TINANGGAP ko ‘yung bote ng Gatorade na inabot sa ‘kin ng isa sa mga servers ng HaLo pagbaba namin ng stage pagkatapos ng gig.
Mabilis pa rin ‘yung tibok ng puso ko at mataas pa rin ang adrenaline ko. Medyo nakaka-high lang talaga sa ‘kin ang mag-perform. Eh kung hindi ba ako masaya sa ginagawa ko, hindi naman ako tatagal dito. Malamang, gaya ni Ash, matagal ko na ring nilayasan si Ron. Pasalamat siya mahal ko rin ang pagkanta.
Nag-thank you ako ‘tapos inabutan din ako n’ung babae ng tuwalya saka ko pinunasan ‘yung pawis ko sa mukha at leeg ko.
Pasado alas dose na pero parang nagsisimula pa lang ‘yung gabi sa HaLo. Siguro tumatanda na lang ako kasi kung hindi siguro kami tumugtog, kanina pa ako nag-aya umuwi. Hindi naman sa maaga na akong antukin pero mas gusto ko na lang ngayon ng mas tahimik na lugar para makapag-kape. Tutal konti na lang din ako mag-yosi ngayon.
May mga nagpa-picture at nagpa-autograph, at nagpabugaw pa kami ni Lester kay Ron kaya nakipagkuwentuhan pa kami sa ilang mga grupo sa iba’t-ibang mga mesa.
N’ung may kumurot na sa puwet ko, saka na ako nagsabi na uwian na. Wala namang gan’unan. Respeto naman sa puwet ng may puwet.
Magkasama kami ni Lester bumalik sa breakroom. Dumerecho siyang CR para mag-shower at magbihis kasi mabait siyang bata at papasok pa siya sa trabaho.
Kinuha ko naman ‘yung telepono ko dahil mabait din akong bata at mag-re-report lang kay sana future girlfriend, pero nakita kong may message na ako galing sa kanya na pinadala niya kani-kanina lang habang pinoprotektahan ko ang puwet ko.
Kumusta ang gig?
Sabay akong napangiti sa kilig at napasimangot sa pag-aalala. Sige, imaginin mo kung ano’ng itsura ko n’un na nakangiti pero kunot ang noo.
Naupo ako sa tabi ng bag ko sa bangko saka ako nag-reply.
Okay lang. May kumurot sa puwet ko kaya nag-aya na akong umuwi. Ba’t gising ka pa?
Wait. What? May kumurot sa puwet mo? Sino?!
Hindi ko kilala eh.
Kilalanin mo!
Bakit? Puwede ko ba kasuhan?
Oo! Ipahandle natin kay Kuya Emmett. I’m sure basta ikaw, walang problema d’un.
Haha Eh, teka. Ba’t nga gising ka pa?
Nasa office pa ako.
Hala siya.
Tawag ako, okay lang?
Okay.
Nag-dial ako, at sinagot niya sa unang ring ang tawag.
“Hey!” bati niya.
“Hey,” sabi ko rin. “Ba’t nasa opisina ka pa?”
“Di pa kami tapos eh. Nag-coffee break lang ako.”
Mabilis akong nagkalkula sa isip ko. Pagkakataon din ‘to eh. Sayang kung di ko sasamantalahin. “Puntahan kita? Dalhan kita ng midnight snack.”
Tumawa siya. “Hoy, huwag na! Anong oras na? Saka pagod ka na sa gig kaya umuwi ka na lang.”
“Hindi!” sabi ko agad. “Gising na gising pa ako. Adrenaline. Sige na, puntahan kita. Ako na maghahatid sa ‘yo sa bahay pag uuwi ka na. Saka ‘yun nga, midnight snack. Ano’ng gusto mo?”
“Hmm…” sabi niya, nag-iisip.
Nagsimula akong ngumisi kasi sos, ‘tong Charlotte na ‘to. Nagpapilit pa eh gusto rin naman pala akong makita.
“Midnight snack? Nasa HaLo ka pa ba?”
“Oo.”
Sa background may narinig akong boses ng lalaki. “Si Marlon ba ‘yan?”
Bumuntong-hininga si Charlotte. “Oo, Kuya. Si Marlon.”
“Pupunta siya?” tanong ulit n’ung boses na nakilala ko nang boses ni Kuya Emmett.
“Sabihin mo magdala ng calamares kung nasa HaLo pa siya,” sabi ng isa pang boses.
Napangisi na ako. Wala lang. Natuwa lang ako na parang komportable na sila sa ‘kin na gan’un na nila ako i-trato kahit kanina lang nila ako nakilala.
“Calamares daw si Kuya Ulrich,” sabi ni Charlotte sa ‘kin sa phone.
“Okay. Ano pa?”
“Eh… know what? Okay lang talaga, Marlon. Mag-papadeliver na lang ako.”
“Sus,” sabi ko. “Huwag na. Pupunta naman na ako. Itanong mo na sila kung may gusto pa sila. May meal din naman sila dito. Pasta, rice meal. O kung wala dito sa HaLo, daanan ko na lang.”
