Kabanata 42

2.6K 66 1
                                    

Dalawang araw simula nang tumungo kami ni Cace dito sa bahay niya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya umuuwi. Tumatawag naman siya para sabihin sa akin kung gaano kahirap ng sitwasyon nila ngayon. Malaking pera ang muling naipuslit ni Leticia at Estella. Ngayon may hinala na si Cace na hindi lamang iisa ang galamay ng mag-ina sa kompaniya.

Naiinis ako dahil kaunting oras na lamang kami kung mag-usap ni Cace. I miss him so much! Lalo na nitong dalawang araw na nagdaan. Pakiramdam ko ang bagal ng oras. Gustong-gusto ko na siyang makita, mayakap at mahalikan. Ganoon pa man ay nauunawaan ko kung gaano kaimportante ang trabaho niya. Siguro nga lang ay nalulungkot ako kaya may inis akong nararamdaman.


Mabuti na nga lang at paminsan-minsa'y tumatawag si Erina para mangumusta. Katulad na lamang ngayon. Tumawag ito para kulitin ako. Hindi ko naman magawang pagbabaan dahil alam kong magtatampo ito sa akin.

"Ate Dal, kailangan mong pumunta. Ikaw at si Kuya na lang ang pamilya ko." Nagmamakaawang sabi ni Erina. Kaarawan kasi nito bukas. Pinipilit ako nitong dumalo. Tinanggihan ko ito noong una dahil masama ang pakiramdam ko. Marami akong nararamdaman. Partikular ang inis at pagkabagot. Hindi ko maintindihan ang sarili. Kibuin-dili ko si Madel sa tuwing tatabi ito sa akin para makipagkuwentuhan. Okupado ang isipan ko. Samu't sari ang tumatakbo sa isip ko na lalong nagpapabigat ng aking kalooban.

"Pupunta naman ba ang magaling mong kapatid?" Inis kong sabi na narinig kong ikinahagikhik ni Erina.


"Oo naman. I already called him. Sabi niya ay pupunta raw siya."


Inis na humigpit ang hawak ko sa cellphone. "Kailan mo siya sinabihan?"


"Kahapon lang, Ate Dal."



"Ano?! Eh bakit hindi niya ako sinabihan? He called me this morning at wala man lang siyang nabanggit! Nakakainis na talaga iyang kapatid mo." Nagpupuyos sa inis na sabi ko bago marahas na bumuntong-hininga.



Katahimikan ang saglit na namayani. Marahil ay nagtataka si Erina kung bakit ganoon ang naging reaksiyon ko. Hindi pa kasi namin naipapaalam dito ang pagkakaayos namin ni Cace at ang plano naming pagpapakasal. Alam kong magugulat si Erina oras na malaman nito ang tungkol doon. Ito ang numero unong tagahanga ng tambalan kunó namin ni Cace.


"Nagkabalikan na kayo?"



"Hindi kami nagkabalikan dahil hindi naman kami naging magkarelasyon noon. Itinuloy kang namin ang naudlot na relasyon."


Imbes na sumagot ay isang matinis na tili ang halos bumasag sa eardrum ko. Kaagad kong nailayo ang cellphone. Hinintay ko munang kumalma si Erina bago muling inilapit sa tainga ang hawak.


"Oh God, thank you! Kompleto na ang family ko!" Malakas at masaya nitong sabi na ikinangiti ko. Hindi ko mapaniwalaang kami ni Cace ang pinili nito kaysa sa sariling ina at kapatid na babae. Kung sa ibang tao siguro mas pipiliin ng mga itong sumama sa magulang. Iyon naman ang kadalasang nangyayari. Sasama talaga ang anak sa ina lalo na kung bunso ito. Pero sa kaso ni Erina, iba ito. Ayaw nito sa sariling ina. Sino nga ba naman ang gugustuhing mapasailalim ng manipulative mother nito? Kahit siguro ako pipiliin kong sumama kay Cace. Siya lang naman ang makakapagbigay ng proteksiyon sa akin o kaya ay kay Erina. Nakakataba rin ng puso ang sinabi nitong—sa wakas ay kompleto na raw ang pamilya nito.




"Erina, we—."



"Kaya dapat lang na dumalo ka, Ate Dal! Ipapakilala kita sa mga kaibigan ko. I'm sure matutuwa sila—ah well, maiinis rin at masasaktan. May mga crush kasi sila kay Kuya." Sabi nito bago humagikhik.



Matamis akong ngumiti sa isiping may mga teenager na may gusto kay Cace. Talagang malakas ang dating niya sa mga kababaihan, maging bata man o matanda. Yikes! Parang si Leticia?




Love Is All That MattersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon