Kabanata 29

1.8K 73 9
                                    

"May lakad po kayo, Ma'am?" Tanong sa akin ni Rita nang makasalubong ako nito pababa ng hagdan.


Marahan akong tumango bago nagpatuloy sa paglalakad. "Isasauli ko lamang itong jacket. Babalik din ako kaagad; dito ako kakain."




"Okay po, Ma'am Dalha." Nakangiti nitong sabi bago tumuloy sa pag-akyat. Magsisimula na siguro itong maglinis ng mga kuwarto.



Nang makababa ako ng hagdan ay saglit akong tumungo sa kusina. Balak kong uminom kahit kape man lang.



"Good morning, Ate Dal." Nakangiting bati sa akin ni Erina. Naratnan ko itong nag-aalmusal kasabay ng isang lalaki. Marahil ay kaibigan nito.




Hindi ko napigilan ang mapataas ang kilay. "May bisita ka..."




Awtomatikong napanganga si Erina. "Ah...yeah, I'm sorry. He's Kirk, he's my friend."



Marahan akong tumango bago ngumiti. "I'm Dalha, I'm her sister."



Napansin ko ang pagbalatay ng kaba sa mukha ng lalaki. Alanganin itong ngumiti bago tumango.



Hindi ko na nagawang magtimpla ng kape. Alam kong gusto ng mga ito ng privacy. Ayaw ko namang makaistorbo kaya kaagad na akong nagpaalam.




Isang taxi ang pinara ko pagkalabas ko pa lang ng gate. Akmang sasakay na ako sa loob nang mahagip ng tingin ko ang isang may edad na babae sa hindi kalayuan. Nakatingin ito sa akin at para bang nagpapaawa. Pero imbes na paglaanan pa ito ng mahabang oras ay mabilis na sumakay ako sa taxi. Alam kong mali ang gumanti ng masama sa mga taong gumawa sa akin ng masama. Pero hindi ko mapigilan ang sariling magpatay-malisya. Kahit man lang sa ganitong paraan maibsan ang galit na nararamdaman ko sa mga ito.




Sino ba ang dahilan kung bakit narito ako ngayon? Sinong may kagagawan kung bakit napasok ako sa ganitong buhay? Kasama sila sa mga taong nangmata at yumurak sa pagkatao ko. Kung hindi nila ako pinalayas noon, nakikinabang din sana sila sa kung anong tinatamasa ko ngayon.




Malalim akong nagpakawala ng buntong-hininga. Pagkatapos niyo'y kaagad na sinabi ko sa driver ang address na siyang paghahatiran nito sa akin.




Buong biyaheng nakatanaw lamang ako sa labas ng bintana. Iniisip kung anong gagawin oras na magkaharap ulit kami ni Cace. Madali akong umiyak kahit sa mga simpleng bagay. Kaya nahihirapan ako ngayon kung anong sasabihin bago ko iabot ang kaniyang jacket.




Pagkarating sa kompaniyang dating pinaglingkuran ni Elliott ay kaagad na tumungo ako sa elevator. Wala ni isa ang lumapit at nagtanong. Kilala na ako ng mga empleyado. Pero ganoon pa man, hindi naman ako abusado. Hindi katulad ni Estella, akala mo'y ito na ang may-ari kung umasta gayong sa lahat ito ang walang karapatan.




"Ma'am Dalha, ano pong ginagawa ninyo rito?" Tanong sa akin ni Karen; ang bagong secretary ng CEO.




"Si Cace?" Tanong kong hindi ipinapahalata ang kaba sa boses.




"Nasa loob po. Maupo po muna kayo, sasabihin kong may bisita siya."





Pasimple kong ikinuyom ang aking kamao nang pumasok si Karen sa loob. Ito na talaga, maghaharap ulit kami ni Cace. Kung ano man ang magiging pakikitungo niya sa akin, gagawin ko ang lahat para pantayan iyon. Ayaw kong magmukhang kawawa sa harap niya. Kung malamig siya sa akin, ganoon din ang gagawin ko.




-





"Sir, may gusto raw pong kumausap sa inyo."




Mula sa pagkakayuko ko sa mga papeles na pinipirmaha'y marahang iniangat ko ang tingin sa aking secretary. "Papasukin mo na lang, Karen."




Love Is All That MattersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon