Pilit ko na kinukubli sa sarili ko, tila ba niloloko ko ang sarili ko sa mga taon na nagdadaan. Kahit ako rin pala sa nagdaan na limang taon ay may kasinungalingan, kasinungalingan pa nga ba talaga?Lagi sa aking nagbibitaw ng mga pangako si Primo, lahat naman 'yon ay palaging natutupad. Ngunit ako, may isa akong pangako sa kaniya na kahit kailan ay hindi ko makakalimutan, kaya kahit matapos ang pag-alis namin ng San Soriano ni Soraya ay tinupad ko pa rin 'yon. Dahil alam ko na kahit wala ako, matutupad niya lagi yung mga pangarap niya. Andoon ako nung mga araw na kung tawagin pa lang 'yon ay pangarap pa lang, nakita ko sa kaniya yung kagustuhan niya talaga sa isang bagay.
Mabilis ang tibok ng puso ko at labis ang kaba ko ngayon habang nakasakay ako sa bus papunta sa San Soriano. Iniwan ko na muna ang anak ko kay Dominique. Nang makita ko sa telibisyon ang pagtakbo niya bilang Mayor at malaman ko na ngayon na ang botohan ay agad na ako nagsabi kay Dominique. Para manlang sa lahat ng mga nagawa ko na kasalanan kay Primo ay makabawi manlang ako.
Hinabol ng tingin ko ang isang malaking poster na nadaanan namin, andoon si Primo kasama ang isang Ardiente, magkasama silang tatakbo dito sa San Soriano.
"Ija, masyado ka naman ata na maaga? Inaayos pa lang namin yung mga voting machine." saad sa akin nung babae, ako naman ay ngumiti lamang.
"Gusto ko lang po tuparin yung pangako ko."
"Nangako ka sa mga kandidato? 'Di ba sila dapat ang mangangako sa inyo?" natatawa niya na saad. "Pero sigurado naman na ang panalo ng mga Soriano at Ardiente dito, sa lakas ba naman ng impluwensya nila. Lalong-lalo na si Siwon, sa kaniya talaga nakikita ng mga tao dito na lalong uunlad ang San Soriano."
"Gano'n din po ako." sagot ko naman. "Naniniwala rin po ako sa kaniya."
"Teka nga lang, bago ka ba rito? Hindi ka makakaboto kung hindi ka tiga rito."
"Hindi po, umalis lang po ako para sa siyudad manirahan, pero dito po ako pinanganak at lumaki." tumango-tango siya sa akin.
"Para kasing bago yung mukha mo, alam mo naman hindi naman sobrang laki ng San Soriano kaya halos lahat din ng tao magkakakilala." inabot niya sa akin ang papel. "Oh ayan, ikaw ang unang-una na boboto rito. Para makauwi ka na rin agad mukhang ang layo pa kasi ng pinunta mo."
"Salamat po."
Sa pag-upo ko at paglakbay ng tingin ko sa papel na hawak ko ay pangalan niya agad ang pilit na hinanap ng mga mata ko. Nang makita ko ito ay hindi ko maiwasan na mapangiti nang unti-unti ko na malaman na ang lapit na niya, ang lapit na niya sa bagay na ang tagal niya nang gusto na mangyari.
Parang dati lang ay lagi ko na sinasabi sa kaniya na naniniwala ako sa kaniya, na alam ko na kayang-kaya niya maging Mayor ng San Soriano. Hindi ko alam kung ako ba ang unang naniniwala sa kakayahan niya bilang maging isang Mayor, pero ang alam ko lang ay ako yung hangang sa dulo palaging maniniwala sa kakayahan niya bilang isang Mayor o hindi lang bilang isang Mayor.
Unti-unti ay pinili ko siya, sinulatan ko ang bilog sa gilid ng kaniyang pangalan. Hindi ko pa man din nasusulatan ang mga impormasyon tungkol sa akin dito sa papel ko ay inuna ko na agad ang pagboto sa kaniya. Alam ko na mananalo ka rito Primo, sa 'yo lagi ang boto ko.
Mali ka nung sinabi mo na tanging sa papel na lamang kita kayang piliin.
Primo, kahit sa ilang beses na paglubog pa ng buwan palaging ikaw na ang pipiliin ko maging sa pagdating ng araw, at maging sa pagsalubong ng dalawang 'to.
"Daddy!" walang tigil ang tawa ni Cordelia habang tinuturuan na siya mag-bike ni Primo. "Daddy 'wag po muna, I still can't balance it."
"Baby, masasanay ka once I let go, diretso mo lang."