“Naku, huwag na ‘no! Sige na nga, kung ano na lang meron d’yan.” Narinig kong nagtanong siya ulit sa mga pinsan. “Ano daw gusto n’yong dalhin niya? ‘Yung puwede lang bilhin sa HaLo, please! Mahiya naman kayo na magpabili pa sa labas.”
Ang hot lang na kinakaya-kaya niya ‘yung mga kuya niya.
“Calamares,” ulit ng boses ni Kuya Ulrich.
“May spicy chicken wings d’un di ba?” tanong ng isa pa na parang si Kuya Nick. “Order ka n’ung pinakamalaking serving nila.”
“Babayaran n’yo siya ah!” sabi ulit ni Charlotte.
“Ay, akala ko libre niya,” sabi ni Kuya Ulrich.
“P’wede naman,” sabi ko kay Charlotte. Siyempre, puwede pa. Nagpapapogi pa ako eh. Pero pag close na kami, wala na ah. Kanya-kanya na ‘to.
“Shh,” sitsit niya saka niya binalikan ulit ‘yung mga pinsan. “Ikaw, Kuya Emmett?”
“Wala. ‘Yung pagbalik lang ni Marlon dito, sapat na.”
Napalakas ‘yung tawa ko, kasabay ng malakas na mura ng mga pinsan ni Charlotte sa kabilang linya.
Sa huli, calamares, chicken wings, lechon kawali, at extra extra rice ang order sa ‘kin. Gusto pa sana magpadala ng beer nina Kuya Ulrich at Kuya Emmett pero sinitsitan sila ni Kuya Nick na hindi raw puwede at di pa sila tapos sa trabaho.
“Sorry, Marlon ah,” sabi ni Charlotte. “Pahingi na lang ng resibo, please? Singilin natin si Kuya Nick.”
“Hindi na, okay lang talaga. Saka may monthly allowance kami ng pagkain dito kay Hank. Hindi naman ako sisingilin n’un kasi minsan lang ako makikain dito sa kanila.”
“Sigurado ka?”
“Oo,” pilit ko. “Okay ka na ba d’un? May pagkain ka na rin d’un?”
“May salad ba sila d’yan?”
“Naku, ‘yun ang di ko alam. Hindi ako nagagawi sa bahagi na ‘yun ng menu nila eh.”
Natawa siya. “Kung may salad sila o sopas, kung puwedeng ipagdala mo ako?” panlalambing niya.
Hay. Kung isang mangkok ng moonbeams na binudburan ng starlight ang hiningi niya, baka subukan ko ring dalhin para sa kanya.
Pero drawing lang ah, hindi ‘yung totoo. Hindi ako magic fairy prince.
“No problem. Maliligo lang ako ‘tapos alis na ako.”
“Okay. Thanks ulit! And see you later.”
“See you!”
Sumayaw-sayaw ako habang naglalakad papunta sa telepono para makisuyo sa kitchen ng order ko. May salad naman daw sila kaya nagdagdag na ako ng Caesar salad saka crab and corn soup para kay Charlotte. N’ung nagtanong ako kung magkano (siyempre, kunyari lang na may balak akong magbayad), sabi n’ung sumagot na wala raw. Sagot na ‘yun ni Sir Hank.
Natukso akong mag-order ng isang bote ng pinakamahal nilang alak kasi “sagot naman ni Sir Hank” pero huwag na lang. Baka ipukpok sa ‘kin ni Hank ‘yung bote eh.
Kumuha na lang din ako sa stock nila ng kopya ng albums namin—nagbebenta din kasi sila sa HaLo ng mga ‘yung—saka ko ‘yung pinapirmahan kay Ron (na nakikipag-inuman na sa ibang mga fans) at kay Lester (na muntik ko pang di maabutan kasi paalis na siya).
Pagkatapos, saka pa ako naligo. Kailangang magkuskos ako kasi amoy bar ako. Kapag maamoy ni Charlotte ‘yung yosi sa buhok at balat ko, baka hikain.
‘Yun pa pala ano? Paano pala siya pupunta dito eh hinihika siya sa amoy ng yosi? Itatanong ko na lang.
N’ung matapos ako maligo at nakabihis na ako, sinundo ko ‘yung pagkain sa kitchen saka ko hinanap si Hank para magpaalam na mauna na ako. Pagkatapos, nag-text na ako kay Charlotte at umalis na ako para pumunta sa opisina ng mga Sarreal.
Madilim na ‘yung mga opisina sa second floor at nagbago na ‘yung mga guards pero hinihintay ako ni Charlotte sa front door n’ung dumating ako. Una, bumuntong-hininga sa kilig ‘yung puso ko. ‘Tapos muntik kong mabangga ‘yung malaking paso ng halaman malapit sa front door kasi napansin kong nakasalamin siya.
Ewan ko kung bakit kasi ang hot niya pala kapag nakasalamin. Nabuhay lahat ng puwedeng mabuhay sa katawang lupa ko eh. Tumigas ‘yung… panga ko. Sa pagpipigil na mapa-ingit mag-isa.
Naiparada ko naman nang maayos ‘yung sasakyan. Nilagay ko muna ‘yung mainit na paper bag sa kandungan ko para matauhan ako, saka ako bumaba ng sasakyan.
