FEBRUARY 12-13, 2022 | SATURDAY & SUNDAY
February 14, 2022
Valentines day. Same as any usual days. Naggala lang ako sa mall pagkatapos ng klase. Ayoko pang umuwi.
Bigla akong nilapitan at kinausap ni Mira kanina. Sinabi niyang may utang na loob daw siya sa akin. Wala akong pakialam sa utang na loob kaya 'di ko siya pinansin. Mas mabuti na 'to.
-Samara Angeles
Isinara ni Kiel ang journal at binitawan ito matapos magbasa ng isa sa mga pahina.
Nasa kwarto siya ngayon at nakahiga sa kama. Kanina pang umaga umalis ang ama niya para magtrabaho at naiwan siyang mag-isa sa bahay.
Tumitig siya sa kisame at nahulog sa malalim na pag-iisip. Nakapatong ang ulo niya sa kanang braso habang ang isa ay may hawak na ballpen at pinapaikot ito.
"Mas mabuti na 'to? Paano mas naging mabuti ang mabuhay nang mag-isa?" kunot noong tanong ni Kiel sa sarili at hindi maintindihan ang logic ni Samara. Bumuga siya ng hangin at nag-unat sa pag-asang makakaisip siya ng ideya kapag ginawa iyon. Lumipas ang ilang minuto ay blangko pa rin ang isip niya. Bukod sa hindi niya kaklase si Samara, hindi niya rin ito gaanong nakakausap noon at maski ngayon.
Nang mapagod sa ganoong posisyon, tumagilid siya at tinitigan ang journal ni Samara.
"Samara, ano ba talagang nasa isip mo? Bakit parang piling-pili ang isinusulat mo sa journal? At bakit ayaw mong umuwi noong araw na 'yon? O lagi kang ayaw umuwi?" tanong niya habang nakatingin pa rin dito, "katulad noon, misteryoso ka pa rin."
10 AM pa lang at nakapag-almusal na siya kanina kaya wala na siyang gaanong gagawin ngayong araw. Patulog na ulit sana siya nang may biglang sumagi sa isip niya.
"Si Mira!" bulalas ni Kiel at napaupo sa kama. Kinapa niya ang phone na nakapatong sa ibabaw ng lamesa at kinuha ito para tawagan si Yori.
Ilang ring pa lang ay sinagot na ni Yori ang tawag.
"Bakit, pre?" bungad niya. May naririnig na tunog ng baril si Kiel sa background pero hindi niya ito pinagtuunan ng pansin.
"Nasa'n ka?"
"Sa bahay. Naglalaro ng mobile games. Bakit?"
"Pwede mo bang puntahan si--"
"Ayoko," mabilis na sagot ni Yori kahit hindi pa natatapos ni Kiel sa pagsasalita.
"--si Mira," dugtong niya.
"Mira?" Bakas sa tono ng pananalita ni Yori ang gulat. Biglang nakarinig si Kiel ng tunog ng pag-usod ng upuan mula sa telepono, "anong meron sa kaniya?"
"Alam mo kung nasaan ang bahay niya?"
"Oo. Bakit?"
"Nabasa ko kasi ang pangalan niya rito sa diary. February 14 nga pala ang araw na nilapitan niya si Samara," pahayag ni Kiel at binuklat ulit ang binasa niyang pahina para makasigurado.
"Anong meron do'n?"
"Naisip ko na imposible namang lalapit siya nang basta-basta kay Samara. Binanggit din ni Samara na may utang na loob daw si Mira sa kaniya. Sabado ngayon kaya baka magkita sila ngayong araw o kaya bukas."
"Sige susubukan ko siyang puntahan," mabilis na sagot ni Yori. Biglang tumigil ang tunog ng baril at tumahimik ang background. Itinigil niya ang paglalaro ng mobile games.
"Akala ko ba ayaw mo?"
"May sinabi ba ako?"
Bahagyang natawa si Kiel sa sinabi niya.
BINABASA MO ANG
Reverted to that Moment
Teen Fiction[Watty Awards 2022 Shortlisted] Samara Angeles is an outcast on her school. She has no friends nor someone to talk to, that's why no one knows about her when she went missing. Early on the other day, a news shocked everyone in her class. A chance to...