Nakaramdam ako ng may pumupokpok sa bandang kaliwa ko, pero hindi ko agad magawang magmulat ng mata. Nanghihina ako at sobrang sakit ng buo kong katawan. Ang sakit ng ulo ko at hirap din ako sa paghinga.
Nanunuot sa ilong ko ang amoy ng gasolina at amoy ng nasusunog na goma. Nanlalabo ang paningin ko ng pilitin kong imulat ang aking mata dahil sa kapal ng usok sa paligid. Nang ipikit-pikit ko iyon ay puro dugo na ang nakita ko sa paligid. Nagkalat na dugo sa loob ng sasakyan. Nalingunan ko si Alle sa tabi ko na naliligo rin ng dugo at wala ng buhay. May nakatusok sa bandang dibdib dito na isang bakal, samantalang nakalaylay din ang ulo ni Colein sa gilid ni Alle at maraming nakabaon sa mukha nito na bubog ng salamin.
Mabilis na bumilis ang tibok ng puso ko sa nakita at mas lalo akong hindi nakahinga. Gusto kong magsisigaw sa nakita pero hindi ko kayang ibuka ang bibig ko.
Unti-unti akong lumingon sa kaliwa ng makarinig uli ako ng kalabog. Nakita ko na may isang lalaki sa labas ng sasakyan at pilit nitong ginigiba ang pinto na nasa gilid ko. Basag na ang salamin noon at sira na rin ang pinaka-lock ng pintuan dahil sa pagkaka-yupi noon kaya siguro hindi na iyon mabuksan ng lalaki kahit ipinasok na nito ang kamay nito sa loob at buksan iyon gamit ang bukasan sa loob.
Napahinto ito sa ginagawa niya ng mapatingin ito sa akin at makita nitong nakatingin ako sa kanya. Isang pares ng mapupungay na mata pero matiim kung makatingin ang sumalubong sa tingin ko ng mag-angat ng mukha ang lalaki.
"Miss, huwag kang mag-alala, ililigtas kita dito," sabi nito. "Huwag na huwag kang pipikit." Utos pa nito.
Ipinagpatuloy uli nito ang pagpokpok ng malaking bato sa labas ng pintuan ng sinasakyan ko. Mahaba ang buhok nito pero hindi ko alam kong hanggang saan banda dahil nakatali iyon sa likod. Naka sando lang ito kaya kitang kita ko ang paggalaw ng malalaki nitong muscle sa braso tuwing hinahataw nito ang pintuan.
Gusto kong gumalaw at lumabas na lang mula sa bintana para hindi na ito mahirapan pa, pero sobrang sakit talaga ng buo kong katawan, at pakiramdam ko ay durog-durog na ang mga buto ko sa sobrang bugbog. May tumutulong dugo mula sa ulo ko, pero hindi ko alam kong gaano kalaki ang sugat noon. Nahihilo ako at nanlalabo ang paningin ko, pero gusto kong sundin ang utos ng lalaki sa akin. Pilit kong pinapanatiling gising ang diwa ko. Ayaw kong pumikit ng matagal dahil baka hindi ko na kaya pang dumilat.
Nakaramdam ako ng pag-init sa loob ng sasakyan, kasabay ang paglagablab ng apoy sa unahang bahagi ng sasakyan. Napahinto na naman ang lalaki sa ginagawa nito at napatingin sa apoy na unti-unting lumalaki ang paglablab. Napatingin rin ako at nakita ko si Anie na nakasubsob sa manibela. Unti-unting nalalapnos ang balat nito dahil doon nagsimula ang pag-lagablab ng apoy.
Nakaramdam ako ng pagka-alarma lalo na ng makita kong kumislap-kislap ang mga wire sa ilalim ng manibela.
Wala sa sariling napatingin ako sa lalaki. Walang emosyon ang mukha nito, pero mabilis na ang paggalaw nito at mukhang determinado na talaga itong gibain ang pintuan ng sasakyan.
Alam kong gusto ako nitong tulungan, pero hindi ko maiwasang panghinaan ng loob lalo na at palaki na ng palaki ang apoy sa unahan. Gusto kong magsalita pero hindi ko pa rin maibuka ang bibig ko. Namalayan ko na lang na tumutulo na pala ang luha sa mata ko.
Napatingin uli sa akin ang lalaki. Nakita kong gumalaw ang panga nito pero hindi ito nagsalita. Huminga ito ng malalim at sapilitan nitong hinila palabas ang nakasarang pinto ng van. Mas lalong tumigas ang mga muscle nito sa braso tanda ng puwersang ginagamit nito. Tagaktak na rin ang pawis nito sa buong katawan.
Napapikit ako ng bigla nitong nabuksan ang pinto ng sasakyan. Dahil sa puwersang ginamit nito, tumilapon palabas ang pintuan kasama ang lalaki. Napailalim ito sa bakal na pinto na ngayon ay nakahandusay sa gilid ng kalsada at hindi gumagalaw.
