HANNAH’S POV:
Hapon na pero tulala pa rin kaming dalawa ni Alle sa loob ng kwarto. Hindi na rin naming nagawang kumakain. Pakiramdam ko, hindi ko na kayang gumalaw para kumain at mag-iisip na nagugutom ako. Mas gusto ko lang tumayo maghapon dito sa gilid ng bintana at tingnan ang mga tuyong dahon na nililipad ng hangin.
Si Alle naman ay nakahiga lang maghapon dahil sa sakit ng likod nito. Hindi ko sinabi dito na malala na ang sugat sa likod niya. Pero alam kong nararamdaman niya rin iyon kahit hindi ko iyon sabihin. Sa bawat oras na lumilipas, mas lumalala ang sugat nito sa likod ng hindi ko alam ang dahilan kong bakit. Hindi rin iyon dumudugo tuwing lumalaki ang butas nito, kaya nakakapagtaka talaga.
Sobra ng sumasakit ang ulo ko kakaisip. Gusto kong mag wala at umiyak mag hapon, pero walang gustong lumabas na luha mula sa mga mata ko. Pagod na akong mag-isip, pagod na akong magpaka-tatag. Pagod na pagod na ako sa mga nangyayari sa amin.
Tiningnan ko si Alle na tahimik na naka-tagilid ng higa sa kama. Nilapitan ko ito at tiningnan. Nang makita kong nakadilat ito ay nginitian ko ito.
“Alle, kaya mo bang maglakad?” tanong ko dito habang hinihimas ang buhok nito.
“Bakit po, ate Hannah?”
“Aalis na tayo dito sa bahay na ito.”
Mabilis itong bumangon sa pagkakahiga para lang mapangiwi sa sakit, kaya agad ko itong inalalayan.
“Kaya mo ba?” nag aalala kong tanong dito.
Tumango naman ito at sinubukan uling bumangon. Halata sa mukha nito na tinitiis lang nito ang sakit na nararamdaman nito ngayon, pero halata pa rin iyon dahil dahan-dahan na lang ito sa pag galaw ng abutin nito ang salamin niya sa mata na nakapatong sa gilid ng kama.
“Kunting tiis na lang Alle,” sabi ko dito habang hawak ang dalawa nitong braso. “Pag naka-uwi na tayo, magiging okay na ang lahat.”
“Ate Hannah,” sabi ni Alle, tumitig ito sa akin ng matagal at bumuntong hininga. “Hindi ba natin sila isasama?”
“Sino?”
“Sila ate Erin,” sabi nito at isinuot nito ang salamin niya sa mata. “Nandito sila. Hindi mo ba naaamoy ang mga pabango nila, lalo na kay ate Colein?” Pumikit pa ito na para bang may inaamoy ito.
“Alle.” Tinapik ko ng bahagya ang pisngi nito. “Look at me.” Dumilat naman ito at tumingin sa akin. “Wala na sila Erin, okay? Tayo na lang dalawa dito kaya dapat na magpakatatag ka. Aalis na tayo dito.”
Umiling-iling ito. “Ate Hannah, hindi sila papayag. Hindi sila papayag na iwan natin sila dito. Kailangan natin silang isama.”
“Alle ano ba!” Hindi ko alam kong nagdidileryo na ba ito ng gising, pero kinikilabutan na ako sa mga pinagsasabi nito. “Wala na sila Erin, Anie at Colein. Patay na sila, hindi mo pa rin ba naiintindihan?”
Hindi ito sumagot pero bahagya itong lumingon sa kaliwa at parang may tinitingnan doon.
“Hindi pa sila patay, ate Hannah. Naka-ayos na nga sila at hinihintay na lang nila tayo sa pag alis para sabay-sabay na daw tayo.”
Nilingon ko ang tinitingnan nito at mas lalo akong kinilabutan ng makita kong nakatingin ito sa sofa kong saan ko inilagay ang mga bag nila Erin, Anie at Colein. Napalunok ako ng wala sa oras ng ibalik ko ang tingin kay Alle na nakatingin pa rin sa sofa.
Nanginginig na ang kamay ko ng hawakan ko ang magkabila nitong pisngi at iharap iyon sa akin.
“Alle, may sasabihin ako sa’yo, ha.” Mas inilapit ko ang mukha ko sa kanya para bulongan ito. “Hindi na natin sila pwedeng isama pauwi, okay? Kaya ayusin mo na ang mga gamit mo at aalis na tayo dito habang hindi pa dumidilim sa labas.”