Day 26 (Part 1)

14 1 45
                                    

MARCH 04, 2022 | FRIDAY

"Babagsak ka na, Austin, kapag nag-cutting class ka pa."

"Isang araw lang naman. Isipin niyo na lang may saysay ang pag-cu-cutting ko ngayon," natatawang sambit ni Austin habang nakatingin sa school gate. Kararating pa lang nilang dalawa sa school nang mabalitaan nila mula kay Billie na hindi pa nakikita si Andy hanggang ngayon.

"Tapos mamaya sisihin mo siya kapag hindi ka nakapasa. 'Di bale na. Kami na lang ang maghahanap sa kaniya habang hindi pa nagsisimula ang klase," pagkontra ni Billie at nag-make face.

"Saan natin siya hahanapin?" tanong ni Kiel at ibinaba ang backpack sa bakanteng bench na malapit sa kanila.

"Sabi ng papa niya nag-de-deliver daw siya ng parcel sa Ka--"

"Nagtatrabaho na si Andy?" gulat na tanong ni Kiel.

Bumuntong hininga si Billie at tumango. Bakas sa mga mata niya ang guilt habang nakatingin kay Kiel, "wala tayong kaalam-alam 'no? Hinusgahan pa natin siya nang 'di alam ang pinagdaraanan niya."

Napaawang ang bibig ni Kiel at nakaramdam ng pagsisisi. Maski siya ay aminadong nahusgahan ang kaibigan dahil sa palagian nitong pagtanggi kapag napagtripan nilang magkakaibigang gumala at gumastos.

"Baka naman naligaw lang siya o trip magpahinga sa mga bagay-bagay. Normal naman 'yon sa mga kabataan ngayon. Kasabay naman natin siyang naka-graduate noon at wala sigurong mababago," opinyon ni Yori kaya nabaling sa kaniya ang tingin nilang tatlo.

"Hindi raw 'yon magagawa ni Andy sabi ng ama niya."

"Ang laki ng tiwala niya sa anak niya, ah," ani ni Yori habang nakataas ang dalawang kilay. Medyo taliwas ito sa mga magulang niya na kapag nahuli lang ng kaunti sa pag-uwi ay pinagkakamalan nang gumagala na totoo rin naman.

"Alam din naman nating matinong lalaki si Andy at responsable."

"Sabagay," pagsang-ayon ni Kiel kay Billie, "ano nang plano?'

"Hanapin natin siya ngayon? Isang araw lang tayong a-absent kaya wala sigurong mawawala," suhestyon ni Billie at humawak sa school gate.

"Paano si Samara?"

"Oo nga pala," nakangiwing sambit ni Billie at pumitik. Hinilot niya ang sentido at problemadong tumingin sa school building. Sa isang iglap ay nahati ang desisyon niya, kung lalabas para hanapin si Andy o mananatili para samahan si Samara.

"Bilisan niyo magdesisyon. Malapit nang magsimula ang flag ceremony," pagsingit ni Austin at tinuro ang ilang nagkukumpulang mga estudyante na naghahanda para sa pagpila sa gitna.

"Ikaw na lang ang bahala kay Samara. Kami na ang bahala sa paghahanap kay Andy," ani ni Billie at tinapik ang balikat ni Kiel.

"Hindi pwede. Kaibigan ko rin si Andy. Isa pa, may natitira pa namang oras para kay Samara," tugon nito at inangat ang lace ng kwintas para ipakita ang hourglass. Kaunti na lang ang natitirang buhangin sa taas pero halatang tatagal pa ito ng ilang araw.

"Sige. Mas maganda kung maghiwa-hiwalay tayo. Yori, samahan mo si Austin sa paghahanap. Kami ang magkasama ni Kiel."

"Pero--"

"Ano? Problemado nga yata yung tao, oh. Hahayaan na lang ba ulit natin siyang mawala?" tanong ni Billie kay Yori hang nakataas ang isang kilay.

"Di naman pwedeng tayo lang ang mag-adjust. 'Di porque may problema siya ay mandadamay na siya."

"'Wag ka nang umangal. Para naman kayong walang pinagsamahan. At isa pa, baka isa ka sa dahilan kung bakit siya nawala kaya cargo mo siya. Isantabi mo muna si Mira, please lang."

Reverted to that MomentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon