SA barkada ko, si Lester pa lang ang naroon nang dumating kami pero sinalubing kami ng curious na tingin at mapanuksong ngiti ng mga kabarkada ni Charlotte. Mas lalong lumaki 'yung ngisi ni Alessa nang makalapit kami at inabot ni Charlotte mula sa 'kin 'yung bag niya na ako ang nagdala paakyat. 'Yung eksenang 'yun ang naabutan nila Ash.
Pabati pa lang ako ulit kay Mere, bigla akong nilingkis ni Ash at chinokehold.
“Tara, pare. Samahan mo ako sa CR.”
“Samahan ka—" Kumunot ang noo ko. "Kelan ka pa naging babae?" Tama ba 'yun? Nagpapasama sa CR?
Pero sinimulan na niya akong hilahin palayo.
“Sandali lang kami, baby girl,” paalam niya kay Mere at nakuha pang makahalik sa sentido ng fiancée niya bago ako kinaladkad.
“Teka, sama ‘ko!” habol ni Lester. “Baka kailangan n’yo ng tulong mag-retouch.”
“Sama ‘ko! Nasa ‘kin ‘yung foundation saka eyeliner,” sabi rin ni Hank na kasama ni Ron na humabol sa ‘min.
Wala akong nagawa kundi magtaas ng kamay kay Charlotte na ngumiti at tumango bago siya pinalibutan ng sarili niyang mga kabarkada.
Hindi naman kami talaga nag-CR. Lumayo lang kami sa grupo nila saka ako in-interview ng mga walangya. Halatang-halata naman! Sana man lang nagtago sila ng konti!
“Ano’ng nangyari sa inyo ni Charlie?” tanong ni Ash na akala mo eh protective na inahin sa sisiw niya... Sabagay, protective naman talaga 'to sa itlog niya.
Pinalaki ko ang mga mata ko para magmukha akong inosenteng chibi. “Anong ano’ng nangyari? Wala! Hinatid ko siya kaninang umaga.”
“Hinatid mo lang?” hirit ni Lester. Sa tono niya alam ko na 'yung susunod niyang sasabihin. Alam ko na talaga. “Sabay kaya kayong dumating."
Pinanlakihan ko siya ng butas ng ilong at ngumisi lang siya sa 'kin nang lingunin na naman ako ng barkada na may mapang-akusang tingin lalo na si Ash. Hayop na 'to! Akala mo hindi tarantado dati!
Bumuga ako ng hangin bago ako sumagot. Alangan namang itanggi ko pa. 'Tsaka ano bang masama sa ginawa ko? Bukod sa pangkalusugan dahil sigurado kong hindi maganda 'yung ma-overdose sa isaw.
“Sabi ko ihahatid ko lang eh. Di ko alam kung ba’t bigla akong nag-volunteer na daanan na siya pag-uwi niya ng 4 para sabay na kami pumunta rito.”
“Binalikan mo pa siya sa UP galing San Juan?” di makapaniwalang tanong ni Hank. “Ang tiyaga mo ah.”
Naramdaman kong uminit ang mga pisngi ko. Aaminin ko ba 'yung tungkol sa isaw?
Pero di na kailangan. Alam na ni Ash.
“Hindi ka na umuwi ng San Juan ano?" bulalas niya. "Puta, pare. Hinintay mo na siya sa UP mula kaninang umaga!”
“Baka ma-traffic kasi ako eh!” defensive ko nang sagot. “Tumambay na lang ako d’un sa Rodic’s saka sa isawan.”
“Mula alas diez hanggang alas cuatro?” sabay-sabay nilang tanong na pasigaw. Sige, lakasan n'yo pa. Di yata narinig ni Maning Guard sa basement.
“Anong oras pa ako babalik eh hanggang alas cuatro lang ang klase niya?” tanong ko para na rin malinawan kung bakit ko nga ba ginawa na naghintay ako sa kanya nang gan'ung katagal.
“Patay tayo d’yan,” hirit ni Ron.
Kiniskis naman ni Hank ang mga palad niya. “Sa wakas! Makakapaghiganti na rin ako!”
Tingnan mo 'to!
“Mag-iisaw ka pala di pa talaga ako isinama!” reklamo ni Lester na siniko ni Ash bago nagsalita ang best friend ko.