“Hi!” bati niya na may masayang ngiti.
“Hi,” buntong-hininga ko na mukhang gago.
“Need help with that?” turo niya sa zipper ng pantalon ko.
“S-saan?” tanong ko, nabigla.
“Sa paper bags.”
Tumungo ako at nakitang hawak ko nga pala sa harapan ko ‘yung mga paper bag ng pagkain.
Tarantado ka, Paredes! Saan mo gustong magpatulong sa kanya?
“Ah, ano. Sige. Kahit dito na lang sa sopas.”
“Wow! May sopas sila?”
“Meron pala. Sabi sa ‘yo may meals naman sila d’un.”
Magkatulong naming dinala sa loob ‘yung mga paper bag pero dumerecho na kami sa pantry nila.
“Kuyas!” tawag ni Charlotte galing sa pintuan. “Nandito na si Marlon.”
Tatlong Kuyas na lang ang kasama niya, sina Kuya Nick, Emmett at Ulrich. Binigay ko na kay Kuya Emmett ‘yung mga albums na may autograph n’ung makita ko siya. Akala ko hahalikan ako sa tuwa niya eh. Nagpatugtog siya ng music namin habang kumakain. May playlist siya na puro mga kanta namin na slow rock at ‘yun ang pinatugtog niya para ma-appreciate ni Kuya Nick.
“Sino’ng nagsusulat ng mga kanta n’yo?” tanong sa ‘kin n’ung panganay nila habang nakikihati ako sa sopas ni Charlotte.
“Kami pong tatlo,” sagot ko. “’Yang tumutugtog na kanta ako po ang nag-compose.”
“Ah talaga? ‘Yung lyrics, ikaw din?”
“Sa kanya na ‘yan, opo.”
Tumango-tango siya. Hindi ko alam kung na-impress ba siya o hindi. Magaling siguro sa poker ‘to.
“May iba ka pa bang trabaho, Marlon?”
“Kuya,” buntong-hininga ni Charlotte.
“Curious lang ako,” sabi ni Kuya Nick.
“Di ba arkitekto ka rin?” tanong ni Stalker Emmett.
“Kuya,” buntong-hininga ulit ni Charlotte pero sa ibang kuya na nakatingin.
“Dapat si Emmett na lang ang interviewhin mo, Nick,” biro ni Kuya Ulrich na puno ng manok ang bibig. “Mas marami pa yatang alam ‘yan tungkol kay Marlon!”
“Magaling lang ako mag-research!”
“Arkitekto ka rin pala,” sabi ni Kuya Nick at natuon sa kanya ‘yung atensyon ko mula d’un sa dalawang nagbabangayan niyang mga pinsan.
Itong si Kuya Nick, kuyang-kuya ang dating niya sa ‘kin. Parang siya ‘yung responsableng panganay na breadwinner ng pamilya, ‘tapos siya ‘yung huling mag-aasawa sa kanilang lahat kasi gusto niyang established na muna ‘yung mga kapatid niya bago niya asikasuhin ‘yung sarili niya. ‘Yung tipong gan’un.
Tumango ako bilang sagot sa tanong niya. “Opo. May degree po ako pero hindi po ako nag-pa-practice,” amin ko. Nilakasan ko ‘yung loob ko at tiningnan siya nang derecho sa mukha. Gusto ko kasi makita kung huhusgahan niya ako eh. “Freelance graphic designer po ako talaga ngayon.”
Tumango-tango lang ulit si Kuya Nick habang ngumunguya.
Alam mo, mula nang piliin kong maging freelance artist, hindi ko pa pinagsisisihan o ikinakahiya ang trabaho ko. Hindi ko naisip na mas mababa ang pagiging musikero/freelancer kesa sa pagiging arkitekto kasi hindi naman talaga eh. Magkaiba lang sila pero parehong marangal na trabaho.
Sa ibang tao, mas mayabang pakinggan ang Architect Paredes kesa sa “hoy, Marlon”, pero sa ‘kin, walang pagkaka-iba. Pareho lang silang ako.
Pero ngayon na napapaligiran ako ng mga Attorneys Sarreal, at na ‘yung gusto kong ligawan eh isang future lawyer, parang bigla kong naisip na parang sinasayang ko ‘yung degree ko. Kasi ayan na eh, meron na. Ang daming gustong maging arkitekto na hindi magawa kasi hindi makapag-aral o kung ano pang ibang dahilan ‘tapos ako namang arkitekto na, hindi ko naman pinanindigan dahi l lang gusto kong bigyan ng isang malaking pakyu ang tatay ko.
“Ba’t di mo tinuloy mag-arkitekto?” tanong ni Kuya Ulrich. “Curious lang din ako,” mabilis at medyo defensive niyang sabi bago makapagsalita si Charlotte. “Hindi ‘to interrogation.” Binalingan niya ako ulit. “Bilib nga ako sa ‘yo kasi magka-ibang klaseng talent ang graphic design saka sa architecture eh, di ba? ‘Tapos musikero ka pa. Curious lang ako kung bakit hindi mo itinuloy.”
