Day 17 (Part 3)

22 1 45
                                    

"Nagmamadali ka ba? Bakit kanina ka pa tumitingin sa relo mo?" tanong ni Kiel kay Samara nang mapansin ang panaka-naka nitong pagsulyap sa sariling wristwatch.

"Ano ba kasing sasabihin mo?" iritableng tanong nito at hinawakan ang keychain na nakasabit sa bag.

Ilang minuto na ang lumipas buhat noong umupo sila sa isang mahabang bench pero hanggang ngayon ay hindi pa rin gaanong nagsasalita si Kiel. Abala lang siya sa pagtingin sa paligid kahit na medyo madilim sa ibang parte ng park na hindi sakop ng street lamp. Nakatalikod sila sa picnic area at nakaharap sa mismong kalsada na dinaraanan ng mga sasakyan.

Paulit-ulit ang paghinga niya nang malalim at tila sinusulit ang oras magkatabi sila ni Samara. Sinilip niya ang hourglass na nakasabit sa kaniyang leeg. Kagabi lang ay naisipan niyang lagyan ng lace ang hourglass para madala niya kung saan-saan at hindi mawala. Hindi iyon gano'n kalaki at may butas sa hawakan kaya madali niya 'yong nagawang kwintas.

"Nasa kalahati na pala," mahinang sambit ni Kiel at sumulyap kay Samara. Nagtindigan ang mga balahibo niya at nakaramdam ng kaba nang maisip ang posibleng scenario ni Samara kapag hindi sila nagtagumpay sa misyon.

"Ayos ka lang ba? May problema ka ba?"

Kunot-noong tumingin sa kaniya si Samara. Halatang na-we-weirduhan ito sa tanong niya kaya mabilis niya itong binawi, "I mean, kaya mo pa ba? Alam kong lahat ng tao ay may problema pero hindi lahat ay kayang harapin ito."

Nawala ang pagkunot ng noo nito at napalitan ng pagiging inosente.

"Ang ganda ng gabi ngayon," pag-iiba ulit ng usapan ni Kiel at pinatong ang kanang braso sa sandalan ng bench, sa bandang likod ni Samara. Para na siyang nakaakbay rito kung nakasandal ito. Hindi na niya ito pinilit na magsalita nang maalala ang nakasulat sa diary.

'Kung si Mira ang kaibigan ni Samara noon at ako ang pumalit kay Mira, siguro naman ay magsasabi siya ng sikreto sa akin sa,' sa isip-isip niya.

"Pwede bang magkaroon tayo ng code sa isa't isa?" tanong ni Kiel at sumulyap ulit kay Samara. Noon pa siya nagkaroon ng gusto rito pero ngayon niya lang natanto na hindi ito nakakasawang tingnan. Siguro sa paglipas ng panahon ay lalong lumalim ang pagkagusto niya rito.

"Anong code?" tugon ni Samara sa pangalawang pagkakataon.

Imbes na sumagot, ngumiti si Kiel at inangat ang kamay papunta sa bandang likod ni Samara. Dahan-dahan niyang inilapit ang kamay niya sa likod nito para tapikin ito. Pero bago pa man makalapat ang kamay niya, mabilis itong tinabig.

"Ayan, good. Ibig sabihin ay kaya mo pa."

"Ano?" naguguluhang tanong nito.

"Hangga't hindi mo ako hinahayaang tapikin ang likod mo, ibig sabihin ay kaya mo pang tiisin ang mga bagay-bagay o kung anumang problema mo ngayon. At kung hindi naman, 'wag kang mahihiyang manghingi ng tulong sa akin."

"Baki--"

"Kiel, nakauwa na yung dalawa." Naputol ang pagsasalita ni Samara nang sumulpot si Billie mula sa bandang likuran nila. Mabilis binawi ni Kiel ang kamay niya mula sa bandang likod ni Samara at tumingin sa gawi ng pwesto nila.

"Sinong dalawa?"

"Sina Andy at Mira."

"Hindi manlang nagpaalam. Sige, umuwi na rin tayo," ani ni Kiel at tumayo. Sinenyasan niya si Samara na sumunod sa kanila sa pagbalik sa pwesto.

Reverted to that MomentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon