HINDI MO alam kung ilang beses ko binalikan 'yung chat namin ni Charlotte sa FB sa loob ng tatlong araw. Mga tatlong beses lang naman... sa isang oras. Binabasa ko lang nang paulit-ulit. 'Tsaka siyempre tinitingnan ko na rin kung nag-o-online.
Hindi.
Tsk.
Busy yata talaga sa buhay. Eh ako naman may tinapos lang ulit na mga proposal para sa isang bagong start-up sa California. Pagkatapos n'un, may isa pa pero next week pa ang deadline.
At dahil wala naman akong ibang gagawin, tiningnan ko na lang ulit 'yung chat namin. Mag-message na kaya ako--
Nalaglag na naman sa mukha ko 'yung telepono ko bago ako nagmamadaling bumangon.
ONLINE! TANGINA, ONLINE SIYA!
Huminga ako nang malalim habang nakatingin sa screen. Batiin ko ba? Batiin ko na 'no? Hello lang naman eh. Hindi ko naman sasabihin sa kanya na maya't-maya ko siya naiisip mula n'ung huli ko siyang nakausap.
Bumuga ako ng hangin sa pagitan ng mga ngipin ko saka ako ulit huminga nang malalim. Sige na.
Hi, Charlotte... *bura bura bura*
Hello. *bura bura*
Hey! *bura bura*
The fuck, paano ko siya babatiin? 'Yung cool lang. 'Yung hindi mukhang lovesick na stalker.
Smiley? 'Yung emoji ng itim na puso--
Ay, puta! Na-send! Sa sobrang pag-ko-concentrate ko sa screen, nagulat ako n'ung biglang tumambling si Wanda at dumikit sa salamin ng enclosure niya. A dahil d'un, dumulas ang daliri ko at na-send kay Charlotte 'yung itim na heart emoji.
Anakanangputaktengmakate!
Sigurado kong aatakihin ako sa puso dahil na-blanko ang isip ko at di ko alam kung paano buburahin 'yung message. Pero napatayo ako ulit nang makitang nag-ta-type na si Charlotte.
Holy f--
Smiley. 'Yun ang reply niya. Smiley.
Sabagay. Ano nga naman ang isasagot niya sa black heart emoji di ba? At least nga di 'yung pula 'yung naipadala ko.
Bumuga ako ng hangin at naupo uilt sa kama.
Hi! Sorry. Nagkamali ako ng send ng emoji.
Nagkamali ka ng emoji na pinadala o nagkamali ka ng pinadalhan? reply niya na may smiley pa rin.
Napangiti na ako. May isa pa siyang message bago ako naka-reply.
Kasi curious ako kung bakit at kung kanino ka magpapadala ng black heart emoji.
Nag-type ako ng reply. Si Ash 'yung pinapadalhan ko niyan. O kaya si Lester minsan para di magselos.
'Yung laughing emoji ang pinadala niya kasunod ng, Ang sweet n'yo talagang magkakaibigan.
Ngumisi ako at nahiga sa kama. Online ka yata. Di ka busy?
Shet. Parang sinabi ko na rin sa kanya na maya't-maya kong tinitingnan kung nag-online siya.
Hindi naman na. 'Tapos na ako d'un sa dapat kong gawin for today.
Kinagat-kagat ko 'yung pang-ibaba kong labi. Hindi busy, dude. 'Tapos na raw sa ginagawa. Sige na! Dali! Magpaalam ka na!
Kahit wala akong plano, kahit hindi ko alam ang sasabihin ko kung pumayag siya, mabilis akong nag-type at pinindot 'yung send bago pa magbago ang isip ko.