ERIN’S POV:
Nagmamadali akong lumabas ng kwarto para katukin sila Hannah sa kabilang kwarto. Pero halos ma-giba ko na ang pinto ng kwarto nila ay wala pa ring nagbubukas noon.
Nang pihitin ko ang door knob ng pinto ay hindi iyon naka-lock kaya agad ko iyong binuksan. Pero wala akong Hannah at Anie na nakita sa loob, at tanging mga bag lang nila ang nandoon.
Agad akong tumakbo sa kwarto nila Alle at Colein, at nakita kong nakabukas ang pinto ng kwarto nila, kaya agad akong pumasok. Pero wala ring tao doon. Tiningnan ko rin ang banyo sa loob ng kwarto nila pero wala talaga sila.
Halos manghina na ako sa sobrang takot at pag-aalala kong asaan na ang mga kasama ko. Namalayan ko na lang na tumutulo na pala ang mga luha ko habang pikot-ikot sa kwarto nila Hannah at Anie. First time kong makaramdam ng ganitong takot sa buong buhay ko.
Lumabas lang ako ng kwarto nila ng may marinig ako na mga boses sa kusina. Kaya nagmamadali akong bumaba ng hagdan habang isinisigaw ang mga pangalan nila Hannah at Anie.
+++
HANNAH’S POV:
“Ano ba talaga ang isyu sa inyong dalawa ni Erin?” tanong ko kay Anie habang nakahiga na ako sa kama.
“Isyu?” parang balewala namang tanong din sa akin ni Anie habang naghahalungkat ito ng damit sa kanyang back pack.
“Bakit ang init ng dugo niyo sa isa’t isa?” tanong ko uli at umupo na ako sa kama. “Parang hindi kayo kambal kung magturingan.”
Napahinto saglit si Anie sa ginagawa nito na para bang nabigla pa ito sa tanong ko.
Mga ilang segundo rin ang lumipas bago lumingon sa akin si Anie na may mga ngisi sa labi.
“Siguro hindi niya lang matanggap na mas maganda ako sa kanya!” kibit balikat nitong sagot sa akin, kaya agad ko itong binato ng unan sa likod.
“Naku, Anie gutom lang iyan.” Tumayo na ako sa kama at kumuha ng cup noodles sa bag ko. “Lika na, ikain nalang natin iyan sa baba,” hila ko kay Anie.
Inutusan ko si Anie na katukin niya ang kwarto ni Erin para yayain itong kumain, at ako naman ay pumunta sa kwarto nila Alle at Colein para tawagin ang mga ito.
+++
“O, asan na si Erin?” tanong ko kay Anie ng makita ko ito sa kusina na naka-upong mag-isa sa harap ng mesa.
“Pabayaan mo na iyon. Malaki na siya, pupunta naman dito yun pag nagutom.” Balewalang sagot ni Anie habang nilalaro-laro ang mantel ng lamesa na gawa sa gansilyo.
“Ang mean mo kamo, ate Anie kay ate Erin.” Sabi ni Alle na tumabi na rin kay Anie.
“Ako pa ngayon ang masama? E, alam niyo naman kung gaano ka-maldita yung babaeng iyon.” naka-pout namang sagot ni Anie.
“Naku, parehas lang naman kayo,” nangingiti kong sabi kay Anie habang naghahanap ng pwedeng pag-initan ng tubig para sa cup noodles namin.
“Uy, suplada lang ako, noh. Si Erin maldita talaga,” ayaw paawat na sabi ni Anie, kaya napailing na lang ako.
“Maybe you should make hanap Erin a lovelife, you know! So she should know how to make ngiti.” Sabi naman ni Colein kay Anie habang nilalaro ang hibla ng buhok nito.
“Walang pag-asang magka-lovelife iyon. Dahil tatanda na siyang dalaga,” sagot ni Anie sabay tawa ng malakas.
“Loka ka talaga, ate Anie,” sabi ni Alle na natatawa na rin.