NAG-ALANGAN ako kung kakatok na ba ako sa pinto ng reptile room o hahayaan ko munang magpalamig ng ulo si Ate Emma. Madali lang naman kasi lambingin ‘yun—kapag ako—pero hindi ko alam kung paano ko siya lalambingin ngayon. Malamang hindi pa siya makikinig sa ‘kin kasi galit pa siya. Di ba nga sininghalan ako kanina? Hindi ko tuloy alam ngayon kung paano ko ipapaliwanag si Kuya Ulrich. Baka siya naman ang mam-body slam sa ‘kin.
Self-preservation ang nagtulak sa ‘kin para unahin na lang na maghanda ng tanghalian. Hindi ako magaling magluto pero wala pa naman akong nalalason. Isa pa, frozen vegetarian meal (orange chicken) lang naman ang inihanda ko. Iniinit lang naman ‘yun.
Walang vegetarian sa bahay pero bukod sa sinusubukan ni Ate Emma na hindi kumain ng karne as much as possible, gusto rin niya ‘yung lasa.
Nang maihanda ko na ang pagkain, inabot ko ‘yung braso ko kay Polong. Umakyat siya d’un mula sa mesa at nagpakarga sa ‘kin papunta ng reptile room. Kung sakaling mainit pa ang ulo ni Ate, ihahagis ko si Polong sa kanya para makatakbo ako.
Huminga ako nang malalim saka ako kumatok. Nang mga twenty seconds eh wala pa ring sumasagot mula sa loob, marahan ko nang pinihit ‘yung doorknob at binuksan ang pinto.
Naka-upo si Ate Emma sa sahig, sa tapat ng isang bukas na enclosure. Nakapulupot sa isa niyang braso si Mera, ‘yung isa sa mga ball pythons, at hinahayaan siya ni Ate na umakyat sa balikat niya.
Kung ang ibang tao, yumayakap sa mga alaga nilang aso o pusa para manghingi ng comfort, kami ni Ate, sa mga ahas kami nagpapayakap. (#YOLO)
Ibinaba ko muna si Polong sa ibabaw ng estante ng mga enclosures ng mga tarantula, saka ako lumapit kay Ate Emma at naupo ako sa tabi niya sa sahig.
Noon niya ako nilingon. Mapula ang ilong at mga pisngi niya, at namumugto ang mga mata niya. Hindi pa rin nawawala ‘yung talas dahil galit pa rin siguro siya, pero sa likod n’un, halata ‘yung hapdi.
“Are you okay?” tanong niya kasabay ng “okay ka lang?” na tanong ko. Sabay din kaming tumango.
Bumaba ang mga mata niya sa leeg ko kung saan sigurado kong nag-iwan ng souvenir na marka ang mga daliri ni Kuya Ulrich.
Mamaya, susubukan kong i-access ang banking app niya gamit ‘yung thumbprint niyang sigurado kong nasa gilid ng Adam’s apple ko.
Mas lalong naningkit si Ate Emma kaya inabot ko na agad ‘yung braso niya.
“Ate, hindi naman niya ginawa ‘to dahil trip lang niya—”
“Don’t,” she told me sharply. “Don’t defend him.”
“But—”
“He hurt you,” sabi niya na ganoon pa rin ang tono. “He attacked you and he hurt you. I don’t like violence, and I especially don’t like violent men. I’m not going to tolerate something like that in my house or in my life.”
Luh! May pa-life na!
“Pero, Ate—”
“Marlon, please.”
Isinara ko na ‘yung bibig ko.
Okay, so mali ‘yung approach ko. Wala pa siya sa mood ngayon at hindi pa siya makikinig. Kung ipilit ko at makulitan siya, masasakal talaga ako ulit.
Saka hindi ko rin alam kung paano ko ipapaliwanag ang spontaneous burst of violence ni Kuya Ulrich. Pinagkatiwalaan ako ni Charlotte kagabi n’ung ikuwento niya sa ‘kin ‘yung nangyari sa kanya n’ung bata siya. Hindi ko ‘yun basta-basta na lang ikukuwento sa iba nang walang permiso ni Charlotte.