CHAPTER 16

10.6K 414 227
                                    


"Malapit na ang kaarawan mo, malapit ka na mag dise-ocho." Umangat ang tingin ko kay Lola at tumango ako sa kanya. "Pasensya ka na apo, hindi katulad nung sa mga ibang batang babae na nagkakaroon ng debut yung kaarawan na mabibigay ko sayo. Pero pinapangako ko na paghahandaan ko 'yon."

"Lola, kahit naman po walang handaan mabati lang ako ng mga taong mahahalaga sa akin masaya na ako."

"Kasama ba doon yung Siwon na 'yon?" Nanlaki ang mata ko kay Lola at kumunot naman ang noo niya sa akin.

"Mahalaga po sa akin si Siwon?"

"Ikaw na ang nagsabi sa akin na parang naging pamilya mo yung mga Soriano noon nung wala ako, edi parang naging kuya mo na rin yon maging yung mga kapatid niya." Mali lang pala ako ng pagkakaintindi, ang akala kong pinupunto ni Lola ay mahalaga sa akin si Primo sa spesyal na paraan.

"Ah oo, lola." Napakamot na lamang ako sa batok ko at pinagpatuloy ang pagtutupi ng balot ng turon.

"Yaan na ang huling iluluto at maglalako na ako, lalo na ngayon at hindi masyadong mainit, mas magandang maglako sa labas."

"Lola, kakagaling niyo pa lang po sa hospital."

"Oo nga at kakagaling ko pero yung ilang buwan na tinagal ko pa doon matapos ang opera ko ay puro pahinga na. Kaya naman malakas na ako ngayon." Tumayo ako at binigay sa kanya ang mga turon na nabalot ko na, nakalagay na ito sa plato.

"Sasamahan po kita Lola, para exercise na rin po sa akin."

"Wag na at baka mapano ka pa!"

Umiling ako at malapad na ngumiti sa kanya. "Lola, healthy po sa mga buntis ang mag-exercise."

Wala rin nagawa si Lola, ngayon ay malapad ang ngiti ko na hawak ang basket namin ng turon, habang kay Lola naman ang kakanin. Balak namin itong ilako sa plaza ngayon, saktong-sakto pa na ang ganda ng panahon.

"Ako na po diyan." Montik na akong malundag sa gulat nang biglang lumapit sa amin si Primo, agad niyang inagaw sa amin ni Lola ang basket na dala namin. "Aling Carmila, ang bango naman po ng mga gawa niyo."

Hindi siya pinansin ni Lola kaya naman tumingin na lamang siya sa akin. Ngumiti lamang ako ng tipid sa kanya at agad ako na tumabi kay Lola sa paglalakad, napansin niya siguro ang pag-iwas ko sa kanya. Sa totoo lang ay hindi ako galit kay Primo, hindi ko lang talaga alam kung paano ko siya haharapin.

Dahil ang hirap makaharap siya na hindi napapatingin sa labi niya, hindi ko maiwasang isipin yung halik namin sa labas ng kubo. Sobra-sobrang emosyon na mga hindi ko mapaliwanag ang naramdaman ko, pero siguro ay tinanggap ko lang ang halik niya dahil sa labis na tuwa ko sa mga ginagawa niya para sa amin.

"Nako bumili ka na! Murang-mura pa to at bagong luto!" Masiglang sambit ni Lola sa mga tao dito, si Primo naman ay bumili ng inumin oras na makarating kami dito sa paglalakad.

Excited si Lola simula kanina pa na magbenta, dahil noon ay sobrang mabenta ng mga tinda niya at hinahanap-hanap pa talaga ng iba nang magkasakit siya.

"Nako Aling Carmila sinabi mo pa! Ang tagal na namin hinihintay yung ganitong luto!"

Puro karamihan ay mga matatanda o may edad ang bumibili sa amin ni Lola, ang parke ngayon ay puno ng mga kabataan at para bang hindi manlang nila pinapansin ang gawa ng Lola ko. Nalungkot tuloy ako dahil kaunti pa lang ang natitinda ni Lola, yung kanina na sigla niya ay unti-unting nababawasan.

Ominous MelodyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon