Day 19

20 2 53
                                    

FEBRUARY 25, 2022 | FRIDAY

A few days ago...

"Bakit, pre?" bungad na tanong ni Yori pagkatapos sagutin ang tawag ni Kiel. Ni-loud speaker niya ang tawag at pinagpatuloy ang paglalaro habang nakaupo sa gaming chair. Sari-saring background music at effects ang meron sa nilalaro niyang baril-barilan.

"Nasa'n ka?"

"Sa bahay. Naglalaro ng mobile games. Bakit?"

"Pwede mo bang puntahan si--"

"Ayoko," mabilis niyang sagot kahit hindi pa ito natatapos sa pagsasalita.

"--si Mira," dugtong nito.

"Mira?" Bakas sa tono ng pananalita ni Yori ang gulat. Inusog niya ang upuan at mabilis na tumayo, "anong meron sa kaniya?"

Binanggit ni Kiel ang tungkol sa bahay ni Mira. Hindi pa man nasasabi ang buong detalye, nabuo agad ang desisyon ni Yori na puntahan ang bahay nito. Itinigil niya ang paglalaro at kinuha ang wallet. Ibinulsa niya ang kaniyang phone at lumabas na ng bahay.

Habang naglalakad-lakad, naisip niyang oportunidad na ito para makausap si Mira. Walking distance lang ang bahay nila sa isa't isa kaya napagpasyahab niya nang maglakad. Pero sa katunayan, hindi siya sanay sa ganito. Sanay siyang hinahatid-sundo sa tuwing may pupuntahan. Pero dahil si Mira ang pakay niya ngayon, hindi na siya nag-atubiling puntahan ito, maglalakad man o hindi.

"Na-miss ko ang bahay na 'to!" ani ni Yori at suminghap. Gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi nang masilayan ang bahay na nasa tapat niya. Kulay asul ang pintura ng pader at pula ang bubong. Isang palapag lang ang bahay pero medyo malawak. May maliit itomg bakuran at nandoon ang dalawang puno ng mansanas.

Dalawang taon na ang nakalipas buhat noong maghiwalay sina Yori at Mira. Halos apat na taon din tumagal ang kanilang relasyon. At sa apat na taong iyon, nagkaroon sila ng mga lamat na naging dahilan para mauwi sila sa hiwalayan. Ang bahay na nakikita ni Yori ngayon ay pansamantalang tinirhan nila noon habang nag-iipon pa para makapagpatayo ng sarili nilang bahay. Ipinamana kasi iyon ng mga magulang ni Mira pero binalak pa rin nilang makapagpatayo ng mas malaking bahay.

Pero ngayon, mukhang imposible nang mangyari itong muli. Bumalik na sila sa panahon kung saan hindi pa sila nag-uusap at mukhang wala nang pag-asang magustuhan siya ni Mira. Ito ay dahil na rin sa mga nangyari nitong mga nakaraang linggo. Ang laki na ng pagbabagong naganap sa kanilang dalawa at hindi niya alam kung paano iyon aayusin.

Humakbang ng isa si Yori para makita nang mas malapitan ang bahay. Hahakbang pa sana siya ng isa pa nang biglang bumukas ang pinto ng bahay. Awtomatiko siyang napatakbo papunta sa poste na nasa katabing bahay para magtago.

Nanatili siyang nakatago sa pader hanggang sa tuluyang lumabas ng gate si Mira. Nakasuot ito ng itim na jacket kahit na tanghaling tapat at nakasuot din ng itim na sumbrero.

"Saan siya pupunta?" tanong ni Yori sa sarili at maingat na sumulyap kay Mira. Nakatalikod na ito sa gawi niya at mabagal na naglakad habang nakayuko.

"Sabi ni Kiel, alamin ko lang ang koneksyon niya kay Samara. Saka ko na siya lalapitan kapag nagawa na niya ang dapat niyang gawin," paalala niya sa sarili at pinalo-palo ang dibdib para pakalamahin ang sarili. Kating-kati ang mga paa niyang lapitan si Mira para kausapin.

Mag-isang naglakad si Mira habang nakalagay ang dalawang kamay sa bulsa. Normal lang ang lakad at tindig niya kaya hindi maiwasang magtaka ni Yori. Patago siya nitong sinundan hanggang sa makarating sila sa tapat ng isang cafe. Dream Cafe ang naka-display na pangalan.

Reverted to that MomentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon