Kung pwede lang na pabagalin ang ikot ng mundo, kung pwede lang na mas tumagal tayo sa panahon na kung saan tayo pinakamasaya. Yung araw na hindi mo makakalimutan dahil sa lubos na kaligayahan, hihilingin mo na sana, sana ay dito na lang. Yung kasabay ng pag-ikot ng mundo, hindi ito bumagal bagkus ay mas bumilis pa ito.Sa sobrang bilis ay hindi na lamang natin namamalayan na kung minsan ay dinadala na tayo ng panahon sa ibaba o sa itaas. Naging malupit ang takbo ng ikot ng mundo, ngunit alam ko na kailangan ko ito na sabayan. Kung kinakailangan na tumakbo na ayon ng bilis ng mundo, lumakad na ayon sa glaw nito, at madapa sa bawat problema na bigay nito. Ang mahalaga sa mga ito ay nakatayo tayo sa pagtakbo, lalakad ka na nakatayo, at pagkatapos madapa ay muli kang tatayo.
Dahil sa buhay, talo yung taong mananatiling laging nasa ilalim. Talo yung taong hindi kakayanin gamitin ang dalawang paa upang tumayo. Ang pinakamatinding hamon na ibibigay ay hindi mismo galing sa mundo, kung hindi galing mismo sa'yo.
"Teacher Sanya!" Sinalubong ko sila ng isang malungkot na ngiti, saksi ang paaralan na ito sa unang taon ko na pagtuturo. Nasaksihan nito ang umaapaw na kaligayahan sa puso ko sa tuwing ginagawa ko ang gusto ko. "'Wag na po kayo lumipat ng school."
Bumalik lamang kami dito upang kuhanin ko na ang mga gamit ko dahil malapit na muling matapos ang bakasyon. Hindi ko inaasahan na andito pala ang mga iba ko na studyante.
Hindi ko napigilan na malungkot nang sobra dahil sa mga pre-elem ko na mga studyante, hindi ko mapaliwanag kung anong lubos na kaligayahan ang naramdaman ko sa mga bata na 'to. Dahil dito ko nasabi na totoo nga, ituturing ka ng mga studyante mo na parang pangalawang magulang nila.
"Makikita niyo pa rin naman ang teacher Sanya ninyo." Nabaling ang tingin ko sa lalaki na nagsalita, may ngiti sa kaniyang labi at inabot niya sa akin ang kumpol ng mga bulaklak.
"Mama, hindi na kami makapaghintay sa labas ni daddy hero." Natawa ako dahil kay Soraya, laging tawag niya kay Dominique ay daddy hero. Dahil sundalo na si Dominique, hindi ko man nasasabi sa kaniya nang madalas ngunit alam ko na ramdam niya kung gaano ako kaligaya o ka-proud para sa kaniya.
"Hello, Soraya!" Pagbati ng mga studyante ko sa anak ko, nagpababa naman agad si Soraya mula sa pagkakabuhat sa kaniya ni Dominique.
"Hello!" Magiliw na wika ni Soraya sa mga bata, agad na nakipag-usap ang anak ko sa mga studyante ko.
"Are you already sure with your decision?" Tanong sa akin ni Dominique oras na makalapit siya, naka-uniporme pa rin siya ng pang sundalo kaya madami ang tumitingin sa kaniya sa skwela. "There are other schools here with good salary, Sanya."
"Oo nga, pero alam mo naman na kung gaano kaganda na maging guro roon 'di ba? Mabibili ko lahat ng kailangan at mga gusto ni Soraya."
"Sus, kaya nga andito yung daddy hero niya 'di ba?" Natawa ako kay Dominique dahil ginaya niya na rin ang tawag sa kaniya ni Soraya. "Pero maganda na nga rin siguro 'yon, para mas madali ko kayo napupuntahan."
"Oh 'di ba? Edi hindi na kailangan umiyak maghapon ni Soraya tuwing aalis ka." Natawa siya nang bahagya at pinagmasdan si Soraya na maligayang-maligaya habang kalaro ang mga bata.
"She is so bright and bubbly, I would give everything in this world just to be her real father."
"'Di ba nga ikaw yung daddy hero ni Soraya?" Natawa na rin siya dahil ginaya ko na rin si Soraya.
"Anyways, your next school will be so lucky to have you."
"Bolero!" Tumawa siya nang bahagya at tinawag niya na si Soraya.