FEBRUARY 09, 2022 | WEDNESDAY
"Ano nang balak natin ngayon? Mailap pa rin sa atin si Samara," bungad na tanong ni Billie pagkarating ni Kiel sa pwesto nila sa canteen. Dala nito ang isang maliit na bag na naglalaman ng baong pagkain at diary ni Samara.
Lunch break ngayon at magkakasama silang tatlo nina Yori at Kiel sa isang mahabang lamesa sa canteen. Hindi nila niyayang kumain si Samara sa kadahilanang may mahalaga silang pag-uusapan.
"Hayaan mo na. Pangatlong araw pa lang naman," aniya.
"Pero di ba dapat may nababago na tayo ngayon kahit maliit lang? Maaaring malaki ang mabago nito sa hinaharap. Parang yung sinasabi nilang butterfly effect."
"May nabago naman, ah," pagsingit ni Yori habang nakapatong ang dalawang braso sa lamesa, "nagawa natin siyang lapitan. Tapos iba na rin ang isusuot natin sa Prom night. Si Kiel lang ang hindi nagbago kasi hihiram pa rin siya ng damit.'
"Pero 'di pa sapat 'yon. 'Di naman 'yon konektado kay Samara. At gano'n pa rin naman ang ugali at ekspresyon niya," nakangusong saad ni Billie at hindi kumbinsido.
"Anong nakalagay sa diary ni Samara? Yung pinakamalapit na date mula ngayon."
Nilibot ni Kiel ang paningin sa paligid bago ilabas ang diary sa bag. Binuklat niya ito sa bandang gitna at tiningnan ang mga petsa.
"February 11. Prom night," sagot ni Kiel at iniharap ang pahina sa kanilang dalawa.
"Tara, basahin natin."
February 11, 2022
As usual, hindi ako pumunta sa Prom night. Hindi ko nga alam kung para saan talaga 'yon. Para bigyan ng pagkakataon ang lovebirds? Mga mag-MU? Mga may crush? Kung ganoon, hindi talaga ako pupunta. Sayang sa oras dahil lilipas lang din 'yon tulad ng iba pang mga pangyayari. Isa pa, 'di ko kailangan ng lalaki sa buhay ko. Kaya kong mabuhay nang mag-isa.
-Samara Angeles
Agad isinara ni Kiel ang journal matapos nila itong basahin. Nilapit niya ito sa kaniya at itinago sa bag.
"Pagkakaalala ko, hindi pumunta noong prom si Samara."
"E di, hindi rin siya pupunta ngayon?" pagkumpirma ni Billie at naglagay ng ulam at kanin sa kutsara bago ito isubo, "pilitin natin siyang pumunta!"
"Paano kung wala pala siyang pera? 2k ang bayad para sa prom," giit ni Kiel.
"Mapera si Yori. Pwede niyang ilibre si Samara," tugon ni Billie at humagalpak ng tawa.
"Bitter ba si Samara? Parang ang lungkot ng buhay niya. Baka hindi pa 'yon magpasalamat kapag nilibre ko siya," ani ni Yori at uminom ng kapeng nasa lata.
Saktong pagkasabi niya no'n, dumaan si Samara sa harap nila na may dalang isang tray ng pagkain na walang laman. Saglit itong sumulyap sa kanila habang seryoso ang ekspresyon.
Nanlaki ang mga mata ni Yori at nasamid. Halos maibuga niya ang iniinom na kape kay Kiel dahil sa gulat. Ginamit niya ang braso para punasan ang labi at pagkatapos ay inilapit ang sarili sa katabi niyang si Billie.
"Narinig niya ba ang sinabi ko?" mahinang tanong niya at nakatanggap ng palo mula rito.
"Hindi natin alam ang pinagdaraanan niya. Maka-bitter naman 'to. Parang 'di ka ganiyan dahil 'di mo makausap si Mira, ah."
"'Di naman ako mukhang pinagsakluban ng langit at lupa 'di tulad niya."
"Pareho lang 'yon!"
Nagpatuloy pa sila sa pagbabangayan habang kumakain. Nanatiling tahimik si Kiel sa isang tabi habang kumakain at nag-iisip ng paraan kung paano mapapapayag si Samara na sumama sa prom night.
BINABASA MO ANG
Reverted to that Moment
Teen Fiction[Watty Awards 2022 Shortlisted] Samara Angeles is an outcast on her school. She has no friends nor someone to talk to, that's why no one knows about her when she went missing. Early on the other day, a news shocked everyone in her class. A chance to...