AKALA mo dahil magkasama na kami, maayos na ang gabi? Hinde! Masaya lang ako na kasama ko na si Charlotte pero kung 'yung date lang din namin...
Na-traffic kami papunta d'un sa restaurant na gusto niya at pagdating namin d'un, puno na 'yung parking lot. Kung saan pa ako nakahanap ng paradahan. Naglakad kami pabalik kahit pa alam ko naman nang malamang eh may waitlist d'un, at ang sabi nga sa 'min pang siyam kami sa mga naghihintay. Nilingon ko si Charlotte na umiling na sa 'kin.
"Maglakad-lakad na lang tayo. Malalapit lang naman ang mga kainan dito," sabi niya mula sa likod n'ung suot pa rin niyang mask. Medyo umuubo-ubo pa rin kasi siya. Alam ko rin na dahil nag-yosi nga ako kanina, amoy ashtray din ako kaya buti na 'yung huwag na niya tanggalin 'yung mask habang malapit ako.
"Pasensya ka na talaga ah," sabi ko na hindi pa rin nababawasan 'yung hiya habang naglalakad kami sa sidewalk. "Hindi ko alam kung bakit sa lahat naman ng mga araw na mamalasin ako, ngayon pa talaga."
"O, bakit ikaw? Mamaya ako pala ang malas," biro niya bago natalisod dahil hindi pantay 'yung nilalakaran niya. Automatic ko siyang hinawakan sa braso pero binitawan ko rin naman agad kasi alam ko namang hindi siya touchy. 'Tsaka 'yun nga, nagkapalpak-palpak na nga ang gabi, manghahawak pa ako nang walang permiso? Pero dahil nga hinawakan ko siya, naramdaman kong medyo nanginginig siya.
"Sigurado ka bang okay na 'yang pakiramdam mo?" tanong ko sa kanya.
"Okay naman na. Pero nagsimula na nga 'yung nginig." Alam ko nakangiti siya sa 'kin sa ilalim n'ung mask. "Don't worry about me. Normal na side effect 'to n'ung gamot."
Siyempre di naman puwedeng hindi ako mag-alala. Naaawa kasi ako sa kanya, 'tapos kaya pa siya nagkasakit eh dahil allergic siya sa 'kin.
'Yung mga sumunod na dinaanan naming restaurant, mga puno rin. Medyo nagsisimula nang uminit 'yung ulo ko dahil nagugutom na rin ako 'tapos pinapagod ko pa si Charlotte.
Napalingon ako sa kanya nang hawakan niya 'yung braso ko.
"Marlon, nagugutom na talaga ako. Okay ka lang ba kung d'yan na lang tayo kumain?" tanong niya sabay turo sa 7-Eleven sa tapat namin. Gusto ko sabay na tumawa at magpasagasa sa mga sasakyan na dumadaan. First date namin, nagkasakit siya, pinagod ko, ginutom, at sa huli sa 7-Eleven ko siya pakakainin.
Pero kahit saan naman kasi ako tumingin, puno ang mga parking spaces ng mga restaurants at may mga naghihintay pa sa labas. Gusto ko tuloy yakapin si Charlotte sa magkahalong awa at kunsensya.
"Sige, pero snack lang ah. Maghanap tayo ng ibang tatambayan mamaya."
Mahina siyang tumawa. "Okay."
Noon ko siya hinawakan ulit sa braso para alalayan siya makababa ng sidewalk at makatawid sa kalsada.
Pagpasok namin ng 7-Eleven, ayun, puno rin siya.
Pero bago pa ako mamroblema na wala kaming upuan, nagsimula nang maglibot si Charlotte. Sa pag-aalalang baka bigla siyang dumerecho sa counter pagkakuha niya ng mga gusto niyang kainin, sumunod na ako sa kanya. Sa convenience store ko na nga lang dinala, siya pa pinagbayad ko.
N'ung puntahan ko siya sa tapat ng warmer ng mga hotdog, hinila niya pabukas 'yung pinto n'un.
"Gusto mo?" alok niya habang naglalagay ng cheesedog sa isang bun.
"Sige," sagot ko kahit parang wala naman na akong ganang kumain talaga sa sama ng loob.
"Cheesedog din?"
"Oo."
Inabot niya sa 'kin 'yung hotdog bun saka siya kumuha ng isa pa. Sumunod lang ako sa kanya habang naglilibot siya, taga-bitbit ng mga gusto niya. Unti-unting nabawasan 'yung inis ko sa mga pangyayari kasi napansin kong nag-e-enjoy akong sumusunod-sunod sa kanya habang namimili siya ng kakainin. 'Tapos napansin ko rin na nagsisimula na akong mangiti kasi lagi niya akong tinatanong kung may gusto ako. Naalala ko 'yung Vikings namin. Ganito rin 'yun eh. Isa pala talaga sa mga pinakagusto kong gawin sa mundo ang sumunod-sunod kay Charlotte.