CEMENTERY
Hindi ko na mapigilang maiyak habang nakatingin sa magkakadikit na lapida sa harapan ko. Mga pangalan ng kaibigan ko ang nakaukit doon. Sa loob ng limang buwan na pagpapagaling ko, ngayon pa lang nananariwa ang mga alaala sa akin kung paano kami naaksidente at kung paano namatay lahat ng mga kaibigan ko sa loob ng sinasakyan naming van.
Mag-iisang taon na ang nakalipas mula ng mangyari ang aksidente na iyon, pero ngayon pa lang ako nagluluksa at nagdadalamhati sa pagkawala ng mga pinakamamahal kong kaibigan. Ngayon ko pa lang pilit na tinatanggap na wala na sila.
Napasalamak na ako ng upo sa damuhan at humahagulgol na dinama ko ang mainit na marmol na nasa harapan ko. Alas dos na ng hapon at kasag-sagan ng init sa paligid dahil tirik na tirik ang araw at tanging payong lang na hawak ni Ross ang nagsisilbi naming lilim sa gitna ng sementeryo.
Kasabay ng pagtulo ng mga luha ko ang pagtulo rin ng pawis sa mukha ko, pero wala akong pakialam. Hindi ko rin alintana ang init na singaw mula sa damong kina-uupuan ko. Ang tanging nararamdaman ko na lang ngayon ay ang sakit sa dibdib. Para akong isang kandila na nalulusaw, hindi dahil sa init kundi dahil sa sakit na hindi ko maintindihan.
Mas masakit pa ito sa naramdaman ko noong umalis si Ross at mag-transfer ng ibang university. Dahil alam ko may possibilidad pa kaming magkita ulit. Alam kong kahit hindi ko na siya laging nakikita at nakakasama, nasa paligid lang siya at pwede ko pa siyang makabunggo o makasalubong kong saan.
Pero ang pagkawala ng mga kaibigan ko, ibang iba ang sakit na dulot sa akin. Dahil alam kong kahit anong isip ko, wala na talaga sila at hinding hindi ko na uli sila makikita at makakasama. Wala na akong kambal na kaibigan sa katauhan nila Erin at Anie. Wala na akong maarteng kaibigan sa katauhan ni Colein at wala na rin si Alle na siyang itinuturing kong nakakabata kong kapatid.
Naramdaman kong hinagod ni Ross ang likuran ko ng hindi ko na mapigilang mapa-iyak ng malakas sa sobrang pagdadalamhati.
"Ross, bakit parang napaka-unfair sa kanila?" tingala ko dito na wala pa ring patid ang pag-iyak ko. Nakayuko ito sa akin pero nanatili pa rin sa pagkakatayo kaya nangunyapit ako sa paa nito. "Bakit kailangan lahat sila mamatay? Bakit ako lang 'yong nabuhay sa amin?"
"Hannah..." Usal naman nito. Tuluyan na rin itong umupo sa harapan ko at inilapag nito sa gilid ang hawak nitong payong. Dahan-dahan niya akong kinabig palapit sa kanya para yakapin ng mahigpit. "Lahat ng mga pangyayari sa buhay natin, may dahilan. Siguro, hindi pa tapos ang mission mo dito sa mundo."
"Pero pare-parehas lang din naman kami. Mas mga bata pa nga sila sa akin ng isang taon, pero bakit sila pa ang naunang namatay?"
"Matatanggap mo rin ang lahat, Hannah," sabi nito. "Huwag mo masyadong puwersahin ang sarili mo, kagagaling mo lang. Baka makasama iyan sa'yo."
"Hindi ko ata makakayanang tanggapin na wala na sila," sabi ko habang sumisigok-sigok sa dibdib nito. "Sila na lang ang mga kaibigan ko."
Inilayo niya ako ng bahagya sa kanya at ikinulong nito sa kanyang mga palad ang mukha ko at iniharap iyon sa kanya. Pinahiran nito ang mga luha sa pisngi ko.
"Look at me, Hannah," sabi nito. "Nasa payapang lugar na ang mga kaibigan mo at hindi sila matatahimik pag nakikita ka nilang nagkakaganyan. Nandito pa naman ako, hindi kita pababayaan. Bago mo ako naging boyfriend, naging matalik na magkaibigan muna tayo, diba?" Ngumiti ito sa akin. "At nandito rin ang ang bago mong kaibigan kaya huwag ka ng malungkot diyan."
Napakunot ang noo ko habang nakatingin kay Ross.
"Nandito si Nero, ang nagligtas sa iyo mula sa aksidente," sabi nito na mas lalong lumawak ang pagkakangiti.
