CHAPTER 40

132 5 29
                                    

Muli kong sinabunutan ang sariling buhok dahil sa inip. Hindi ko mabilang kung ilang ulit na ba akong umikot sa higaan ko.

Tinawag ako nila Ate kanina dahil kakain daw dahil birthday ng isa sa katulong nila pero mas pinili kong manatili rito. Hindi ko naman sila kilala kaya.. Okay lang naman siguro na hindi ako bumaba para harapin sila?

"Achie?" pagtawag ni Ate sa labas ng kwarto ko. Sinundan ito ng tatlong sunod-sunod na katok. "Lumabas ka na riyan, hapunan na." dagdag pa nito at sinubukang buksan ang pinto, hindi naman ito naka-lock kaya agad itong bumukas.

Naabutan niya akong nakahiga habang ang dalawang kamay ay nasa ulo, nakasabunot pa rin. Pabaligtad ang higa ko, ang paa ay nasa ulunan habang ang ulo'y nasa paanan.

"Tara na, ano ka ba? Nagpunta ka rito para sa bakasyon hindi para magkulong." paalala nito, nagmartsa siya palapit sa 'kin at inabot ang aking kamay at walang habag na hinila ito dahilan upang mapaupo ako.

"Ate ang sakit!" reklamo ko ngunit tanging ngiwi ang naging tugon nito. Lumapit siya sa may balkonahe at sinara ang pinto nito na gawa sa salamin, buti na lang at mayroong kurtina upang hindi gaanong aninag sa loob. Sinara niya ito bago ako hinarap.

"Bababa ka o ihuhulog kita pababa?" taas-kilay na tanong niya. Halatang naiinip na ito at sigurado akong inis na ang kasunod nito kaya agad akong kumilos.

"Puwede bang mamaya na lang?" tamad na tamad akong bumaba sa kama. Gusto ko sanang mamaya na lang ako kakain kaso ito ngayon si Ate, matalim ang tingin sa akin!

"Ito na nga, oh. Nagmamadali na." agap ko at tamad na sinuri ang sarili sa salamin. Hindi naman na masama itong suot ko. Isang manipis na puting damit at maiksing short. Kalat din sa mukha ko ang buhok ko pero pake ba nila? Buhok ko naman 'to.

"Ayusin mo sarili mo, nakakaasiwa ka." nandidiring utos ni Ate bago naglakad palabas at iniwan akong tulala.

Dahil sa sinabi ni Ate, agad akong lumapit sa bag ko na nakasalampak sa sahig. Agad akong kumuha ng white printed shirt at isang maong shorts. Nagtungo ako sa banyo, naghilamos ako at nagbihis na. Napilitan din akong suklayin ang buhok ko. Hindi naman mahirap suklayin ang buhok ko pero tinatamad talaga ako!

Patakbo akong bumaba sa hagdan nang marinig ang reklamo ni Ate Zuila. Kailangan ba talagang sabay-sabay kakain? Sanay kasi kami na puwedeng kahit kailan gusto lalo na kung wala naman sa bahay si Mama.

Nakayuko akong umupo sa upuan kalapit ang upuan ni Ate. Kaharap ko naman ang dalawang bata at ang babaeng matinis ang boses. Nagsimula na silang kumain at ganoon din ako.

Ang kaninang walang ganang pakiramdam ay napalitan ng pananabik matapos malasahan ang mga ulam. Hindi pamilyar sa 'kin ang mga ganitong ulam dahil sa bahay namin puro de lata at noodles. Tuwing nasa bahay nga lang si Mama kami nakakakain ng masasarap dahil siya ang masarap magluto.

"Pinangat ang tawag diyan," biglang sambit ni Ate at saka tinuro ang ulam na nasa pinggan ko. Pinangat? "Gabi 'yan." paglilinaw niya nang makita ang lukot kong mukha.

"Masarap!" tanging nausal ko. Totoong masarap ito at gugustuhin kong muling kumain ng ganito.

Umangat ang tingin ko sa kaharap. Pasimpleng naghahampasan ang dalawang bata kaya abot tenga ang ngisi ko ngunit napawi rin iyon nang maalala na naging pangarap din namin na maging kambal.

Pinangarap natin 'yon dahil hiniling mo..

.. Lairca

Nagmamadali kong sinubo ang huling laman ng pinggan at agad kinuha ang baso ng malamig na tubig. Diretso ko iyong nilagok kaya kamuntikan pa akong mabulunan.

Unexpectedly FallingWhere stories live. Discover now