MALAKAS NA 'yung hangin at pabugso-bugso ang ulan nang makarating kami sa bahay. Himala na medyo hindi pa kami masyadong na-traffic n'un pero kung saan-saan na din naman kasi ako lumusot. Buti na lang din at excited ako para sa araw na 'to kaya kumpleto na kami sa supplies. Hindi na namin kailangang huminto sa grocery o kaya eh lumabas ulit hanggang sa isang linggo dahil sigurado akong kahit ano ang hanapin ni Charlotte eh meron na kami sa bahay.
Sinalubong kami ng "Jomar, gutom na ako" ni Polong nang buksan ko ang pinto, at natawa si Charlotte. Masayahin siyang nag-hi sa parrot na sumagot naman agad ng "I love you, Charlotte!" na mas lalong ikinatawa ng labs ko. Gusto ko pa ring tsinelasin si Polong sa kahihiyan pero parang mas malakas na 'yung inggit ko na kaya niyang mag-I love you kay Charlotte 'tapos ako eh wala pa rin. Lalo na't sarap na sarap sa si Polong sa skritches na bigay nito sa kanya.
Pagkatapos n'un eh dumiretso na si Charlotte sa kuwarto ko kung saan nakalagay ang mga supplies niya para sa ginagawa niyang mga vivarium. Sumunod lang ako sa kanya, sikretong napapangiti kasi at home na at home na siya sa bahay. Hindi na siya nahihiyang maglabas-masok sa kuwarto ko o sa pet room ngayon. Noon kasi, nagpapaalam pa siya kapag magsi-CR. Ibinaba niya 'yung bag niya sa upuan sa work desk ko saka lumapit sa bin kung saan kasalukuyang nakalagay si Kwek-kwek. Sinilip muna niya 'yun sa gilid saka binuksan 'yung locks ng bin at inangat ang takip.
"Hi, baby," bati niya saka marahang inabot si Kwek-kwek na namamasyal palibot ng water bowl nito. Napabuntong-hininga ako sa kung gaano na din ka-confident si Charlotte na umabot ng (totoong) ahas ngayon.
She was fitting into my life so perfectly, and it was beautiful to see.
(Teka, kailangan ko tandaan 'yun nang maisama sa susunod naming kanta.)
Pinanood ko siyang maingat na hinahayaang magpalipat-lipat si Kwek-kwek sa magkabila niyang mga kamay. "Kumain na ba si Kwek?"
"Ah, hindi pa," sabi ko na lumalapit para tumayo sa tabi niya.
Nilingon niya ako na medyo kunot ang noo. "Di ba feeding day niya ngayon?"
"Oo, pero naisip kong baka gusto mong ikaw 'yung magpakain," paliwanag ko bago pa niya maisip na ginugutom ko ang baby namin. "'Tsaka sa gabi din naman siya kumakain di ba? Kaya okay lang na hindi pa ako nag-iwan ng itlog kaninang umaga."
Nagliwanag ang mga mata ni. "Oo nga ano? Sige, ako na lang ang maglalagay!" masaya niyang sagot na may malaking ngiti.
Sabi na at matututwa ito eh. Hindi naman sa kailangan niyang subuan si Kwek-kwek. Ikakalat lang naman niya 'yung mga itlog d'un sa enclosure para sabay na makakain at makapaglaro si Kwek. Gusto rin kasi ni Charlotte na maging "involved" sa pag-aalaga sa baby namin na hindi lang sa pagbili ng itlog ng pugo. N'ung huli kaming nasa grocery, eh gustong bumili ng sampung dosenang quail eggs! Isa o dalawa lang naman ang kinakain ni Kwek-kwek sa isang kainan at minsan sa isang linggo lang 'yun. Sabi ko magpapakain lang naman kami ng alaga at hindi magtatayo ng tindahan ng kwek-kwek!
"Teka, kuha na ako ng pagkain niya."
"Nasaan pala si Ate Emma?" tanong niya bago ako makalayo.
"Nagpunta ng Pampangga kasi may gustong mag-rehome ng reticulated python."
Namilog ang mga mata ni Charlotte. "Hindi ba malaking ahas 'yun?"
"Oo. Umaabot ng 20 feet ang adult."
Natawa ako nang magkunwari siyang kinilabutan.
"Si Kwek-kwek nga, aabot ng 30 feet!" biro ko.
"Hoy!" sabi niya na pinandidilatan ako. "Una, sabi mo, 30 inches lang! Pangalawa, ni-research ko na siya ano!"