MULA NANG maghiwalay kami hanggang sa araw ng date namin, parang nararamdaman ko pa rin 'yung halik ni Charlotte sa pisngi ko. Napapanaginipan ko pa 'yun, pero sa panaginip ko, siyempre hindi na lang sa pisngi. May halo nang kahalayan. Kaya 'yun, magigising akong matigas...
Ang ulo...
Ko talaga kasi lalabas ako sa terrace para magyosi.
Siyempre para na naman akong ahas na na-overheat habang papalapit ang araw ng date namin ni Charlotte. Nagmaka-awa na ako kay Ate Emma na huwag na siya umalis nang araw na 'yun. Nakisuyo rin ako kay Emily na mas maaga pumunta para kung sakaling may emergency, may katulong agad si Ate.
Martes pa lang nagpa-car wash na ako. Kulang na lang bantayan ko 'yung nag-va-vacuum ng sasakyan para masiguro na lahat ng singit-singit ng kotse ko eh pasadahan niya para walang maiwang bakas ng yosi. Mula naman n'ung date namin ni Charlotte hindi na ako nagyosi sa kotse pero buti na 'yung sigurado.
Hindi ko kasi talaga kaya mag-cold turkey. Hindi ko na sasabihin kung gaano karaming stick ang nayoyosi ko sa isang araw ah, pero binawasan ko naman na talaga siya mula n'ung lumabas kami ni Charlotte. Tuwing gusto ko magsindi, dinadaan ko sa kendi. Kapag nakaka-tatlong kendi na ako, saka ako magsisindi. Tingnan na lang natin kung alin ang mauna sa huli, ang maka-quit akong magyosi o ang mabungal ako.
Buong umaga ng Miyekules, hindi na ako nagsindi para pag magkasama na kami ni Charlotte, mabangong-mabango ako at walang bakas ng usok. Baka kasi hikain kapag halikan ako ulit eh. Mamaya maisip niyang sa lips na di ba? At least lasang kendi ako ngayon.
Alas cinco ang labas ni Charlotte sa klase niya pero dahil hindi ako mapakali sa bahay, pagkakain pa lang namin ng tanghalian, umalis na ako. Trauma kasi n'ung huli. Gusto kong maaga pa lang nasa Quezon City na ako. Tatambay siguro muna ako sa UP Town Center, 'tapos mga alas cuatro, saka ako pupunta ng UP Campus.
'Yun ang plano ko ah. Kaya di ko alam kung bakit alas dos pa lang eh kumakain na naman ako ng isaw sa isawan ni Mang Larry.
Kakasubo ko lang ng isaw nang mag-ring ang telepono ko. Dinukot ko 'yun mula sa bulsa ko bago ko nalunok nang buo 'yung isaw na halos di ko pa nangunguya nang makita ang pangalan ni Charlotte sa screen.
Langya, muntik pang 'yun ang ikamatay ko! Di pa ako puwede mamatay! Hindi pa kami nag-de-date nang maayos!
Ubo ang isinagot ko sa kanya.
"Uhm, Marlon?"
"Charlotte, hello. Sandali." Parang hinihika ako. Ininuman ko 'yung isaw para maitulak pababa ng lalamunan ko bago ko siya ulit kinausap. "Sorry, kumakain kasi ako."
"Ay, naku, sorry!"
"Hindi, okay lang. Kumusta? What's up?"
Bumuntong-hininga siya. "Marlon, sorry ah."
Biglang gustong umakyat ulit n'ung isaw sa lalamunan ko sa disappointment kasi alam ko na agad kung bakit siya tumawag.
"Kailangan ko kasi bumalik ng office nang maaga mamaya. Tinutulungan ko kasi 'yung isang kuya ko sa isa niyang client. Nagkaroon ng break sa kaso so kailangan ko magtrabaho mamaya. Puwede bang i-postpone na muna natin 'yung date natin?"
Siyempre kahit disappointed, wala naman akong magagawa. Ano 'yun? Magagalit ako at pipiliting magkita kami? Ano 'ko, psycho?
"Sige, okay lang," sabi ko na pilit na ginawang masayahin 'yung boses ko. "Criminal case ba 'yan?"
"Oo eh," sagot niya. "Ang dami kong bagong kailangang basahin tuloy. Sorry talaga ah."
"Okay lang." Masakit, pero okay lang. "Kelan ka kaya susunod na libre?"