BINATI ko ‘yung first love of my life sa pamamagitan ng pagkurot sa puwet niya.
Nakangiti na si Ash n’ung humarap sa ‘kin—akala siguro si Mere ako—saka siya nahintakutan nang makitang may manyak look pa ako pagkatapos ko siyang kurutin.
"Hi, baby boy," sabi ko na lalo pang binabaan pa ‘yung boses ko, saka ako kumindat-kindat na parang may maitim na balak.
"Kadiri kang hay—” sigaw niya bago napansin na nakatayo sa likuran ko si Charlotte. “Charlie!”
Ngumisi lang ako lalo.
Nasa roofdeck na kami ng condo nina Ash sa BGC para sa weekend barkada kainan-slash-inuman-slash-swiming party-slash-sleepover. Excited na akong mag-relax, pakabusog, pakalasing at pakasaya kapag masilip ko na si Charlotte na naka-swimsuit.
Bastos agad? Swimsuit lang ang naisip ko bastos na? Wala naman akong balak ah! Titingin lang ako sa legs niya, bastos na agad? Di ba puwedeng normal na lalaki lang ako?!
...
Sabagay, bastos naman talaga ang mga normal na lalaki ano?
"Hi, Ash!” bati ni Charlotte sa best friend ko saka sinilip ‘yung nakalatag na biyaya sa ihawan sa harapan ni Ash. “Mukhang masarap 'yan ah."
"Eh, siyempre. Timpla ni Mere 'yan eh. May pork, beef 'tsaka chicken."
Habang okupado sa pagtingin sa barbecus si Charlotte, tumaas-baba ang mga kilay ni Ash sa ‘kin bago siya tumikhim.
"So, Charlie! Kumusta naman ang bagong look ni Marlon?"
Nakangiti na si Charlotte nang tumingin sa kanya para sumagot. "Okay naman."
"Mas gusto mo 'yan o 'yung rocker boy look niya?" pangungulit ni Ash.
Ako naman ‘yung binalingan ni Charlotte saka ako pinagmasdan. Sarap sa puso n’ung nakita kong appreciation sa mga mata niya eh, saka siya mapagbirong nagkibit-balikat at ngumiti kay Ash.
"Actually, kahit alin naman bagay sa kanya."
Muntik akong mangisay kahit alam ko naman na ‘yung opinyon niya sa new look ko. Iba kasi ‘yung sabihin niya ‘yun sa ‘kin sa kung sa ibang tao niya banggitin na ako ‘yung pinakaguwapong lalaki sa buong mundo para sa kanya.
Ano’ng hindi ‘yun ang sinabi niya?! ‘Yun ‘yun! Hindi lang niya sinabi nang diretso pero ‘yun ang ibig sabihin n’un.
"Need help?" alok ni Charlotte kay Ash.
"Hindi, okay lang. Mag-aamoy usok ka."
"May dala naman akong bihisan."
Muntik na akong mapakagat-labi sa dami ng naisip kong itsura ng “bihisan” niya, mula sa masikip na manipis na T-shirt hanggang sa two-piece bikini na ‘sing laki lang ng Band-aid.
"Ay, oo nga," sabi ni Ash na inaalis na ‘yung suot niyang apron at inabot ‘yun kay Charlotte. "Mga three minutes na lang naman 'yan, p’wede na 'yan."
"Okay." Isinuot ni Charlotte ‘yung apron.
Tinapik ako ni Ash at kumindat-kindat sa ‘kin. Ngumisi ako sa kanya saka ako tumayo sa tabi ni Charlotte nang maiwan kaming dalawa. Inabot ko ‘yung isang barbecue na mukhang luto na pero hinampas niya ‘yung kamay ko.
“Aray! ‘To naman! Para maka-una lang ako!”
“Three minutes pa raw sabi ni Ash!”
“Sunog na ‘yan in three minutes!” Sinundot ko siya sa tagiliran. Umiwas siya, tumawa, pero hindi talaga niya ako pinagbigyan na kumuha ng barbecue.