CHAPTER 41

12.4K 516 265
                                    


"Pasensya na po talaga, Aling Nelia. Kailangan ko lang po kasi na laging dalhin si Soraya sa Doktor para sa kalusugan niya." umiling-iling ang landlord na tila desidido na siyang palayasin kami.

Mahirap... mahirap ang sitwasyon namin ni Soraya. Sa mga nagdaang buwan kahit kailan ay hindi naging uso sa akin ang salitang pahinga, kailangan ko kumayod nang walang tigil para kay Soraya. Ngunit sobrang hirap makakuha ng trabaho nang dahil lamang hindi ako tapos sa pag-aaral, kaya kahit ang paglalaba para sa mga tao dito ay pinasok ko na.

"Edi kung sana ginagamit mo 'yang kokote mo 'di ba? Aba eh sa ganda mo na 'yan siguradong madali kang makakapangasawa ng mayaman! Sinasayang mo kabataan mo."

"Aling Nelia, makakahanap na rin naman po ako ng permanenteng trabaho."

"Ay nako hindi! Lumayas ka na!" binato niya sa aking talampakan ang mga bag namin ni Soraya, ako naman ay tila basang sisiw habang karga-karga ang anak ko.

Kung wala siguro si Soraya, kung wala siguro sa tabi ko ang anak ko ay matagal ko nang sinukuan ang pagsubok na 'to. Sobrang hirap, walang araw na nagdaan na hindi ko tinanong ang sarili ko na kung kaya ko pa nga ba? May mga araw na nagdadaan na kailangan kong hindi kumain para makabili ng mga kailangan ni Soraya, dahil yoon ang pinakamahalaga sa akin ngayon bilang ina, ang anak ko.

"Kahit po pwede po bang bigyan ninyo na lang kami ng kaunting araw bago palayasin? Sobrang lakas na po kasi talaga ng ulan, Aling Nelia." umiling muli siya at padabog na sinara sa akin ang pinto.

Unti-unti ko na hinarap ang malakas na ulan, gabi na at hindi ko pa alam kung ligtas pa nga ba kami ni Soraya sa kalsada. Pinagmasdan ko ang anak ko, mahimbing siya na natutulog, sa awa naman ng Diyos ay palagi siyang malusog dahil na rin nabibigay ko naman ang kaniyang mga kailangan.

"Kapit lang, anak ah? Laging gagawin ni mama lahat para sa 'yo." saad ko at pinahid ang mga luha ko, ngumiti ako upang manlang itago ang hirap na nararamdaman ko. Inangat ko ang tingin ko sa langit at mukhang matagal pa na titila ang ulan, tinaklob ko sa amin ang aking damit at agad akong naglakad na mabilis.

Pilit ako na humahanap ng silong ngunit wala akong makita, natataranta na ako dahil unti-unti ay gumagalaw na ang anak ko. Ang taranta ko ay nahaluan na ng desperasyon nang unti-unting umiyak si Soraya. Walang tigil ang pagtakbo ko upang makahanap ng sisilungan hangang sa makakita ako ng puno.

Hindi ito naging sapat upang maprotektahan kami sa ulan, ngunit sapat naman na ito upang hindi mabasa ang anak ko. Agad ko na nilabas sa bag ko ang manika na bigay sa kaniya noon ni Uno, ngunit kahit anong gawin ko ay hindi pa rin siya tumatahimik.

"Anak, tahan ka na." saad ko ngunit ayaw niya pa rin tumigil dahil na rin siguro sa naglalakasang tunog ng patak ng ulan. "Gusto mo ba ulit makinig ng tugtog anak?"

Nilabas ko ang phone ko at agad ako na nagpatugtog ng kung ano na lamang ang mapindot ko. Unti-unti ay tumahimik si Soraya habang may nakasubong pacifier sa kaniya. Pansin ko rin na mayhilig sa mga kanta si Soraya.

Inangat ko ang tingin ko upang magbakasakali na makahanap ng mas magandang sisilungan ngunit wala pa rin talaga akong mahanap. Gumawi ang tingin ko sa kamay ko na puno na ng mga sugat dahil sa pagtratrabaho.

"Soraya, patawad dahil ako ang naging ina mo." wika ko at unti-unting sumabay sa patak ng ulan ang patak ng luha ko. Niyuko ko ang sarili ko kay Soraya at umiyak na ako nang umiyak, dahil sobrang hirap na. Sobrang hirap, determinado pa ang puso't utak ko dahil kay Soraya ngunit alam ko na salungat ang katawan ko, natatakot ako na bumigay ito. Natatakot ako na magkasakit ako at maiwan ko ang anak ko, dahil isa't isa na lamang ang mayroon kaming dalawa.

Ominous MelodyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon