"This,..." halos pabulong na sambit ni Mira at bahagyang nanlaki ang mga mata dahil sa nakikita. Nasa venue na sila ngayon kung saan gaganapin ang kaarawan ni Samara. Isang picnic area sa malawak na park.
May pailan-ilang mga tao na namamasyal at tumatambay rito pero medyo malayo sa kinaroroonan nila.
Malapit nang dumilim at nakabukas na ang street lamp post sa paligid. May dalawang maliit na lampara sa kinatatayuan nila ngayon na nagsisilbing liwanag kahit nasa bandang gitna sila ng park. Nakalatag sa harap nila ang dalawang puting picnic mat. Nakapatong dito ang dalawang country picnic basket na pagmamay-ari ni Austin.
Habang wala pa sila kanina, mga katulong ng pamilya ni Yori ang nag-setup nito, sina Eva at Maye. Sila rin ang naghanda ng iba't ibang mga pagkain at inumin na binayaran ng magkakaibigan, maliban kay Andy na napilit lang sumama. Ang driver naman ni Yori na si Mico ay nakaparada sa parking na nasa dulo ng park. Doon siya maghihintay hanggang sa magpasundo si Yori.
Matiim na tiningnan ni Samara ang naka-setup sa harap nila. Hindi man siya nagsalita, kapansin-pansin sa mga mata niya ang pagkakaiba sa karaniwan niyang tingin. Sa ngayon ay hindi na ito malamig at blangko. Saka lang pumasok sa isip niya na maaaring hinanda ito nina Kiel para sa kaarawan niya.
Samantala, nakatitig sa kabuuan ng lugar si Mira at 'di maipinta ang mukha, "s-sinong naghanda nito?"
"Kaming lahat pero ideya ni Austin. Bakit? May problema ba?" tanong ni Yori na nakatayo sa tabi niya.
Umiling-iling siya at tila nawalan ng kulay ang mukha. Namutla siya at nanlamig ang mga kamay.
"May sakit ka ba? Bakit ka namumutla?" nag-aalalang tanong ni Yori at hinipo ang noo niya. Mabilis niya itong tinabing at dumistansya.
"H-Hindi. Masama lang ang pakiramdam ko. Uuwi na ako--"
"Deja vu," mahinang sambit ni Samara kaya napatingin silang lahat sa kaniya. Napakurap ng ilang beses si Mira at nagtatakang tumingin sa kaniya.
"Ano?"
Hindi sumagot si Samara. Nanatili siyang nakatayo sa pwesto at nakatitig sa picnic area na parang may inaalala. Humampas ang malakas na hangin kaya napayakap siya sa suot niyang jacket. Hindi niya napansin ang paglipad ng kulot at mahaba niyang buhok dahil sa kakaibang pakiramdam na hindi maipaliwanag.
"Ano na, guys? Tatayo na lang ba tayo rito hanggang sa mag-uwian?" pagputol ni Austin sa mahabang katahimikang namagitan sa kanila. Umakbay siya sa mga katabi niyang sina Kiel at Billie at nagtaas-baba ng kilay.
"Tara, kain na tayo," ani ni Kiel at pumalakpak ng isa. Isa-isa niyang tiningnan ang mga kasama at ngumiti nang malapad. Nauna na siyang umupo sa picnic mat at sumunod sina Austin at Billie. Tahimik ding umupo si Andy sa bandang kanan ni Kiel.
"Tara na na. Uuwi na rin tayo mamaya," dagdag niya at sumenyas.
"Samara, dito ka," masiglang paanyaya ni Billie at tinuro ang bakanteng pwesto sa tabi niya. Nasa kanan niya si Kiel at wala pang nakaupo sa kaliwa.
Ilang segundong tumitig si Samara sa lapag bago umupo roon. Tinanggal niya sa likod ang backpack at kinalong.
"Upo na rin tayo," pagtapik ni Yori kay Mira at nauna nang umupo. Pinili niyang umupo sa tabi ni Austin.
Ang pwesto na nilang lahat ngayon ay paikot. Magkakatabi sina Samara, Billie, Kiel, Andy, at Austin. Dahil malaki ang dalawang mat, kasya pa ang isa o dalawang tao sa pagitan ng bawat isa. Nasa gitna nakalagay ang dalawang basket na pinaglalagyan ng pagkain.
"Dito ka," paanyaya ni Yori kay Mira at tinapik ang pwesto na nasa tabi niya.
Sa halip na sumunod, lumapit si Mira kay Billie at nagtanong, "pwede ba akong umupo sa gitna niyo ni Samara?"
BINABASA MO ANG
Reverted to that Moment
Novela Juvenil[Watty Awards 2022 Shortlisted] Samara Angeles is an outcast on her school. She has no friends nor someone to talk to, that's why no one knows about her when she went missing. Early on the other day, a news shocked everyone in her class. A chance to...