Ramdam na ramdam ko ang singaw ng mainit nitong katawan sa likuran ko kaya alam kong malapit lang sa likuran ko ang nagsalita. Dahan-dahan akong humarap sa likuran ko.
Malapad at matigas na dibdib ang sumalubong sa mukha ko ng makaharap na ako. Nakasando lang ito kaya napalunok ako ng laway ng makita ko ang mga tumutulay na pawis sa kayumangging dibdib nito. Pigil ang sarili na punasan ang mga pawis nito ay pasemple akong humakbang pa atras para mag-iwas ng tingin at matingnan ang kabuuan ng tao na nasa harapan ko dahil sa tangkad nito.
Nang mapatingala ako sa mukha nito ay biglang nanlaki ang mga mata ko ng makita ko ang mahabang peklat sa mukha nito. Kasabay ng pag-awang ng bibig ko ay ang pagkabasag ng hawak kong baso ng wala sa sariling mabitawanan ko iyon sa sobrang pagkabigla.
Awtomatiko akong napatingin sa lapag kong saan nagkalat ang basag na baso pero may nakita akong mga patak rin ng dugo kaya tiningnan ko kung saan iyon nanggaling.
Mabilis kong natakpan ng dalawa kong kamay ang aking bibig at mabilis na napa-atras ng mapatingin ako sa hawak nitong itak na naglilimahid sa dugo. Awtomatikong nanginig ang buo kong katawan sa nakita at napatingin uli ako sa mukha nito na hindi nagbabago ang reaksyon. Nakatitig lang ito sa akin na parang pinag-aaralan ang bawat galaw ko.
Mas lalo akong nahintakutan ng pumasok sa isip ko si Scar face na sinasabi nila Erin dati at ang lalaking nasa harapan ko ngayon na may hawak na itak na puro dugo ay iisa lang dahil sa peklat nito sa mukha.
"Bakit ka nandito at paano mo nalaman ang bahay na ito?" walang emosyong tanong nito sa akin.
Nanatili lang akong nakatingin sa mukha nito dahil sa sobrang takot ay hindi ko na magawang ibuka ang bibig ko. Mas lalo akong nataranta ng makita kong humakbang pa ito palapit sa akin. Hawak pa rin nito ang itak na puno ng dugo kaya humakbang din ako paatras hanggang sa maramdaman ko na sa likod ko ang bangerahan na gawa sa kawayan. Nagpalipat-lipat na ang paningin ko sa walang emosyong mukha nito at sa itak na hawak nito habang pinagpapawisan na ako ng malapot.
Kanino kayang dugo ang tumutulo sa itak niya ngayon? Sinong pinatay niya?
Gusto kong panawan ng ulirat ng maalala ko ang pagkawala ni Alle kanina at ayaw tanggapin ng utak ko na kay Alle ang mga dugong iyon. Hindi ko mapigilang maduwal ng maisip ko iyon. Ako na ba isusunod niya?
"Hannah."
Mas lalo akong pinanindigan ng balahibo ng maramdaman kong hawak niya na ang isa kong balikat at tinawag niya pa ako sa pangalan ko.
"L-lumayo ka sa akin! Bitiwan mo ako!" sigaw ko.
"Wala ka na ring magagawa, Hannah. Kaya huwag ka ng magpumiglas pa."
'Wala na RIN akong magagawa?' Paulit-ulit iyong umi-echo sa utak ko.
Hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako sa sobrang takot dahil sigurado na ako ngayon na ito nga si Scar face na sinasabi nila Erin dati. Sigurado na rin ako na hindi ito isang kathang isip lang o multo dahil nahahawakan niya ako at kilala niya pa ako.
Nang makita kong gumalaw ang kamay nito na may hawak na itak pataas ay nahigit ko ang aking hininga.
"Huwag!"
Napapikit ako ng mariin at awtomatikong naiharang ko ang dalawa kong kamay sa dibdib nito dahil alam kong ilang sandali na lang ay lalapat na ang itak sa katawan ko.
Wala na akong maisip na ibang paraan para makatakas sa lalaking kaharap ko ngayon. Masyado na akong kinain ng takot para makapag-isip pa ng matino.
Pero ng maramdaman ko ang dibdib nito sa nakatukod kong kamay ay awtomatikong gumalaw ang dalawa kong kamay para itulak ito palayo sa akin.
Nanlalaki ang mga mata ko ng idilat ko iyon at makita kong natumba si Scar face. Hindi rin ata nito inaasahan ang gagawin ko kaya nawalan ito ng balanse at natumba ito paupo.
