Day 10

13 1 41
                                    

FEBRUARY 16, 2022 | WEDNESDAY

July 18, 2019-- Abella High

"Zoey, pakidala nito sa section ni Ms. Galvez," utos ni Ms. Ortiz habang nag-aayos ng ilang papel na nakalagay sa teacher's table. Walang klase ngayong umaga dahil inilaan nila ang oras para sa pagpili ng mga club ng bawat estudyante.

"Busy ako, ma'am. Pwede po bang iba na lang muna," pakiusap ni Zoey na ngayon ay naglilista ng mga pangalan ng mga kaklase niya.

"Sige, si vice president na lang. Sinong vice president dito?"

"Si Kiel po, ma'am," sagot ni Arch. Itinaas ni Kiel ang kanang kamay niya at tumingin kay Ms. Ortiz.

"Sige, 'nak, pakisuyo naman. Pakiabot nitong listahan sa room ni Ms. Galvez."

Tumayo si Kiel at pumunta sa harapan.

"Anong room po 'yun, ma'am?"

"Room 201 sa second floor. Sabihin mo ito yung listahan nila. Dito ilalagay ang mga pangalan ng mga estudyante at club na sasalihan nila."

"Sige po, ma'am," magalang na tugon ni Kiel at tinanggap ang papel bago lumabas. Saglit niyang inayos ang kaniyang buhok at suot na uniporme bago magtungo sa Room 201.

Dahil sarado ang pinto, kumatok siya ng tatlong beses. Lumingon-lingon siya sa paligid habang naghihintay na pagbuksan siya ng pinto.

"Ano po 'yun?" bungad ng isang dalagita pagkabukas pa lamang ng pinto. Napalingon si Kiel doon at bumungad sa kaniya ang isang babaeng medyo singkit. Maikli ang kaniyang kulot na buhok at may suot siyang puting headband. Medyo fit sa kaniya ang uniporme kaya kitang-kita ang hubog ng kaniyang katawa.

"Good afternoon po," nahihiyang sambit ni Kiel at nagkamot ng ulo. Hindi niya maiwasang mapatingin itsura ng babae. Sa mga mata pa lang ay kitang-kita na na puno ito ng buhay at emosyon.

"Ano pong kailangan nila?" mahinhing tanong nito habang nakatingin pa rin sa kaniya. Hanggang leeg lang ng lalaki ang tangkad niya kinailangan niya pang mag-angat ng tingin.

"Adviser niyo ba si Ms. Galvez?"

"Opo."

"Pakibigay na lang nito sa kaniya. Salamat." Magiliw na tinanggap ng babae ang listahan bago tumalikod at isinara ang pinto.

Present...

Ilang beses na ang pagbuntong hininga ni Kiel buhat pa kanina.

'Bakit bigla siyang nagbago?' tanong niya sa sarili nang maalala ang una nilang pagkikita ni Samara sampung taon na ang nakalipas. Pero dahil bumalik siya sa past, parang tatlong taon pa lang ang nakalipas buhat noong nagkakilala sila.

"Kiel, anong laro ang sasalihan mo para sa foundation week?" biglang tanong ni Nico, ang presidente sa klase nila. May hawak itong papel at ballpen habang nag-aabang ng sagot niya.

"Pwede bang bukas na lang ako magpalista? Hindi ko pa alam kung anong laro ako sa sasali."

"Sige. Pero baka maubusan ka ng slot sa gusto mong salihan," paalala nito bago umalis sa harap niya.

Tumango si Kiel at ipinatong ang baba sa kaliwang palad. Tumingin siya sa bintana at hinayaan ang sariling mag-isip ng kung anu-ano. Tuwing may naiisip siyang mga bagay-bagay, lagi itong bumabagsak sa pangalan ng isang babae.

Reverted to that MomentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon