ANIE’S POV:
Tiningnan ko ang walang malay na si Erin na nakahiga sa sofa habang wala paring tigil ang pagtulo ng dugo nito mula sa sugat ng paa niya.
Maputla na rin ang labi nito pati na ang buong mukha niya kaya hindi ko maiwasang kabahan para sa kalagayan niya.
“Hannah, hindi ba talaga natin siya dadalhin sa hospital?” tanong ko kay Hannah ng hindi ko na matagalang tingnan ang sitwasyon ni Erin.
Tumingin sa akin si Hannah, pero hindi agad ito sumagot at halatang nag iisip din ito ng magandang gagawin. Punong-puno ng dugo ni Erin ang kamay ni Hannah, pati na rin ang puti nitong damit. May talsik din ng dugo ang pisngi nito.
“Don’t tell me, you make paniwala to what Erin tells you, like there was a guy outside with a scar face,” sabi ni Colein kay Hannah. “And you’re afraid to make labas.”
“Hindi sa naniniwala ako kay Erin o natatakot ako sa sinasabi niya kanina,” sagot naman ni Hannah. “Dahil kahit ako, hindi ko rin naman maintindihan ang mga sinasabi niya.” Hinimas niya pa ang kanyang noo na mukhang sumasakit na sa kaka-isip, kaya nalagyan na rin iyon ng dugo mula sa kamay niya.
“O, ano pa pala ang ginagawa natin dito? Bakit hindi pa natin dalhin si Erin sa hospital?” tanong ko uli kay Hannah.
“Anie, hindi naman kasi ganoon kadali ang gusto niyong mangyari sa sitwasyon natin ngayon,” mahinahong sagot ni Hannah. “Unang-una sa lahat, wala tayo sa siyudad at hindi natin alam kung may malapit na hospital sa lugar na ito. Pangalawa, wala tayong dalang sasakyan kaya mahihirapan lang tayong buhatin si Erin. At alam niyo naman kung ilang oras tayo naglakad mula sa highway papunta sa lugar na ito.”
“Ano pala ang gagawin natin?” hindi ko na napigilang maiyak ng maisip kong pwedeng mamatay si Erin sa lugar na ito. “Hannah, ayaw kong mamatay si Erin.”
Kahit na lagi kaming nagbabangayan at nag-aaway, kahit na gustong-gusto ko na siyang patayin tuwing iniinis niya ako. Hindi ko pa rin pala kayang mawala siya sa akin. Kambal ko parin siya at hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin pag mawala siya sa tabi.
Niyakap ako ng mahigpit ni Hannah, habang hinihimas-himas ang aking likod.
“Hindi ko hahayaang may mangyaring masama kay Erin,” bulong nito sa akin. “Gagawa tayo ng paraan, gagaling din si Erin.”
Kahit na alam kong pinapalakas lang ni Hannah ang loob ko. At kahit na pilit rin akong nagpapakatatag, hindi ko pa ring mapigilang mapahagulgol sa balikat ni Hannah.
Kahit na kambal kami ni Erin, hindi niya ako katulad na malakas ang loob kung kaya ni Erin na mag-isa lagi at hindi magpakita ng kahinaan sa iba, kabaligtaran naman ako noon.
Masyado akong emotional at hindi kayang mag-isa. Kaya rin siguro mabigat ang dugo sa akin ni Erin, dahil lagi siyang napapagalitan nila mama at papa tuwing napapa-iyak niya ako. Kaya pakiramdam niya lagi nalang akong kinakampihan ng mga magulang namin. Samantalang siya, lagi nalang pinapagalitan at pinapalo.
“That’s enough Anie, we will get through this. Erin will be okay.” Narinig kong bulong sa akin ni Colein at naramdaman kong niyakap niya rin ako. Pati si Alle ay yumakap na rin sa amin.
Nang mahimasmasan na kami sa mga nararamdaman namin, ay pinalitan uli ni Hannah ang telang nakatali sa paa ni Erin dahil basang-basa na iyon ng dugo.
Kahit na makapal iyon at ilang tali ang ginawa ni Hannah, mabilis parin iyong napuno ng dugo.
“Tulungan niyo akong maghanap ng sinulid at karayom dito,” utos sa aming lahat ni Hannah.
“Anong gagawin mo, ate Hannah?” inosenteng tanong dito ni Alle.