“Ang totoo po kasi gusto ko lang naman talaga mag-drawing,” paliwanag ko kay Tito Boy Abunda. “Fine Arts po kasi talaga ‘yung gusto kong course n’ung college pero architecture ang gusto ng tatay ko kaya pinagbigyan ko na lang. N’ung nag-graduate ako, saka ko ginawa ‘yung gusto ko.”
“Ahhh,” sabi n’ung tatlo. Si Charlotte lang ang hindi nag-react kasi busy sa pagkain.
“Eh kayo po ba?” simula ko. ‘Kala n’yo kayo lang ang curious? “Lahat po ba kayo gusto talaga maging abugado o may iba kayong gusto talagang gawin?”
“Ewan ko sa mga ‘to,” sabi ni Kuya Emmett na sumesenyas sa mga pinsan. “Kasi n’ung bata ako, gusto ko lang namang maging macho dancer. Ewan kung ba’t bigla akong nag-law.”
Muntik lumabas ‘yung sopas sa ilong ko, at namura na naman siya ng mga kuya niya. Pati si Charlotte malakas nang tumawa.
Si Kuya Emmett ang nagligpit ng mga pinagkainan pagkatapos naming kumain. Siya na rin ‘yung naghugas ng mga pinggan. Akala ko si Charlotte pa ang uutusan nila. Naisip ko kasi na sa isang environment na karamihan ay lalaki, nauuwi sa nag-iisang babae ‘yung mga gan’ung klaseng gawain. Eh buti at hindi naman pala.
Tinanong ako ni Kuya Nick kung magkano ‘yung utang niya sa ‘kin sa pagkain n’ung lumabas na kami ng pantry. Sabi ko wala na. Sagot na ng HaLo ‘yun. Pinaliwanag ko ‘yung meal allowance namin kay Hank, at tumango na lang si Kuya.
Nagpasalamat siya saka ako binigyan ng ngiti, ‘yung genuine na ngiti na, kung babae o bakla lang ako, eh baka nanghina ‘yung mga tuhod ko. Pero dahil lalaki ako, ‘yan, naisip ko na lang na “ang pogi pala talaga ng hayop na ‘to.”
“Salamat. Saka tama si Emmett. Maganda nga ang music n’yo. Papakinggan ko na ‘yung albums n’yo.”
“Thank you po.”
Nakipagkamay siya sa ‘kin, ‘tapos pinisil niya sa braso si Charlotte bago siya bumalik ng opisina niya at nagsara na ng pinto.
Nilingon ko si Charlotte. “Ba’t parang pakiramdam ko nakuha ko na ‘yung seal of approval niya?”
Natawa siya. “Well, two down?”
“Eh sagutin mo na kasi ako para lahat na sila eh down na,” biro ko.
“Di pa nga nanliligaw.”
“Eh payagan mo na kasi ako manligaw. Two weeks na!” paalala ko sa kanya. “Wala pa bang hatol?”
“Mamayang hapon pa nga, di ba?”
Huminto ako sa pintuan ng library.
“Hindi ba ako makaka-istorbo?” tanong ko sa kanya na biglang nag-alala. Baka di siya maka-concentrate kung may katabi siyang guwapo eh.
“Hindi ka pa ba uuwi?” tanong din ni Charlotte sa ‘kin. Bago masaktan ‘yung damdamin ko eh nagpaliwanag na siya. “I mean, not that I’m saying na umalis ka na pero late na kasi ‘tapos pagod ka pa. Baka gusto mo nang umuwi. Nahihiya ka lang.”
“Hindi naman. Saka sabi ko ako na ang maghahatid sa ‘yo pauwi di ba? Hintayin na kita.”
Hintayin na kita habambuhay.
Kinagat niya ‘yung labi niya. Muntik na naman ako ma-ingit. Gorgeous girl with glasses biting her lower lip. Dami kong na-re-realize na nakaka-arouse pala mula n’ung makilala ko ‘to eh.
“Hmm, mga isang oras na lang, okay lang?”
“Kahit umagahin pa kayo. Huwag ka ma-pressure na nandito ako. Kaya ko namang i-entertain ang sarili ko.” Ngumisi ako. “Sabi nga ni Kuya Emmett, ‘yung pagbalik ko lang dito, sapat na.”
“Oh my God,” tawa ni Charlotte na napahilamos ng mukha. “Sige na nga! D’un ka na lang sa sofa. Feel free to log into the WiFi.”
Pumasok kami sa library. Akala ko may alone time pa kami pero nand’un na si Kuya Ulrich. Siya kasi ‘yung tinutulungan ni Charlotte d’un sa kaso.
Nag-angat ng paningin si Kuya mula sa laptop niya saka ngumiti. “O, di ka pa uuwi?”
“Ihahatid daw niya ako pauwi, Kuya,” sagot ni Charlotte para sa ‘kin.
“Ah. Okay.”
Dahil likas akong chismoso, hindi muna ako tumuloy sa sofa. Lumapit muna ako sa mesa kung saan nakalatag ‘yung mga libro at notes nilang magpinsan.
