UMUNGOL ako nang magising dahil sa ayaw huminto sa pag-ring the telepono ko. Kung sino mang Hudas 'to eh mamumura.
Inilabas ko ang braso ko mula sa ilalim ng kumot, kinapa-kapa ang ibabaw ng sidetable ko. Natamaan ng kamay ko 'yung gilid ng enclosure ni Banner, 'yung isa sa mga alaga kong gecko, bago ko nilihis 'yung kamay ko at sa wakas eh nakapa ko 'yung lintek na telepono. Tiningnan ko 'yung pangalan sa screen. Aba't si Hudas nga.
Best friend ko, si Ash. Hayop na 'yun.
"What?"
"Well, good afternoon to you, too," magiliw na bati ng tarantado.
Naningkit ako. "Hapon na ba?"
Hinila ko pababa ang comforter. Medyo madilim pa rin sa kuwarto ko kasi nakababa 'yung blinds. Hindi ko rin maramdaman 'yung init sa labas kasi bukas ang aircon.
"Ngayon ka pa lang babangon?"
"May tinapos akong project. Umaga na ako natulog." Naupo na ako. "Bakit?"
"May hihingin sana akong pabor."'
"Tatawag lang kapag may pabor. Kapag wala di makaalala."
"Tsk. Hindi mo pa rin ba ako napapatawad sa pangangaliwa ko sa 'yo? Move on na kasi."
"Inamo."
Malakas na tumawa ang gago. Parang ang saya-saya lang niya sa buhay. "Nanghingi kasi ng pabor 'yung mommy ni Mere. Birthday daw kasi ni Manang Thelma sa Sabado kasabay n'ung blessing ng bahay. Eh mahilig siya sa mga teleserye kaya kung puwede raw kantahin natin 'yung mga theme songs ng mga serye na paborito niya."
Isinuklay ko 'yung mga daliri ko sa buhok ko sabay kamot ng ulo at batok. "Sino si Manang Thelma at ano'ng kakantahin ko?"
"Si Manang Thelma eh 'yung mayordoma nina Mere. 'Tsaka 'yung kanta mo eh Forevermore."
Nalunok ko 'yung hikab ko. "Side A?"
"Eh kung mas gusto mo 'yung kay Juris, sino ba ako para pigilan ka?"
Hindi ko siya pinansin habang iniisip 'yung lyrics.
"You were just a dream that I once knew..." simula ko. "May bayad 'to ah! Hindi ko genre ang Side A."
"Dude, kahit ano naman kaya mo kantahin."
Nambola pa. "Gago. Sige na, sige na. Pag-aaralan ko na."
"Huwag kang mawawala ha! Blessing naman ng bahay ko 'yun. 'Tsaka minsan na nga lang tayo magkita, hindi mo pa ako sisiputin."
"Kasalanan ko pa? Eh matapos mo akong ipagpalit kay Mere, halos hindi na tayo nagkikita."
"Ang laki naman kasi ng iginanda ni Mere sa 'yo eh. Saka hindi siya mabuhok. Saka hindi na puwedeng patambay-tambay na lang ako. May trabaho na 'kong malupit."
I snorted. "Oo na. Sige na. Sabay-sabay na lang kami nina Hank sa Sabado."
"Okay. See you! Thanks, dude."
Nang ibaba ko ang telepono, bumuntong-hininga ako. Dinig na dinig ko kasi sa boses niya 'yung saya niya.
Mahal na mahal kasi n'un 'yung fiancée niya. N'ung una niyang isinama si Meredith sa HaLo 'tapos sinabi niyang hindi siya iinom n'ung gabing 'yun dahil ipagmamaneho pa niya si Mere pauwi, alam ko nang iba si Meredith, at na totoo ang nararamdaman ng best friend ko para sa kanya.
Kasi kami ni Ash, ang batayan lang naman namin ng enjoyment namin sa buhay noon ay kung gaano kami kalasing, gaano katagal bago kami malango sa alak, at gaano kaganda 'yung babaeng kasama namin. Kami kasi basta naiintindihan ng babae kung hanggang saan lang ang kaya naming ibigay nang mga oras na 'yun, kung one night stand man 'yun o kung medyo mas matagal na fling, pumapatol kami ni Ash.