A/N: Jomar, I’m so sorry na laging hina-hijack ng mga Sarreal ang kuwento mo, pero aminin mo, gusto mo rin naman. ^___^
Thank you for reading! And don’t forget to check out the link to my available ebooks, and my Ko-fi on my bio if you want to support my work. Maraming salamat!
---
HINDI nagtagal, na-recruit na ako ni Kuya Emmett na mag-mini concert pagkatapos nilang kumanta ni Reinhardt.
"O, may bayad na 'to ah! Hindi kasama sa usapan ang concert. Kung kulang ang dalang cash, payag kaming salary deduction!" sabi ni Kuya Emmett sa audience namin na nagpa-picture pa sa 'kin bago kami magsimulang kumanta.
Sinilip ko si Charlotte para tingnan kung napansin ba niyang medyo marami akong fans at kung nagseselos din ba siya kahit kaunti, pero langya, ang saya lang niyang nakikipagkuwentuhan sa mga kasama niya sa mesa. Nalimutan na ako agad!
Ganyan pala ah.
Pinili ko 'yung paborito niyang kanta namin, Phoenix, at 'yun ang pinatugtog ko. Eh di biglang lingon siya sa 'kin. Umismid ako at kumaway pa nang magsimula silang pumalakpak ni Reinhardt.
Sa kanya lang ako nakatingin. Hindi ko naman kailangan 'yung lyrics sa screen. Kabisado ko 'yung kanta. Kahit tulog ako puwede ko 'yun kantahin.
I sang for her pero pakiramdam ko naman, mula n'ung nakilala ko siya, para sa kanya na lang ako kumakanta.
Pagkatapos ng performance, bumalik na kami sa table. Nagpaalam na 'yung dalawang Sentinel na bababa na ulit. 'Yung kambal 'yung pumalit sa kanila at ipinakilala ako ni Alaric sa girlfriend niya na fan din pala ng banda.
Nagsiuwian na 'yung mga bisita, nand'un pa rin kami sa mesa. Nag-switch na sa tubig at sports drink 'yung mga nag-beer kanina, at nakikinig na lang ako sa away—heated and lively discussion—ng magpipinsan tungkol sa susunod na kasong hawak ni Kuya Emmett.
Palipat-lipat lang naman 'yung mga mata ko sa kung sino ang nagsasalita kasi namatayan na ako agad ng brain cells n'ung unang beses akong makarinig ng Latin phrase. Sina Kuya Emmett at Kuya Ulrich ang nagdidiskusyon, habang si Kuya Nick ang tumatayong moderator habang relaxed na relaxed na nakasandal sa upuan niya. Nakapangalumbaba sa mesa si Reinhardt at nagbabato ng random na opinyon. In short, nanggugulo lang siya.
"Lasing ka ba?" kunot-noo at nanlalaki ang mga butas ng ilong na tanong ni Kuya Emmett nang manggulo na naman si Reinhardt.
Umiling ito at itinaas ang isang bote ng mineral water. "Hindi ako puwedeng uminom. May magagalit."
"To be fair, tama naman 'yung tanong niya," sabat ni Kuya Nick. "You should've already anticipated that."
"Tsk. Fine, yeah. It just threw me off a bit," amin ni Kuya Emmett bago inabot ang kamao kay Reinhardt para makipag-fist bump. "Sorry."
"I read the files," sabi ni Reinhardt. "That detail kept bothering me."
Napalundag ako nang may humawak sa braso ko. Nilingon ko si Charlotte. "Okay ka lang?" bulong niya na may maliit na ngiti.
"Okay lang," sagot ko. "Interesado ako kasi mamaya kailanganin kong magnakaw ng pera sa AMC. At least alam ko na kung paano ko pagmumukhaing si Ash ang gumawa."
Bumungisngis siya, pero napalingon kami nang lumapit SI Dachi kay Kuya Nick. Pabulong lang 'yung sinabi niya kaya hindi ko narinig.
"Ah, oo nga. Sorry. Nagkasarapan kami sa kuwentuhan." Binalingan niya kami at tumango. "Kailangan na raw magligpit. Hanggang 1AM lang din kasi 'yung pinagrentahan ng mga mesa saka upuan."
Nagsimula kaming tumayo pero agad kaming pinigilan ni Kuya Emmett. Hinila niya palabas ang phone niya. "Teka! Picture muna!"
"Ako na po kukuha," agad na pag-volunteer ni Daichi.