“Ito ba ‘yung sinasabi ni Charlotte, Kuya?” tanong ko kay Kuya Ulrich. “’Yung domestic violence case ba ‘yun?”
Sinulyapan ni Kuya si Charlotte bago ibinalik sa ‘kin ‘yung paningin niya. “Ah, oo. Nambubugbog ng asawa’t anak ‘yung gago. Gusto na makipaghiwalay n’ung misis pero alam mo naman dito sa ‘tin. Mayaman lang ang kayang magpa-annul ng kasal.”
At dahil ipinaghila na ako ng upuan ni Kuya Ulrich, d’un na ako naupo sa mesa imbes na sa sofa. Ikinuwento nila ‘yung kaso sa ‘kin hanggang sa gusto ko na ring puntahan sa blilibid ‘yung gago at ako na ang magturo ng leksyon sa kanya.
“Ang dami talagang gago sa mundo,” sabi ko na galit na. “Sana nag-boksingero na lang siya kung gusto niyang manuntok. Di ‘yung mga walang kalaban-laban ang sasaktan.”
“May mga gan’un talaga,” sang-ayon ni Kuya Ulrich. “’Yung kailangang maramdaman nilang macho sila pero ang kaya lang abusuhin eh mga babae at mga bata.”
“Sana pala hindi mo lang isang beses sinapak, Kuya Rick.”
“Kung puwede nga lang eh! Kaso kapag bugbugin ko, mahahalata masyado na hindi na self-defense ‘yung ginawa ko.”
“Ako na lang pala. Kapag kasuhan ako ng assault, ikaw ang kukunin kong abugado ah!”
“Sige ba!”
Nagkatanguan kami ni Kuya Ulrich.
At sa oras na ‘yun, pakiramdam ko pati siya eh nakuha ko na ‘yung boto para kay Charlotte…
‘To naman! Anong mayabang ako? Pakiramdam ko lang naman! My feelings are valid!
Tahimik lang si Charlotte n’un, nagbabasa at nag-no-notes sa isang legal pad. N’ung natahimik na rin si Kuya Ulrich para magbasa, pinanood ko na si Charlotte. Nakapangalumbaba siya habang nagbabasa galing sa isang makapal na libro. Naka-reflect sa salamin niya ‘yung nakasinding screen ng laptop niya pero hindi siya tumitingin d’un. May hawak siyang isang ballpen at nagsusulat siya sa isang legal pad. Nakakalat din sa mesa sa pagitan nila ni Kuya Ulrich ang isang buong branch ng NBS sa dami ng papel, lapis, ballpens at highlighters.
Hindi ko mawari kung bakit gan’un kadami ang kailangan nilang ballpen hanggang sa makita kong inabot ni Kuya Ulrich ang isa sa mga ‘yun para gamiting panulat saka niya ‘yun ibinaba sa tabi n’ung ballpen na gamit niya kanina.
Pinanood ko silang magpinsan na mangolekta ng ballpens dahil nakakalimutan nilang may ballpen nang malapit sa kanila.
Hindi napapansin ni Charlotte kapag kinukuha ko ‘yung ballpen na ‘yun at ibinabalik sa gitna ng mesa. D’un din naman kasi siya kukuha kapag kailangan niya ng panulat.
Two hours later, nagpapa-#AskMarlon na ako sa Twitter account ko na bihira ko buksan habang nagbabalik ng ballpens sa gitna ng mesa nang mag-inat si Charlotte saka niya sulyapan ‘yung relo niya.
“Hala, three thirty na pala!”
Sinulyapan na rin ni Kuya Ulrich ‘yung relo niya saka siya nag-inat na rin. “Tama na muna, Charles. Mamayang hapon na lang ‘yung iba.”
Nilingon ako ni Charlotte. “May date kami ni Marlon mamaya, Kuya,” sabi niya at di ko napigilan ‘yung ngiti ko. “Bawi na lang ako bukas, okay lang?”
Nagpalipat-lipat sa ‘ming dalawa ‘yung mga mata ni Kuya Ulrich.
“Okay,” sabi niya sa wakas. “Kahit bukas na ng tanghali ka pumasok. Babawi na lang ako ng tulog bukas ng umaga.”
“Okay.”
Natawa ako n’ung sabay pang maghikab ‘yung magpinsan.
“Uwi na tayo?” tanong ni Charlotte sa ‘kin.
“Sige, kung okay ka na.”
“Sige, sandali.”
Tumayo siya at nagsimulang magligpit. Nagpaalam na ako sa mga Twitter followers ko na gising pa—kasama si Kuya Emmett na nasa kabilang opisina pa rin—saka ko binulsa ulit ‘yung telepono ko.
Kinukusot na ni Charlotte ‘yung mga mata niya n’ung matapos kaming makapagpaalam sa mga kuya niya, saka kami lumabas ng opisina.
Giniya ko siya sa kotse pero tumigil siya sa paglalakad.
“Wait! Shoot. Saan ko nilapag ‘yung salamin ko?” tanong niya na naniningkit sa ‘kin. Alam ko hindi niya ako makita talaga kasi nakatingin siya sa baba ko.
