“CHARLOTTE, may sasabihin ako sa ‘yo,” sabi ko na hinahatak ‘yung braso niya para tumigil din siya sa paglalakad. Nilingon niya ako. Pinag-aralan ko ‘yung mukha niyang maganda. Itinaas ko ‘yung kamay ko at itinulak paalis ng noo niya ‘yung bangs niya saka ko siya sinapo sa isang pisngi. Tiningala niya ako. I looked into her eyes.
“I really like you,” madamdamin kong sabi sa kanya. “Kaya nga kita nililigawan kasi gusto talaga kita. Pero nakapag-isip-isip ako at narating ko ‘yung conclusion na hindi talaga tayo bagay. Hindi talaga ako para sa ‘yo.”
“Marlon,” simula niya na puno ng pasensya ang tinig.
Umiling ako at inangat na ‘yung isa ko pang kamay para sapu-sapo ko na ‘yung mukha niya. “Hindi na talaga. Ayoko na eh. Nagbago na ‘yung isip ko tungkol sa ‘tin.”
Bumuntong-hininga siya. “Okay lang naman kasi talaga sa ‘kin kung ayaw mong manood ng horror movie.” Lumabi siya saka nagsalita gamit ang tonong parang tono ng baby na nagtatampo. “Kahit sinabi mo sa ‘kin na puwedeng ako na ‘yung mamili ng papanoorin natin ngayon.”
“Pero Sinister?” halos ngawa ko. “Sinister? Title pa lang, tumatayo na ‘yung balahibo ko eh. Saka parang corny siya. Di ba corny ang mga ganyang pelikula?”
“Hindi naman siya ginawa para magkaroon ng social significance eh,” sabi ni Charlotte. “Saka Sinister 2 na siya.”
Namilog ang mga mata ko. “Ibig mong sabihin may mga nanood ng Sinister part 1 kaya gumawa pa sila ng part 2?”
Bumungisngis siya saka hinawakan ang braso ko at hinila na ako para magsimula na akong maglakad ulit.
“Huwag kang mag-alala. Payag na akong hawakan mo ‘yung kamay ko habang nanonood tayo.”
Hmm… that alone might be worth the torture.
Dahil lagi daw kami sa QC, siya naman daw ang dadayo kaya sa Greenhills namin napag-usapang pumunta. Doon na kami maghahapunan at manonood ng sine.
Isa sa mga nalaman ko tungkol kay Charlotte ay na mahilig siya sa mga horror at slasher movies. Wala siyang pakialam kahit gaano ka-corny o gaano ka-negatibo ang mga reviews ng isang pelikula, basta horror o suspense, papanoorin niya ‘yun.
Ako naman eh ayaw na ayaw na AYAW ko ng horror.
Langya. Nakuwento ba ni Ash na pinapanood niya ako ng Insidious minsang nakitulog kami ni Lester sa kanya? Sumiksik ako sa pagitan nila ni Lester n’ung gabing ‘yun ‘tapos hindi ako pumayag na patayin nila ‘yung ilaw, mga hayop sila. ‘Tapos ang walangyang si Ash, bigla-biglang pumapalakpak, amputa! Tinadyakan ko nga.
“Di ba gusto mo rin naman ang action movies? Palabas na rin ang Mission: Impossible Rogue Nation,” sabi ko sa pag-asang mababago ko pa ‘yung isip niya.
“Yeah, but no. Hindi ko pa napapanood ‘yung Ghost Protocol eh.”
“Inside Out?” mungkahi ko.
“Papanoorin namin next week nina Alessa. Magtatampo ‘yun ‘pag unahan ko siya.”
“Charlotte.” Huminto ako ulit sa paglalakad at nilingon na naman niya ako. “Wala akong kinatatakutan sa buhay ko… Jump scares lang.”
Mga two seconds niya akong pinagmasdan, pagkatapos eh natawa na siya.
“Seryoso ako!” sabi ko. “Kapag ako tumili sa loob ng sinehan, huwag mong sabihing hindi kita binalaan ah!”
Humagod ‘yung palad niya sa braso. Aba, si Sarreal ah. May pahagod-hagod na ng braso!
“Huwag kang mag-alala,” sabi niya. “Kapag tumili ka, I won’t judge. Abugado ako, hindi judge.”