ALLE’S POV:
Patakbo akong lumabas ng kwarto ng marinig ko ang malakas na sigaw ni ate Anie mula kwarto nila ate Hannah.
Naabutan ko si ate Hannah na nasa loob na ng bukas na banyo kaya agad na rin akong pumasok doon, pero agad din akong napa-atras ng makaamoy ako ng hindi kanais-nais at makita ko ang hubad na si ate Anie naka baluktot sa sahig ng banyo.
Agad na umikot ang paningin ko at bumaliktad ang sikmura ko sa nakitang itsura nito kaya di ko na napigilang maduwal sa lababo na nasa loob din ng banyong iyon.
Pulang pula ang buo nitong katawan at lapnos na ang mga balat nito dahil sa sunog na natamo. Umuusok pa nga ito ng maabutan ko itong nakahiga sa sahig habang hindi malaman ni Hannah kong paano ito hahawakan dahil kunting dampi lang sa balat nito ay sumisigaw na ito sa sakit at dumidikit din ang lapnos nitong balat pag hinahawakan iyon.
“What happened?”
Bungad din ni ate Colein na naka suot ng robe at naka-tuwalya pa ang basa nitong buhok na mukhang kakalabas lang ng banyo.
“S-si ate Anie.” Mahina kong sagot habang nakakapit pa rin ako ng mahigpit sa lababo dahil sobra na ang panginginig ng tuhod ko at hindi ko kayang lumapit kina ate Hannah at ate Anie para tulungan ito.
Nang mapalingon naman si ate Colein sa kinalalagyan ni ate Anie at makita nito ang kalagayan nito ay bigla na lang itong bumulagta sa sahig. Hindi ata nito nakayanan ang nakita at nawalan na lang ito bigla ng malay.
Mas lalo tuloy hindi malaman ni ate Hannah kong sinong uunahin niyang asikasuhin kay kila ate Anie at ate Colein na parehas ng nakahandusay sa sahig.
“Ate Colein!” Tapik ko sa pisngi nito, pero hindi pa rin ito nagmumulat ng mata.
“Shit!”
Narinig ko na nagmura na si ate Hannah habang palipat-lipat ang mata nito sa dalawang naka handusay sa sahig.
“Ate Hannah, ano ng gagawin natin?” Maluha-luha ko ng tanong dito.
“Kaya mo bang buhatin si Colein?”
Napatingin tuloy ako sa wala pa ring malay na si ate Colein sa sahig at hindi ko napigilang mapalunok.
Payat lang naman ito pero mas matangkad naman ito ng di hamak sa akin kaya sigurado akong mahihirapan akong buhatin ito. Tumango na lang ako at hindi na nagsalita pa.
Tinanggal ko muna ang salamin ko sa mata bago ko kinuha ang dalawa nitong kamay at isinampay sa magkabila kong balikat. Inilagay ko ang dalawa kong kamay sa ilalim ng kilikili nito para buhatin, pero agad din akong napa-igik sa kabigatan nito.
Mas lalo ko na lang hinigpitan ang pagkakahawak ko kay ate Colein para hindi ito tuluyang bumagsak. Dahil hindi ito ang tamang oras para panghinaan ako ng loob.
Mas lalo ko pang ibinuka ang dalawa kong paa para mas maitikod ko iyon ng mabuti at sinubukan ko uling buhatin patayo si ate Colein.
Hinila ko siya palabas sa banyo at habol ko ang aking paghinga ng maihiga ko na ito sa kama. Pinunasan ko ang mga butil ng pawis na namuo sa noo ko at isinuot ko na uli ang salamin ko sa mata.
Hahakbang na sana ako pabalik ng banyo ng maramdaman kong nangatog na naman uli ang mga tuhod ko kaya napaupo na rin ako sa kama habang pinapakiramdaman ang sarili ko. Pakiramdam ko ay nakasakay ako sa barko at umaalon ng malakas dahil umiikot na ang paningin ko.
Ipinikit ko ng mariin ang aking mata para pakalmahin ang sarili ko. Hindi ako pwedeng dumagdag sa alalahanin ni ate Hannah. Hindi rin ako pwedeng mahimatay dito.