"Tulad mo, isang pangkaraniwang tao lang din si Jazlyn," sabi ni Nero. Nagpakawala ito ng buntong hininga na para bang hirap na hirap itong alalahanin ang lahat. "Pero dahil sa kapabayaan ko, sa isang iglap nagbago lahat ang mga nakasanayan niyang buhay."
"Bakit? Anong nangyari?" tanong ko.
"Habang ginagamot ko si Jazlyn, may nakita siya na hindi niya dapat makita."
"Anong nakita niya?"
"Bilang isang shaman, may mga guardian spirit at spirit helpers kami," sabi nito. At hindi iyon nakikita ng isang pangkaraniwang tao. Ang spirit helpers ang katulong ko sa panggagamot, ito ang tumutulong sa akin at nagbibigay ng lakas para maayos kong mapagaling ang mga ginagamot ko. Pero ang nangyari kay Jazlyn, nagkamalay siya sa gitna ng panggagamot ko sa kanya. At ang isang tao na nasa malubhang karamdaman o nasa bingit ng kamatayan, hindi balanse ang kanilang mental, emotional at spiritual energy. Kapalit noon ang pagbukas at pagtalas ng six sense ng taong iyon." Bumuntong hininga uli ito. "At nakita ni Jazlyn ng malinaw ang spirit helpers ko ng tawagin ko iyon."
"Sandali." Putol ko kay Nero. "Iisa lang ba ang tinutukoy mo sa nakita ko noong gabing halos ikamatay ko na ang simpleng pagtingin ko sa hindi ko matukoy na nilalang na iyon?"
Tumango-tango ito. "Tama ka, Hannah," sabi nito. "Ginagamot rin kita ng mga panahon na iyon dahil sa pagkakahulog mo sa bangin. At tinawag ko ang spirit helpers ko para tulungan ako sa panggagamot sa iyo."
"Tumutulong siya sa iyo sa panggagamot?" Paninigurado ko. "Pero bakit halos patayin niya na ako sa pamamagitan lang ng pagtingin sa akin?" naguguluhan kong tanong.
"Masyadong delekado para sa normal na tao ang makita ang spirit helpers o ang guardian spirit ng isang shaman dahil hindi sila tulad ng mga pangkaraniwang ligaw na espiritu lang," sabi nito. "Masyadong malakas ang aura nila, katumbas iyon ng mga diyos at diyosa na naninirahan sa upper at lower world at kaya nilang patayin ang isang tulad mo ng hindi nila sinasadya."
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.
"Sa mga sinaunang henerasyon kung saan laganap pa ang mga maharlika at mga alipin," sabi nito. "Laging nakayuko ang mga alipin tuwing kaharap nila ang mga maharlika tanda ng paggalang. Walang nangangahas sa mga alipin na tumingin ng diretso sa mata ng mas nakaka-angat sa kanila dahil alam nila kung anong estado ng buhay nila. Ganoon din iyon sa mga diyos at diyosa dati kung saan malaya pa silang nakakahalubilo sa mga pangkaraniwang tao dito sa middle world. Walang nangangahas na makipagtitigan sa mga mata nila dahil alam ng mga pangkaraniwang tao na mas nakaka-aangat ang mga diyos at diyosa sa kanila. At ang mata ang bintana ng kaluluwa ng isang tao. Kaya ng mga diyos at diyosa na tupukin ang isang pangkaraniwang tao at gawing abo sa pamamagitan lang ng pagtitig sa kanila." Tumingin ito sa akin. "At ganon ang nangyari sa iyo ng titigan mo ang spirit helpers ko. Kung hindi ko naagapan ang lahat ay baka naging isang bato o abo ka na."
Hindi ko alam kong bakit bigla akong nilamig at pinantayuan ng mga balahibo ng sabihin iyon ni Nero. Hindi nga talaga biro ang nangyari sa akin noong gabing iyon.
"G-ganoon din ba ang nangyari kay Jazlyn?" tanong ko dito.
Mapait itong umiling. "Mas malala ang nangyari kay Jazlyn dahil hindi ko agad siya naagapan."
"Paanong malala?" Masyado na akong naiintriga sa mga kwento nito tungkol sa mga nangyari kay Jazlyn.
"Mabilis na gumaling si Jazlyn, pero hindi na siya 'yong dating normal na Jazlyn ng magmulat siya ng mata," sabi nito. "Marami na siyang nakikita at nararamdaman. Marami na siyang tinuturo at kinatatakutan sa paligid. Madalas nagigisingan ko siya sa gabi na bigla na lang sisigaw at nanginginig sa takot. Nagsasalitang mag isa, minsan bigla na lang iiyak o tatawa kahit mag-isa."