"56 pesos po lahat," ani ni Andy at inabot ang in-order na parcel ng babaeng kausap. Dumukot ito ng isang daang piso mula sa bulsa at inabot sa kaniya.
"Ito na po ang sukli. Salamat," magalang niyang sambit. Matapos iabot ang sukli, sumakay na siya sa kaniyang bisikleta at pumadyak.
Tirik na tirik ang araw ngayong tanghaling tapat kaya kahit tuluy-tuloy ang andar ng bisikleta ni Andy ay napapawisan pa rin siya. May nakasabit na bimpo sa balikat niya na nagsisilbing pansalo ng mga butil ng pawis mula sa noo at leeg. Nakasuot siya ngayon ng puting damit na pang-foundation week at jogging pants. Nagdadalawang-isip kasi siya kung hahabol pa siya sa event na ginaganap sa school o hindi.
Pagkalipas ng ilang minutong pagbibisikleta, tumigil muna siya sa tapat ng isang tindahan para sumilong at panandaliang magpahinga. Hindi siya bumaba sa bisikleta. Nakaupo pa rin siya rito at itinapak ang isang paa sa lupa at ang isa naman ay nakatapak sa pedal.
Kinuha niya ang bote ng tubig na nasa front basket ng bike at uminom bago ilabas ang phone mula sa belt bag.
"Pagkalabas ng subdibsyon, kumaliwa...tapos dumiretso hanggang sa makarating sa gas station," paalala niya sa sarili at pinamilyar ang sarili sa lugar na pinuntahan. May isa pa siyang customer na hahatiran ng gamit bago umuwi.
"Alam ko na ang daan pamula rito," aniya at pasimpleng ngumiti. Itinago niya ang phone sa bulsa ng suot niyang shorts at nagsimula nang pumadyak.
Hindi na bago ang scenariong ito para kay Andy. Sa bawat araw na wala siyang pasok ay pumupunta siya sa OL-Shop para kumuha ng mga pwedeng i-deliver sa customer na nag-order sa online. Trabaho ito ng kaniyang ama na pinasa sa kaniya noong nagkasakit ito.
"Teka,... malapit 'to sa bahay ni Monica, ah," mahinang usal ni Andy at saglit na tumigil sa gilid nang makita ang pamilyar na daan. Wala pa siya sa mismong subdibisyon pero natatanaw na niya ang palengke na landmark sa lugar. Sa kabilang daan kasi siya karaniwang dumadaan noon papunta sa bahay nito kaya hindi siya gaanong pamilyar daang ito.
Kinuha ulit ni Andy ang phone sa bag at tiningnan ang saktong address ng buyer. Sa sobrang dami niyang iniisip tungkol sa mga bagay-bagay, hindi niya namalayang sa street na pala ng bahay nina Monica ang pupuntahan niya. Sampaguita street.
Naramdaman niya ang pagkabog ng dibdib kung kaya't pinakalma niya ito sa pamamagitan ng mariing pagpikit at paghinga nang malalim. Natatakot mang makita si Monica, napagpasyahan niyang ituloy ang pagbibisikleta para matapos na ang trabaho niya.
Nadaanan ni Andy ang turo-turo sa tabi ng palengke. Napahawak siya sa kumukulo niyang tiyan nang mapanood ang tinderong nagluluto ng iba't ibang street food. Hindi niya maiwasang matakam lalo na't bukod sa nakikita ay naaamoy niya rin ito. Isa pa, kape at dalawang pandesal lang ang umagahan niya at hindi pa rin nagtatanghalian.
Lumunok siya at iniwas ang tingin sa mga pagkain. Pilit niyang iwinaksi sa kaniyang isipan ang gutom at matinding pagod. Napagpasyahan niya itong tiisin at ituloy ang pagtatrabaho.
'Hindi pa oras ng pagkain,' sa isip-isip ni Andy. Nakasanayan na niyang hindi kumain ng tanghalian dahil para sa kaniya ay sayang ang pera para rito. Kumakain na lang siya tuwing hapon at gabi. At kapag nakakarami siya ng kita sa isang araw, saka siya bumibili ng mas maayos na pagkain para sa sarili at mga kapatid.
Pumasok na siya sa loob ng subdibisyon habang nakabisikleta. Dumiretso siya sa Sampaguita street kung nasaan ang bahay ni Monica.
Nostalgic. 'Yan ang tamang paglalarawan sa nararamdaman ni Andy ngayon. Dati ay madalas siyang bumibisita sa bahay ng dating kasintahan Pero buhat noong nabalitaan niya ang isyu tungkol dito at sa kaibigan niyang si Yori, lihim siyang nakipaghiwalay rito. Lowkey lang ang relasyon nila kaya walang gaanong nakakapansin sa paaralan. At kadalasan, puro na kay Yori abg atensyon nila at sa mga babaeng nakakausap nito.
BINABASA MO ANG
Reverted to that Moment
Подростковая литература[Watty Awards 2022 Shortlisted] Samara Angeles is an outcast on her school. She has no friends nor someone to talk to, that's why no one knows about her when she went missing. Early on the other day, a news shocked everyone in her class. A chance to...