Lumipas ang ilang araw at nakumbinsi ko na 'yung sarili kong hindi seryoso 'yung fascination ko kay Charlotte. 'Tsaka paano ko 'yun seseryosohin? Ni-Google ko siya at nalamang anak siya ng kapatid ng Chief Justice ng Pilipinas! 'Tapos 'yung buong pamilya niya eh puro mga abugado, at pamilyar halos lahat ng pangalan ng mga pinsan niya kasi naririnig ko 'yun sa balita na humahawak sa mga high profile na kaso.
'Tapos ako 'yung taong madalas eh isang singa na lang kailangan na ng abugado kasi madedemanda ako dahil nanuntok ako sa bar. May dahilan naman 'yun ano! Di naman ako basag-ulo na nanununtok ng walang dahilan. 'Tsaka bihirang ako ang unang nanununtok. Madalas si Ash 'yun. Napapahamak lang ako kapag gumanti na sa kanya 'yung sinuntok niya kasi pati ako napapasuntok na.
N'ung mga sumunod na araw, naging abala ako sa banda at sa project ko para sa isang client at sa pagtulong kay Ate Emma sa pag-aalaga sa mga babies namin at sa YouTube channel niya kaya nalimutan ko na rin si Charlotte.
Once a day ko na lang siya naiisip imbes na once a minute. Madalas kapag patulog na ako, malamig, at ang nakatingin lang sa 'kin habang nagpapa-antok ako eh isang possessive na gecko. Sabi ni Ate Emma in love talaga 'tong si Wanda sa 'kin. Pero kumbinsido akong gusto lang niyang gamiting pugad 'yung buhok ko.
Kasalukuyan akong nagpapa-antok nang mag-ring ang telepono ko. Unknown number 'yung tumatawag pero sinagot ko na rin.
"Hi! Marlon?" bati ng isang sweet at friendly na tinig ng babae na medyo pamilyar sa 'kin.
"Hi. Who is this?" maingat kong tanong. Hindi kasi ito ang unang beses na makakatanggap ako ng tawag mula sa babaeng stalker fan. Ngayong taon lang, apat na beses na akong nagpapalit ng phone number.
"It's Alessa, Mere's friend. We met n'ung blessing n'ung bahay nila." Hindi nagbago ang friendly niyang tono. Napabangon ako.
"Oh, hey!" sabi ko na mas masaya na 'yung boses.
"Hi! Nakuha ko 'yung number ni Ronald from your band's website, and I got your number from him. I hope it's okay."
"Okay lang," sabi ko kasi okay lang naman talaga. Curious lang ako kung bakit kailangan niya ng number ko. N'ung maisip ko 'yun, bigla akong kinabahan. Sandali... maaaaaay masama ba siyang balak sa 'kin?
Kasi maganda siya, mukha namang mabait, magkasundo kami at oo na, hot siya. Peeeero kasi kung gusto lang niya ng flirtation, mahirap 'yun kasi best friend siya ng mapapangasawa ng best friend ko. Kung ma-in love siya sa 'kin--dahil mahirap talagang iwasan 'yun dahil sa ganda kong lalaki--malaking gulo 'yun. Isa pa, si Charlotte kasi talaga ang gusto ko sa kanilang magbabarkada.
"Are you free to talk?" tanong niya.
"Yeah!" sabi ko ulit habang nag-iisip na kung paano ko siya babastedin na hindi masakit sa pride.
"May interview kasi sina Ash at Mere sa isang morning show, and I know one of the producers. I asked kung puwede tayong manood to surprise the two of them. Sabi niya she was just about to invite us at kung okay, kayo raw na kabarkada ni Ash. So invite lang kita if you can come."
Tumaas 'yung mga kilay ko. "May interview si Ash?" ulit ko, naguguluhan. Kelan pa naging celebrity 'yung ungas na 'yun... ahhhh. Si Mere. Natawa ako. "Sorry, nagulat lang ako. Suplado kasi 'yun pagdating sa mga gan'yan. Nagtaka lang ako na napapayag siya."
"Hindi ako magugulat kung pumayag siya para kay Mere," tawa na rin ni Alessa. "So, can I expect you guys to come? Charlotte will be there."
Paawit niyang sinabi 'yun.
Tumambling ang puso ko at nag-wall climbing hanggang sa lalamunan ko.
Wala palang crush kay Charlotte ah.