Pinapagalitan ko siya habang naglilinis ako at kinakantahan lang niya ako ng Huwag na Init Ulo, Baby. Lintek kang ibon ka!
At dahil naglinis pa ako, tinanghali na rin ako ng pasok sa reptile room namin. Naunahan na ako ni Emily doon, 'yung isa sa mga assistants ni Ate Emma na dumarating ng alas diez. Nagulat na lang ako kasi humahangos siya palabas na dala-dala si Kulas, 'yung isa sa mga Western Hognose snakes namin.
"Kuya Marlon! Nag-overheat 'yung heat mat niya! Naluto na yata siya!"
Utang na loob! Kapag may mangyari sa isa sa mga alaga ni Ate na kami lang ni Emily ang nandito sa bahay, lagot talaga pati morning bird ko dahil 'yun ang unang aalisin ni Ate Emma sa katawan ko!
Si Ate Emma kasi ang unang-una laging pumapasok sa reptile room. May monitor naman kasi kami at naka-display sa tablet sa pader lahat ng lagay ng mga enclosures namin kaya alam niya lagi agad kung may problema. 'Yung nasa phone ko kasi eh enclosures lang ng sarili kong mga alaga na nasa kuwarto ko. Kung magbago ang temperature sa enclosure ni Dua, halimbawa, mag-a-alarm 'yun sa telepono ko. Kung sa enclosures naman sa reptile room, d'un 'yun sa tablet kaya kailangan ko pa personal na i-check. Pero dahil nga naglinis pa ako ng kalat ni Polong, di pa ako pumapasok sa reptile room kaya di ko alam na naluluto na pala 'yung isang ahas.
Kinuha ko si Kulas mula kay Emily. Namimilipit 'yung ahas. Nakakita ka na ba ng ahas na na-overheat? Nakaka-awa.
"Sige na. Tingnan mo muna 'yung iba. Ako na ang magdadala sa kanya sa vet."
Inilagay ko siya sa isa sa mga plastic bins na nilagyan ko na rin ng bedding saka ko siya itinakbo sa vet. Tumakbo lang ako. Literal. Kasi malapit lang naman sa condo 'yung clinic. Kaya nga d'un din kami tumira kasi malapit sa beterinaryo.
Mga dalawang oras din ako d'un. Pina-iwan ni Doc si Kulas para ma-obserbahan kasi hindi namin alam kung gaano katagal na siya nalilitson d'un sa enclosure niya. Puwede kasi siyang magkaroon ng neurological disorder dahil sa nangyari.
Sabi ni Emily, 'yung heat mat lang naman daw ni Kulas ang nagka-problema. Patay kung kanino man 'yun binili ni Ate Emma dahil makakarinig talaga sila mula kay Ate kung defective ang produkto nila.
Tatlong tema ang mga texts ko sa tatlong magkaka-ibang babae buong umaga.
Kay Ate Emma: Okay lang talaga siya, Ate Ems. Naagapan naman. Huwag ka mag-alala. Nasa vet na siya at babantayan nila si Kulas, pramis.
Kay Emily: Okay na. Huwag ka na magpanic. Naka-usap ko na si Ate Emma.
Kay Charlotte: Kumusta? Kumain ka na?
Biglang gan'un eh 'no? Wala akong masabi eh. Hindi ko naman puwedeng bigla na lang i-open na muntik na akong mamatayan ng ahas kasi... ano naman ang kailangan niyang maging reaksyon niya d'un di ba?