MARCH 02, 2022 | WEDNESDAY
Maaga na at malapit nang mapuno ang school bus na sinasakyan ng Grade 9 Students. Nakaparada ito sa labas ng mismong Sarreal High habang naghihintay ng ilan pang mga estudyanteng sasama sa camping.
Nauna nang lumarga ang bus na sinasakyan ng Grade 10 students, kabilang si Kiel, dahil kumpleto na sila. Pupunta sila sa Sarreal Camping site na pagmamay-ari ng kapatid ng may-ari ng paaralan na si Leo Sarmiento.
Habang naghihintay, tumayo sa labas ang magkakaibigan na sina Billie, Andy, Austin, at Yori. Kasama nila si Samara na nakatayo sa tabi ni Billie. May suot itong manipis na itim na jacket sa ibabaw ng PE uniform. Nakasabit sa likod nito ang asul na backpack na may keychain na kape.
Walang gaanong nagkikibuan kahit na magkatabi sina Austin at Yori, at nasa likod sina Samara, Billie, at Andy. Lahat sila ay naghihintay sa kung sino ang unang magsasalita at babasag ng katahimikan.
"Sino pa pong hinihintay?" usisa ni Austin at lumapit sa adviser nilang si Ms. Franco na nakatayo sa mismong pintuan ng bus.
"Sina Erica at Tony na lang. Ba't ayaw niyo pang sumakay?"
"Mamaya na lang po kapag kumpleto na." Bumalik siya sa pwesto nila at sumandal sa bus.
Saktong pagbalik niya ay nakasunod sa kaniya si Mira. Galing ito sa loob ng bus at bumaba nang walang dalawang gamit para lumapit sa kanila.
"Mira, anong kailangan mo?" nagtatakang tanong ni Austin habang nakahawak sa magkabilang strap ng bag. Nilingon niya ito at pinanliitan ng mata.
"Si Yori ba? Ang crush mo?" pang-aasar ni Austin at ngumisi, dahilan para lumitaw ang dimples niya. Ibinuka ni Mira ang bibig niya para magsalita pero itinikom ulit nang wala pang sinasabi. Paulit-ulit itong bumuntong hininga at nilipat-lipat ang tingin sa kanilang lima na nakatayo.
Sa bandang likod ni Austin, dumating na ang hinihintay na sina Erica at Tony. Tanging sina Billie at Samara lang na nakaharap sa gawi ng mga ito ang nakapansin. Sina Yori at Andy kasi ay nakasandal sa bus at nasa malayo ang tingin.
"Ano nang sasabihin mo? Aakyat na kami," pananakot ni Austin at ipinatong ang siko sa balikat ni Mira. Saglit na sumulyap si Yori sa gawi nila at kumunot ang noo nang makita ito. Agad niya itong napansin kaya mabilis niyang tinanggal ang kaniyang siko.
Pilit na lumunok si Mira at yumuko bago mahinang nagsalita, "p-paano niyo napasama sa inyo si Samara?"
Lalong kumunot ang noo ni Yori at nakapamulsang tumitig sa kaniya.
"Bakit mo gustong malaman?" tanong nito.
"Yori, kayo na lang ang hinihintay. Nandito na sina Tony. Umakyat na kayo," biglang sigaw ng adviser nila. Mabilis na lumingon doon si Mira at bumalik na sa loob ng bus nang walang pasabi. Hindi na siya nag-abalang sumagot sa tanong ni Yori.
"Tara na," tapik ni Austin sa kanila at sumunod na rin sa loob.
"Anong klaseng tanong 'yon?" nagtatakang tanong ni Billie at sumulyap kay Yori. Alam nilang sumama sa camping noon si Samara pero hindi nila alam kung anong koneksyon ng pagbabago ngayon sa inaasta ni Mira, "may koneksyon kaya talaga sila?"
Umigting ang panga ni Yori at dumilim ang paningin. Maski siya ay naguguluhan sa takbo ng mga pangyayari pero pinili niyang manahimik. Hindi na niya sinagot ang tanong ni Billie at pumasok na lang din sa loob.
Humugot ng malalim na paghinga si Billie at bumaling kina Andy at Samara, "pumasok na nga rin tayo sa loob."
Umakyat na silang lahat. Umupo si Samara sa may bintana at tinabihan siya ni Billie.
BINABASA MO ANG
Reverted to that Moment
Teen Fiction[Watty Awards 2022 Shortlisted] Samara Angeles is an outcast on her school. She has no friends nor someone to talk to, that's why no one knows about her when she went missing. Early on the other day, a news shocked everyone in her class. A chance to...