Ngumiti ako saka ako lumapit sa kanya. Tumingala siya sa ‘kin at inilapit ko ‘yung mukha ko sa kanya para mas makita niya ako. Namilog ‘yung mga mata niya.
I could kiss her. Right here and now. Nararamdaman ko na sa mga labi ko ‘yung paghinga niya. Pero parang hindi pa ‘yun ‘yung tamang oras. Kaya ngumisi na lang ako para pagtakpan ‘yung kabog ng dibdib ko, saka ko inabot ‘yung salamin niyang nasa tuktok ng ulo niya bago ko ‘yun ibinaba sa ilong niya.
Napapikit siya at natawa sa sarili.
“Sorry,” sabi niya. “Pagod na yata talaga ako.”
“Oo nga. Kaya uwi na tayo.”
Pinagbuksan ko siya ng pintuan ng sasakyan para makasakay na siya.
Hindi ko na sana siya kakausapin habang bumibiyahe kasi baka gusto niyang umidlip pero siya ‘yung nagsalita.
“Thank you ulit sa dala mong pagkain kanina ah. Isang beses pa lang ako nakakapunta ng HaLo pero naaalala kong masarap talaga ‘yung pagkain nila d’un eh.”
“Paano ka pala d’un?” tanong ko. “Hindi ka ba hihikain pag magpunta ka d’un? Amoy yosi kasi d’un di ba?”
“D’un kami sa non-smoking area,” sabi niya.
“Pero kahit na.”
“Saka may dala akong gamot at inhaler,” dagdag niya na nakangiti. “Don’t worry. Mapapanood din kita, promise.”
Sumimangot ako sa kalsada. “Mas gusto ko nang di ka manood kung magkakasakit ka pala.”
“Okay lang ‘yun,” sabi niya na may tapik pa sa braso ko. “Gusto rin naman talaga kita mapanood.”
Hindi pa rin ako kumbinsido pero dahil gusto ko rin naman na mapanood niya ako, sinabi ko na lang sa sarili kong bantayan na lang siya pag nand’un na sila.
“Sorry rin pala ah,” dagdag niya. “Kasi kinulit ka nila Kuya kanina.”
Bigla kong naalala ‘yung tanong nila sa ‘kin tungkol sa trabaho.
“Okay lang,” sabi ko.
“Ang tactless kasi eh. Wala naman sila dapat paki.”
Mahina akong tumawa. “Charlotte, pinopormahan ko ‘yung only girl nila. Kung isa ako sa kanila, baka ‘yun ang una kong itinanong kung may manliligaw sa ‘yo.”
“Bakit naman?”
“Paano ka niya pakakainin kung wala siyang trabaho?”
“Eh di ako ang magpapakain sa kanya,” sabi niya. “Bakit? Sa tingin mo hindi ko kayang suportahan ang sarili ko at ang magiging boyfriend ko kung kailangan?”
Sinulyapan ko siya ulit. Mula sa mga ilaw sa labas ng kotse, nakita ko na naka-ismid siya pero medyo nanghahamon ‘yung ekspresyon sa mga mata niya.
“Alam kong kaya mo,” sabi ko na hindi sinasadya na tahimik ‘yung boses. “Kaya nga parang mas kailangan ng magiging boyfriend mo”—na sana ay ako—“na patunayan na kaya ka niyang alagaan. Kasi hindi mo kailangan eh. Kung ako nga kasi sa mga kuya mo, gan’un ang gusto ko para sa ‘yo. Kung sana man lang eh equal kayo n’ung lalaki.”
Bigla kong naisip na gan’un pala kung bakit gan’un na lang ‘yung character development ni Ash n’ung nakilala niya si Meredith. Executive vice president ng isa sa pinakamalalaking kompanya sa Pilipinas at anak ng number 2 na pinakamayamang businessman sa Asia ‘yung pinangarap eh, kung di ba naman makapal ang mukha at matigas ang apog n’ung gagong ‘yun. Pero ayan na nga. Ano naman siya ngayon? Magiging COO na ng AMC amput—
Bigla akong natigilan.
AMC.
“Gan’yan naman kasi kayo.” Ibinalik ako sa kasalukuyan ng palabirong tono ni Charlotte. “Natatapakan ‘yung pride n’yo kapag mas malaki ang kita ng mga babae kesa sa inyo. Hindi naman nakakabawas ng pagkalalaki n’yo kung mga misis ang primary o even the sole provider ng isang pamilya, Marlon. Archaic belief na ‘yung si mister ang haligi at si misis ang ilaw. Maraming misis ang marunong nang mag-repair ng haligi at kayang magbayad ng ilaw.”
“Eh oo nga. Kaya nga sabi ko mas gusto ko na equal tayo di ba? Okay lang sa ‘kin kung mas malaki ang kita mo sa ‘kin,” paalala ko na natatawa na.
“Ay, tayo na ba ang usapan?” tawa niya.
“Oo ah!”
“O, ‘pag naging tayo ba, ma-i-insecure ka kapag maging abugado na ako?”
“Siyempre, hindi,” sagot ko agad. “Ako pa ‘yung magiging pinaka-proud kapag nakapasa ka na sa bar exam ano! Ipagkakalat ko talaga ‘yun sa lahat na abugado na ang girlfriend ko.”
