Day 04 (Part 1)

20 2 30
                                    

FEBRUARY 10, 2022 | THURSDAY

"Sige, kami na ang bahala," ani ni Kiel at ibinaba ang tawag. Nakaangkas siya sa motorsiklo ni Austin. Nagba-byahe na sila papunta sa paaralan.

Katulad ng nakasanayan, sabay silang pumasok ngayon.

"Sure kang 'dito niyo nakikitang naglalakad si Samara, ah," paniniguro ni Austin habang nagmamaneho at nakatuon ang paningin sa dinaraanan nila.

"Oo. Doon pa siya sumasakay sa may waiting shed," sabay turo sa waiting shed mula sa distansya.

Maraming sasakyan ngayon kahit umaga pa lang kaya nahaharangan ng mga ito ang ibang dumaraang mga tao. May mga nakasuot na pambahay, pang-opisina, pantrabaho, at uniporme mula sa iba't ibang paaralan.

Nagpalinga-linga si Kiel para tanawin ang mga estudyanteng nakasuot ng uniporme na katulad ng sa kanila pero pambabae. Puting long sleeves at skirt na abot hanggang tuhod. Maraming nakasuot ng ganoon sa paligid kaya medyo nahirapan si Kiel na kilalanin ang mga ito.

"Baka mamaya kanina pa pa siya pumasok o absent siya ngayon."

"Hindi naman siguro," puno ng pag-asang sambit ni Kiel at patuloy pa ring naghahanap. Hindi traffic pero medyo mabagal ang pagpapatakbo ni Austin ng motor para siguruhing hindi nila malagpasan ng tingin si Samara.

"Ayun siya!" bulalas ni Kiel at itinuro ang babaeng naglalakad. Nakatalikod ito sa kanila pero sa buhok, hugis ng pangangatawan, at sa kilos ay mahahalata nang si Samara iyon. Nakasukbit sa likod nito ang asul na bag na may keychain.

"Puntahan na natin!"

"Wait lang, pre," biglang pagpigil ni Austin at saglit na inihinto ang motorsiklo sa gilid ng kalsada. Ngumisi siya na kaya't nakita ang dimple niya sa kaliwang pisngi. Tumingin siya kay Kiel na para bang may kalokohang naiisip.

"Anong balak mo?"

"Gulatin natin siya. Magpanggap tayong riding in tandem. Pagdaan ko sa gilid niya, hablutin mo ang bag niya."

"Loko, magagalit siya," asik ni Kiel at inayos ang pagkakasukbit ng bag sa likod. Sumulyap ulit siya kay Samara na mag-isang naglalakad  habang naka-earphone.

"'Di yan, pre. Ako'ng bahala."

Nagdalawang-isip si Kiel pero sa huli ay pinili niyang sundin ang utos nito.

Nang malapit na sila kay Samara, mas lalong pinabagal ni Austin ang pagpapatakbo ng motorsiklo. Pinadaan niya ito sa mismong gilid ni Samara. Hindi agad siya napansin ng dalaga dahil nakatungo itong naglalakad at mukhang walang pakialam sa paligid.

Saktong pagkadaan sa gilid ni Samara, hinablot ni Kiel ang backpack mula sa likuran niya. Hindi niya ito napaghandaan kung kaya't madali lang itong natanggal sa likod niya.

Pagkatapos makuha ay binilisan ni Austin ang pagpapatakbo ng motor para makalayo. Saglit na nabato sa kinatatayuan si Samara at 'di agad nakapag-react sa nangyari.

"Ano, pre. Dalhin na natin 'yan sa school tapos doon niya na lang kunin?" natatawang tanong ni Austin nang di inaalis ang tingin sa unahan. Ngumisi siya at nakaramdam ng tuwa dahil sa ginawa nila. Samantalang iba naman ang naramdaman ni Kiel. Bigla siyang nakaramdam ng guilt kaya't nilingon niya si Samara.

Kahit na malayo na sila, nakita niya si Samara na matalim na nakatingin sa kanila habang nakakunot ang noo. Kumabog ang dibdib ni Kiel at tinapik-tapik ang balikat ni Austin.

"Balik na tayo roon. Galit na yata siya," aniya nang 'di inaalis ang tingin sa dalaga.

"'Wag na. Alam naman siguro niyang tayo 'to kaya siguradong alam niya na makakarating ang bag na 'to sa school. At baka bugahan niya lang tayo ng apoy kung sakaling galit nga siya."

Reverted to that MomentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon