Wala sa sariling napa-atras ako pagkatapos kong mabitawan ang librong hawak ko habang nanginginig ang buong katawan dahil sa sinabi ni Scar face. Pakiramdam ko, namuti lahat ng dugo ko sa katawan.
"Hannah, bago pa kayo makarating sa bahay na ito, patay na ang mga kaibigan mo," sabi nito.
Hindi maipinta ang mukha ko habang umiiling-iling sa harap nito. "Impossible ang mga sinasabi mo."
"Pero iyon ang totoo."
"Sinungaling! Hindi totoo iyan!" Sigaw ko dito. "Dahil ang totoo, simula ng mabasa namin iyang lintek na kwentong 'yan, sunod-sunod ng namatay ang mga kaibigan ko. At ikaw Scar face." Duro ko sa kanya. "Ikaw ang kumuha sa kanila para patayin, at ngayon ganon na rin ang gagawin mo sa akin, diba?"
Namalayan ko na lang na napaiyak na ako sa sobrang galit. Samantalang kalmadong nakakatitig lang sa harapan ko si Scar face na mukhang hindi apektado sa mga sinabi ko.
"Hannah, hindi mo ba talaga naaalala ang lahat ng nangyari sa inyo ng mga kaibigan mo?"
Napakunot ang noo ko sa tinanong nito sa akin.
"Ano pa ba ang dapat kong alalahanin?" Pinunasan ko ang mga luha sa pisngi ko at pilit na inalala ang lahat. "Pumunta kami sa lugar na ito para mag outing, pero dahil hindi pala alam ni Anie ang daan papuntang resort na tutuluyan namin, naligaw kami at dito kami napadpad sa lumang bahay na ito."
Umiling-iling ito. "No, Hannah. Hindi iyan ang tunay na nangyari."
"Sino ka, para sabihin 'yan sa akin? Buhay pa ang mga kaibigan ko bago kami makarating sa bahay na ito at iyon ang totoo!"
Mas lumapit pa ito sa akin at akmang ilalagay nito ang kanyang palad sa noo ko kaya awtomatiko akong napa-atras.
"Huwag kang matakot," sabi nito. "Just trust me, ipapakita ko lang sa iyo ang tunay na nangyari."
Hindi na ako naka-alma ng mamalayan ko na nakalagay na ang kamay ni si Scar face sa noo ko, kasabay noon ang kakaibang enerheya na gumapang mula sa kamay nito papasok sa ulo ko. Agad na nanigas ang buo kong katawan kasunod ng pagpasok ng mga imahe sa loob ng utak ko.
Mabilis ang mga galaw noon na parang isang pelekula na niri-rewind pabalik sa loob ng utak ko, hindi ko iyon masundan. Pero bigla iyong huminto sa isang eksena, kung saan buhay pa ang mga kaibigan ko at nasa loob kaming lima ng isang mini-van.
+++
"Hoy Anie, sigurado ka pa ba sa dinaraanan mo?"Sita ni Erin sa kakambal nito habang nakatingin sa labas ng bintana ng van na sinasakyan namin.
"Oo naman. Short cut 'to," sagot ni Anie.
"Short cut?" Mataas na ang boses ni Erin. "Short cut pa ba ang tawag sa mahigit isang oras na byahe?"
Medyo bangag pa kaming tatlo nila Colein at Alle na nakaupo sa likod ng van kaya walang may gustong umawat sa pagtatalo ng dalawa sa unahan. Pagkarating kasi namin sa Busuanga Airport mula sa Manila, kumuha kami ng isang mini-van para gamitin papunta sa Coron town kung saan kami naka-check-in sa isa sa mga resort doon.
Pero imbes na thirty five minutes lang ang byahe papunta doon, inabot na kami ng isa't kalahating oras sa daan kaya hindi ko rin masisisi si Erin kung magreklamo na ito kay Anie.
"Pwede bang tumahimik ka na lang diyan!" Angil na din ni Anie dito. "Ako ang nagmamaneho, diba? Kaya alam ko ang dinaraanan ko."
"Hay naku! Pwede naman kasi tayong kumuha ng sasakyan na may driver, e. Tingnan mo ngayon nagkakanda-ligaw-ligaw na tayo!" sigaw na dito ni Erin.