“Wow! Girlfriend na talaga?”
Dinaan ko na lang din sa biro. “Eh ano na ba kasi talaga, Attorney Girlfriend? Yes or no question lang naman ‘yun eh, hindi mo pa masagot.”
Nilingon ko siya n’ung hindi siya sumagot agad. Akala ko nakatulog na ulit eh.
“Huy.”
Tumawa na siya. “Sige na nga!”
Napa-preno ako. Siyempre tiningnan ko naman muna kung may kasunod kaming sasakyan. Eh wala. Kaya ayan. Puwede akong maging K-drama King.
“Sige na?” bulalas ko na nanlalaki ang mga mata. “Tayo na?!”
Malakas siyang tumawa ulit. “Anong tayo na?!” halos patili niyang tanong. “Ang usapan kung puwede ka manligaw o hindi di ba? So ayan, puwede ka na manligaw.”
“Tsk. Akala ko tayo na eh.”
“Hindi pa!”
Umiling-iling ako, disappointed kunyari. Sinimulan ko ulit magmaneho pero ang bilis ng tibok ng puso ko at halos mabingi ako sa ragasa ng dugo sa tenga ko! Na-high blood yata ako! Shet. ‘Pag sinagot ako nito, baka ma-stroke ako!
“Ay, ang saya ni Sir.”
Tumawa ako. Nakangiti na pala kasi ako. “Eh siyempre! Na-check ko na ‘yung isang item sa goal’s list ko eh pagdating sa ‘yo eh.”
“Madaming items ba ‘yan?”
Itinaas ko ‘yung isang kamay ko mula sa kambyo. “One, mapayagang manligaw,” sabi ko kasabay ng pagtaas ng isang daliri. “Two, mapasagot ka. Three, mapapayag kang pakasal sa ‘kin.”
“Wow ah!” Halatang aliw na aliw siya.
“Eh go for gold na,” ngisi ko.
Itinulak niya pababa sa kambyo ‘yung kamay ko.
“D’un muna tayo sa ligaw ah,” sabi niya.
“Bakit? Hanggang ngayon ba hindi mo pa sigurado ‘yung intensyon ko?”
“Hindi pa eh,” pranka niyang sagot.
Nilingon ko siya ulit para ipakita ‘yung simangot ko.
Tumawa siya saka ako hinawakan sa baba para ibalik sa kalsada ‘yung focus ko.
“Pakita mo sa ‘kin na kaya mo ‘yung ganito nang matagalan,” sabi niya n’ung binitawan na niya ‘yung mukha ko. “Sandali lang kasi ‘yung two weeks eh. Pakita mo na hindi ka magsasawa o maiinis na hindi tayo puwedeng laging magkita saka na hindi puwedeng laging ikaw ang unahin ko.”
“Na hindi ako ang priority mo?”
Hindi siya agad sumagot pero alam kong nakatingin siya sa ‘kin. Sinulyapan ko siya saka ko inabot ‘yung kamay niya bago ako muling bumaling sa kalsada.
“Charlotte, alam ko namang hindi ako ang priority mo, at na hindi puwedeng ako ang maging priority mo kasi may pangarap ka. Sabi ko nga sa ‘yo, I admire you for that, ‘tsaka na okay lang ako. Hindi ako insecure… masyado.”
Bumungisngis siya at ngumiti ako. “Hindi ako insecure na magseselos ako sa pag-aaral o sa karera mo. Mahal…aga ka sa ‘kin kaya mahalaga sa ‘kin ‘yung happiness mo. Ang gusto ko ngayon eh ‘yung masamahan ka papunta d’un sa happiness mo na ‘yun. Kung papayagan mo ako.
“And before you say anything,” sabi ko agad bago pa siya makapagsalita, “opo, alam ko na kailangan ko ‘yung patunayan sa ‘yo. Salamat kasi binigyan mo ako ng pagkakataon.” Nilingon ko siya ulit. “Lagi mo akong binibigyan ng pagkakataon ano?”
Natawa na naman siya. “Oo nga eh. Parang ang special mo naman.”
Mayabang akong pumalatak. “Eh ganyan talaga. Gandang lalaki ko kaya.”
Tumawa lang siya ulit.
Natahimik kami pareho. Nagpipigil ako ng ngiti pero sa loob-loob ko, nagsasayaw ako ng kumplikadong choreo ng K-pop groups sa tuwa ko.
Hindi ko binitawan ‘yung kamay ni Charlotte na hindi rin naman niya binawi mula sa ‘kin.
---
MAY KISS ako ulit sa pisngi n’ung ihatid ko siya sa gate ng bahay nila. Hinintay niyang maka-alis ako bago niya isinara ‘yung gate. ‘Yung guard pala ng bahay nila ang nagsara ng gate. Buti na ‘yun para sigurado akong safe si Charlotte.
Pagkatapos nagmaneho na ako pauwi sa bahay namin sa San Juan. Mag a-alas kwatro na ako dumating ng bahay pero hindi pa rin naman ako pagod. Masaya kasi ako eh kaya alam kong hindi pa ako makakatulog.
