Matamlay akong naglalakad ngayon sa dalawang kadahilanan, naging matamlay ang kaarawan ko at nalulungkot ako dahil kay Dominique. Sa totoo lang ay hindi ko na talaga alam ang gagawin ko, naramdaman ko yung pagsaya ng puso ko nung dumating siya, pero hindi ko naramdaman yung kakulangan noong wala siya.Alam ko na mali yung ganitong nararamdaman pero gustuhin ko man na i-tama ay wala na rin naman akong magagawa, hindi ko na ito kontrolado. Katulad na lamang nung mga araw na wala kami sa hacienda ni Lola, alam ko at aminado ako sa sarili ko na hinahanap-hanap ko si Primo. Pero sa totoo lang ay nalibang o hindi ko na masyado pa na dinamdam nung mga buwan na wala si Dominique, pero naging masaya yung puso ko nung nakita ko siyang muli.
Parehong sitwasyon ay parehong komplikado.
"Anya, apo." Umangat ang tingin ko kay Lola, matamis ang salubong niya sa akin. Agad ay yumakap siya sa akin at binigyan ako ng halik sa noo ko. "Maligayang kaarawan, apo. Mahal na mahal kita."
"Mahal na mahal din po kita, Lola." Yumakap ako sa kanya, yakap na pinaparamdam ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal at kung gaano akong nagpapasalamat na nandito siya sa tabi ko. "Lola, sobrang swerte ko at meron akong lola na kagaya mo."
"Kakausapin kita mamaya dahil nararamdaman ko na may problema ka. Pero sa ngayon kailangan mo munang ma-ayusan, apo." Kumunot ang noo ko, ngunit wala na akong nagawa dahil inakay na ako ng dalawang babae na mag-aayos sa akin, papunta sa guest room ng hacienda.
Sa pagdilat ng aking mata ay namangha ako sa aking sarili, ngayon na inayusan pa ako. Kung dati ay sanay lamang ako na polbo lamang ang gamit ko, ngayon na may kung ano-ano ay nag-iba pa. Hinawakan ko ang repleksyon ko sa salamin, hindi ko mapigilan na mapangiti.
"Ikaw ang naging pinaka maganda sa lahi natin, apo." Natutuwang wika ni Lola, lumapit siya sa akin at hinaplos ang buhok ko. "Yung mama mo at mga kapatid ko, maging ako ay palagi kaming mga nasa mga parada at kung ano-anong paligsahan. Pero yung ganda mo, apo. Ibang-iba sa amin."
"Salamat Lola."
"Apo, napatunayan na sa akin ng mga tao dito na kaya ka nilang pangalagaan." Umangat ang tingin ko kay Lola.
"Anong ibig mong sabihin Lola-"
"Hayaan mo muna akong makatapos, apo." Ngumiti siya ng matamis at hinaplos ang buhok ko. "Matanda na ako, naisipan ko na puntahan sana yung kaibigan ko noon. Alam ko naman na ngayon ay magiging ayos ka na, dahil nasa tabi mo na ang mga Soriano, lalong lalo na si Siwon. Mabuting bata ang lalakeng 'yon, pinatunayan niya sa akin na hindi lang ang anak niyo ang kaya niyang pangalagaan, maging ikaw na apo ko."
"Magtatagal po ba kayo, Lola?" Hindi ko mapigilan na maluha.
"Magtatagal apo eh." Pinakita niya sa akin ang mukha niyang tila dismayado, ngunit ngumingiti pa rin siya. "Wag kang umiyak, apo. Mahal na mahal kita, lagi mong aalalahanin yon. Ikaw na apo ko yung laging dahilan kung bakit mas gusto kong magtagal dito at mabuhay, ikaw yung dahilan na ng paghinga ko apo."
"Lola, hihintayin kita." Tumango siya at ngumiti.
"Babalik naman ako apo." Nilaan niya ang kanyang kamay sa akin. "Tara na, hinihintay ka na ng mga Soriano."
Kumunot ang aking noo sa kanya dahil paanong nakasali ang mga Soriano, ngunit ngumiti lamang siya at nagsimula na kaming maglakad palabas ng bahay. May nakahintay na agad na lalake, inalalayan niya kami ni Lola papasok sa van.
Hindi naman ganon na kahaba ang naging byahe.
Huminto kami sa isang hotel ng mga Soriano, ang akala ko ay sa loob na kami ngunit sa likod pa ng hotel kami dinala ng lalake. Ang bumungad sa akin ay ang kanilang garden na sobrang ganda ng ayos, hindi ko mapigilan na mapangiti dahil sobrang ganda sa pangingin ng pagkaka-ayos nito.