NAINTINDIHAN ko lang ang ibig sabihin ng salitang “busy” n’ung mga sumunod na araw. Hindi pa ako ‘yung busy ah, si Charlotte pa. Kung di ko siya pinupuntahan para dalhan ng almusal sa umaga, minsan hindi kami magkikita kasi hindi rin siya nakakapagpasundo sa hapon dahil may pupuntahan sila ng mga pinsan niya.
Nag-te-text at nag-me-message kami sa isa’t-isa pero hindi na kami nakakapagkuwentuhan dahil madalas nakaka-reply na lang siya kapag patulog na siya. Lagi na lang ako nangungumusta ‘tapos uunahan ko nang sabihin na okay lang na huwag na siya mag-reply. Basta alam lang niya na naisip ko siya.
‘Tapos kay Polong ako ngangawa na na-mi-miss ko na si Charlotte.
Tinuturuan ko nga siyang sabihin ‘yung “Charlotte” kaso parang di pa natututunan. Baka quota na sa mga natututunang salita.
Sa panliligaw ko naman para mapayagang manligaw, hindi ko na alam ang gagawin ko sa totoo lang. Hindi ko alam kung tamang timpla lang ‘yung ginagawa ko para ipakita na mahalaga siya sa ‘kin—si Charlotte, hindi si Polong—pero kaya at tanggap kong nasa background lang ako ng buhay niya habang nag-aaral siya. Pakiramdam ko kulang pa ‘yung ginagawa ko eh, pero paano ko naman dadagdagan eh wala rin talaga siyang oras para sa ‘kin?
Para saan kung mag-plano ako ng romantic na date na may flowers, chocolates, dinner at music, eh hindi naman makakasama sa ‘kin ‘yung gusto ko i-date? Nauubos na ‘yung dalawang linggo ko.
Huwebes na ng hapon, wala pa ring nagbabago sa pagitan namin ni Charlotte. Isang beses lang kami nagkita na hindi almusal o sundo sa hapon. Dumaan lang talaga ako ng UP na parang stalker at saktong naabutan ko siya ng lunchtime.
Ngayon, Huwebes na, wala pa ring mangyayari. Maghahatid lang ako ulit sa opisina nila.
Sinundo ko siya sa library. Ang dami niyang dalang mga libro. Parang magtatayo siya ng branch ng Booksale sa dami. Nilagay ko sila lahat sa backseat saka ko pinagbukas ng pinto ng passenger seat si Charlotte. Hawak na niya ‘yung dala kong takeout na sub sandwich para sa kanya. Lagi akong may dalang pagkain kasi pakiramdam ko kung di ko dadalhan, makakalimutan niyang kumain.
“Anong oras ‘yung gig n’yo mamaya?” tanong niya habang nagmamaneho ako.
“9 PM.” Nilingon ko siya. “Bakit? Nonood ka?” biro ko.
Mahina siyang tumawa. “I wish I could. Pero, promise, kapag maluwag na ang sched, manonood talaga ako.”
“Sana malapit na. Para mapanood mo na kami. Buti pa si Alessa nakapanood na eh. Sinama siya ni Lester last week, sila ni Pia saka si Paul. Thursday rin ‘yun. Maganda ‘yung ganitong araw kayo pumunta kasi di kasing dami ng tao kapag weekend, siyempre. Pero kahit anong araw naman kayo manood, magpapa-reserve naman ako ng table kay Hank. Kahit isama mo pa ‘yung mga pinsan mo.”
Di siya sumagot.
Sinulyapan ko na siya ulit.
Ayun. Tulog.
Natawa ako bago ako napa-buntong hininga. Langya, sa dami ng sinabi ko, wala palang narinig. Pero naantig din ‘yung puso ko kasi sa sobrang pagod at puyat, nakatulog na talaga sa biyahe.
Inabot ko ‘yung paper bag ng pagkain at inilipat ‘yun sa likod bago pa niya mabitawan. Hindi man lang nagising. Gan’un siguro talaga kapagod.
Bumuntong-hininga ako ulit. “Hay, naku, Charlotte,” bulong ko habang nakatuon na ulit sa kalsada ang mga mata. “Kung sagutin mo ako, aalagaan kita, promise.”
Sana alam niya ‘yun.
Kaya sana masabi ko ‘yun kapag gising siya at di ‘tong kausap ko ‘yung sarili ko imbes na maglakas-loob na sabihin sa kanya lahat ng gusto kong sabihin sa kanya.