Official nang nanliligaw ako kay Charlotte. Kung tatanungin mo ako n’ung isang taon kung magiging ganito ako kasaya na napayagan na akong manligaw, tatawanan kita. Iba ‘yung kaligayahan n’ung Marlon na ‘yun eh. ‘Yung Marlon ngayon , si Charlotte na ang happiness. Kaya ayan. Akala mo sinagot na ako at puwede nang manghipo sa kung gaano ako kasaya na pumayag na siyang magpaligaw sa ‘kin.
Saka na ang hipo, Paredes. Ligaw muna.
Tulog na tulog si Polong sa enclosure niya kaya di ko na inistorbo, pero tiningnan ko ‘yung mga alaga namin ni Ate Emma. Nocturnal kasi ‘yung karamihan sa kanila kaya gising sila. Ni-check ko lang ‘yung temperatura sa mga enclosures, ‘yung mga ilaw, kung may tubig… wala pa naman kasing schedule ng kain kaya hindi ko na pinakialaman ‘yun.
Sana minsan masama ko si Charlotte dito sa bahay para ipakita ko ‘yung mga alaga namin ni Ate. Hindi siya mahilig sa mga reptiles pero siya kasi ‘yung tipo ng tao na interesado sa lahat ng bagay kaya baka ma-enjoy din niya ‘yung mini-zoo namin.
N’ung pumasok ako ng kuwarto, dumerecho ako ng kama saka ako nahiga. Binalik-balikan ko ‘yung mga nangyari at hindi ko na naman napigilan ‘yung ngiti ko. Pero n’ung naalala ko ‘yung pagtatanong nila Kuya Nick, medyo nagseryoso ako.
Pakiramdam ko naman hindi nila ‘yun tinanong para ipamukha sa ‘kin na hindi ako karapat-dapat kay Charlotte kasi parang sinsero naman ‘yung sabi ni Kuya Ulrich na bilib siya sa ‘kin kasi arkitekto ako pero kaya ko rin ‘yung graphic design. Saka di ba nga fan na fan ng Badlands si Kuya Emmett? Hindi naman siguro siya magiging gan’un kung mababa ang tingin niya sa ‘kin. Saka parang wala naman sa kanila ‘yung mapangmata ng kapuwa. Kaya kung nag-aalangan ako ngayon sa sarili ko, kasalanan ko na ‘yun.
Pero ano ba talaga? Kaya ko bang magsimulang maging arkitekto? Medyo matagal-tagal ko nang hindi nagagamit ‘yung mga natutunan ko n’ung college. Baka may kalawang na ang skills ko.
Paano kaya ‘yun? Saka bagay kaya sa ‘kin ‘yun?
“Architect Marlon Paredes,” bulong ko habang nakatingin sa kisame. “Architect Jose Maria Alonzo Paredes IV and Attorney Charlotte Sarreal-Paredes… invite you to the wedding of their son, Jose Maria Alonzo Paredes V.”
Puta, naging wedding invitation?
Pero paano kung…? Kasi sa totoo lang gusto ko rin namang maging arkitekto kasi na-enjoy ko naman talaga ‘yung course ko. ‘Yung graphic design saka pagbabanda ko parang hobbies ko lang sila eh. Kung magseseryoso ako sa buhay, parang mas maganda kung seryosohin ko na ring maging arkitekto ano?
Matagal akong nag-soul searching kaya maliwanag na sa labas, gising pa ako. Pero may plano na ako.
Marami na kasi akong nakalinya na proyekto. Ayoko namang sabihin sa mga kliyente na humanap na lang sila ng ibang gagawa kasi tinanggap ko na ‘yung projects eh. Ayoko naman na huminto ako sa graphic design na pangit ang reputasyon. Tatapusin ko na lang silang lahat pero hindi na ako tatanggap ng bago.
At pagtapos ko sa mga ‘yun, saka ko na seseryosohin ‘yung pagiging arkitekto. Susubukan ko nang mag-apply sa AMC.
Pakiramdam ko ‘eto na ‘yung malaking pagbabago sa buhay ko.
Itong Charlotte na ‘to! Kung anu-ano nang ginagawa ko sa buhay ko para sa kanya eh hindi pa naman kami!
Magkasabay akong kinabahan at na-excite. Hindi ko alam ‘tong pinapasok ko pero for the best naman ‘to di ba? Para sa kinabukasan ko? Namin? Namin ni Charlotte at ni Fifth?
Teka, gusto ko ba talagang pangalanan ng Jose Maria Alonzo din ‘yung anak ko eh galit nga ako sa tatay ko dahil dakilang anak lang naman ako sa labas?
At bakit ba nand’un na ako kay Fifth eh hindi pa nga ako nagsisimulang manligaw? Anak agad?
Alam mo, tama na ‘to. Mabuti pa matulog na ako. May date pa kami mamayang hapon. Dapat galingan ko kasi seryoso na ‘to. Para sa future na ‘to. Para sa happily ever after namin ni Charlotte, at para kay future fifth.
Okay, sige na. Babangon na ako para magsepilyo at magbihis, ‘tapos tulugan na. Good night!